Chapter 13:

4.3K 115 5
                                    

Halos mapaos si Queenie sa kanyang pagsigaw. Malaki ang pasasalamat niya sa sinag ng buwan at nakita niya ang anino ng Aswang na muntikan nang humagip sa kanya. Buti na lang at maagap siyang nakailag, ngunit bumalik ito kasama na ang may kaliitang Aswang. Hinanda niya ang kanyang sarili sa maaaring mangyari, mahigpit niyang hinawakan ang tungkod niya, pati ang bote ng Holy Water sa kanyang bulsa.

"Mga demonyo kayo! Ano'ng kailangan niyo sa akin? Wala kayong mapapala sa katawan ko! Hindi masarap ang dugo ko! Walang lasa ang puso ko! Wala ding kalaman-laman ang katawan ko na puro buto!" ang sigaw ni Queenie habang papalapit sa kanya ang dalawang aswang at siya naman ay umuurong.

"Wala man kaming mapapala ngunit aming ikatutuwa kung ikaw ay mawala!" ang nagngingitngit na turan ni Ella saka sumugod kay Queenie.

Pinaghahampas ito ni Queenie ng kanyang tungkod ngunit sadyang napakalakas nito kumpara sa kanyang lakas. Sipa at suntok kasama na paghampas ng tungkod ang walang tigil na panlaban ni Queenie sa hampas ng pakpak ng aswang hanggang sa tumilapon siya, nagpagulong-gulong.

At tumilapon din ang kanyang tungkod pati na rin ang bote ng holy water, "Diyos ko! Iligtas mo ako! Iligtas mo ako Diyos ko!"

"Hahahaha! Anak!" tawag ni Ella kay Thess na nakatingin lamang sa kanilang lumalaban. Tulala si Thess sa kanyang nasasaksihan, naalimpungatan siyang bigla nang maalala ang pangako sa ama. At may kung anong pakiramdam na tumutulak sa kanya na lapitan ang Albularya, bigla siyang naglalaway.

"Nandiyan na, Mommy! Ipaubaya mo na sa akin ang lahat!" ang humahangos na sambit nito na parang gigil na gigil sa kanyang kaharap.

"SINO KAYO? SINO KAYO? Bakit niyo ginagawa 'to?" ang nanginginig sa kabang tanong ni Queenie. Wala na siyang sandata naiwan, maliban sa panalangin.

"Magtatanong ka ngayon kung sino kami? Kami lang naman ang pamilya ng aswang na naputulan ng pakpak at napaslang! Ngayon ikaw naman ang susunod sa kanya! IKAW!" ang tiimbagang na sigaw ni Ella na ikinabigla ni Queenie.

"Napaslang?" ang nasambit ng kanyang bibig. 'Bakit napaslang? Nabawi nila ang kaputol na pakpak, at hindi basta-basta namamatay ang aswang kung walang mapagsasalinan ng bertud.' ang mga tanong na pumasok sa isipan ni Queenie.

"Nagtataka ka bakit napaslang ang asawa ko? Hindi na importanteng malaman mo ang buong katotohanan dahil mawawala ka na rin dito sa sanlibutan!"

"Hindi kayo magtatagumpay! Walang puwang sa mundo ang mga demonyong katulad niyo!" ang matinis na sigaw ni Queenie. At ito ang naging hudyat ni Thess upang sugurin ito!

Ang bahay nina Jane ang planong puntahan ng mag-inang Aswang ngunit napansin nila ang isang naglalakad na tinatahak ang daan patungo sa tahanang iyon, at nakilala ito ni Ella, ang Albularyang nagsaboy ng holy water sa kanyang asawa. Kitang-kita niya ang buong pangyayari noon habang siya'y nasa bubong na naghihintay kay Koko'ng lumabas sa tahanan nina Jane.

"TULONG!!!!!!!!" ang malakas na sigaw ni Queenie at nawalan ng lakas sa sobrang panlaban. Nanghina ang buo niyang katawan at naging madali lang kay Thess na gawin ang paghihiganti sa Albularya. Sinunggaban niya ito, at buong galit na hiniwa ang dibdib sa pamamagitan ng nagtutulisang mga kuko na animo'y mga Samurai sa talim. Poot at galit ang bumalot sa katauhan ni Thess at ang katarungan sa nasirang ama ang tanging laman ng kanyang utak.

"DIYOS KO! ILIGTAS MO AKO!" Pumiyok si Queenie at tuluyan ng nawalan ng buhay ng hinablot ni Thess ang puso niya. DUGO, tumutulong dugo ang mas nagpatakam kay Thess nang hawak-hawak na niya sa kanyang mga kamay ang puso ng Albularya.

"MOMMY! Mukhang masarap!" ang natutuwa nitong sambit sa ina.

"Oo, anak! Lalong sasarap dahil sa iyan ay tagumpay natin."

ISANG malakas na sigaw na nanghihingi ng saklolo ang nagpatindig kay Manong Sakong sa balkonahe habang naninigarilyo. Biglang sinundot ng napakalakas na kaba ang kanyang dibdib. "Ate!" bigla niyang sambit ng maalala ang kapatid. Daglian niyang hinanap ang kanyang itak at ang kwintas na bigay ng kanyang ama.

"Jane! Huwag mong ihiwalay sa katawan mo ang bigay ni Ate! Isara mo ang bahay, mag-ingat ka." at mabilisan itong tumakbo palabas upang saklolohan ang sinumang narinig niyang sumigaw bitbit ang kanyang itak at Torch sa kanyang kaliwang kamay.

Kinabahan si Jane sa ikinilos ng asawa ngunit kailangan niya itong sundin para sa kaligtasan niya at nang magiging anak nila...

Nakasalubong ni Manong Sakong ang grupo ng mga Tanod na kanya-kanyang bitbit ng kanilang sandata.

"May narinig kayong sumigaw?" ang tanong niya sa mga ito...

"Oo, yan din ang pakay namin upang alamin, hanapin at saklolohan. Di pa namin matukoy kung saan ang pinaggalingan ng sigaw." ang sagot ng lider ng mga tanod.

"Narinig ko doon lang sa unahan sa medyo masukal na daan." ang sabi ni Manong Sakong saka mabilis nilang tinungo ang daanang iyon ngunit humingi siya ng tulong sa ibang tanod na tunguhin ang kanilang tahanan upang masamahan ang buntis niyang maybahay.

"Mommy! May mga ilaw!" ang sambit ni Thess sa ina pagkatapos nilang paghatian ang puso ng kanilang biktima.

"Kailangan nating makaalis agad Anak. Bilis!" hinila ni Ella ang anak at mabilisang sumahimpapawid.

"Mommy, hindi pa tayo tapos di ba? Hindi naman 'yong Albularya ang misyon natin di ba?" ang tanong ni Thess sa ina habang walang tigil sa pagdila sa mga natirang dugo sa kanyang mga palad.

"Oo, Anak! Babalikan natin sila sa tamang panahon."

"ATEEEEEE!!!!!!" ang malakas na sigaw ni Manong Sakong nang bumungad sa kanila ang katawan ni Queenie na nakahandusay sa gitna ng daan. Nasusuka sila sa kanilang nakikita, wakwak ang dibdib at naligo ito sa sarili niyang dugo.

"MGA DEMONYO!"

"Aswang ba talaga ang may kagagawan nito?" ang di makapaniwalang tanong ng isang tanod habang nakatakip ng bunganga.

"Sa tingin mo ba Pare normal na tao ang may kagagawan nito? Tingnan mo naman!" ang sambit din ng isang tanod.

"Aswang ang may kagagawan nito! Nakita mismo ng dalawang kong mata ang mga demonyong iyon ng sinugod nila ang asawa ko sa kubo namin!"

Takot ang makikita sa mukha ng mga tanod. Totoo nga ang sinabi sa kanila ng kanilang Kapitana...

Hindi alam ni Manong Sakong ang kanyang gagawin, lalapitan ba niya ang kapatid? Hindi niya kaya dahil sa loob-loob niya ay sinisisi niya ang sarili sa kinahinatnan ni Queenie. Kung sinunod lamang niya ang utos ng asawa ay hindi sana naging biktima ng Aswang ang kapatid niya.

"Patawad, Ate! Patawarin mo ako! Kung nakinig lang sana ako kay Jane na sunduin ka hindi mo sana sinapit ito." ang paghihinagpis niya.

HIWAGA by Cory_KhongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon