"SUSUNOD ka na sa kanya!" Sigaw ni Enrico saka niya tinanggal ang pagkakaapak ng paa niya sa kamay ko at sinipa naman niya ang tiyan ko.
Napadapa ako sa sobrang sakit. Naghahalo na ang emosyon ko: lungkot, galit, takot.
"Papatayin kita." Pinilit kong lumuhod. "Papatayin ko kayong lahat."
"Wala ka nang kayang gawin pa! At mamamatay ka na rin rito sa Isla Del Fuego!"
Nasalag ko ang paa niya nang sipain niya ako sa mukha kaya naman hinatak ko iyon at napahiga siya sa sahig. Mabilis akong pumaibabaw sa kanya at magkakasunod na suntok ang pinatama ko sa mukha niya.
"Nagsasayang ka lang ng oras sa akin." Habol hiningang sabi ni Enrico saka ko ulit sinapak ang mukha niya.
Sasapakin ko sana ulit siya nang marinig ko ang pag-andar ng makina ng helicopter kaya pinilit kong makatayo upang habulin si Armando.
Kahit masakit ang buong katawan ko pati na ang sugat ko sa hita ay pinilit kong tumakbo. Ilang infectee ang sumalubong sa akin pero mabilis ko silang iniwasan.
Malapit na ako sa helicopter nang mapatigil ako. Nanlaki ang mga mata ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nang mapagtanto ko kung sino ang humarang sa akin.
"Harley..." Napaatras na lamang ako.
Puro sugat ang mga braso niya at puro saksak ang dibdib niya. May umaagos na dugo mula sa mga mata niya, ilong, tainga at bibig. Masama ang tingin niya sa akin.
"Harley, alam kong kilala mo ako! Please, huwag mo namang gawin sa akin ito." Pakiusap ko sa kanya.
Umuungol lamang siya habang mabagal na humahakbang palapit sa akin.
Naalala ko ang anti-bodies na nasa bag ko kaya naman mabilis ko iyon na kinuha.
"It won't work!"
Napalingon ako kay Armando na nasa loob ng helicopter. Nakangisi ito.
"Once the host is turned, mawawalan na ng bisa ang anti-bodies."
"Hindi totoo ang sinabi mo!"
"Ako ang may gawa ng C-tapeworm kaya I know it better than you. Kaya wala nang mangyayari kahit na-"
Hindi na natapos nito ang pagsasalita dahil may tumama na bala sa noo nito. Gayundin sa piloto ng helicopter.
Nabigla naman ako nang sugurin ako ni Harley. Nabitawan ko ang vial kaya naman nahulog ito sa sementadong sahig ng helipad at nabasag ito. Napahiga naman ako at pumaibabaw sa akin si Harley.
"Harley, please! Tumigil ka!" Pakiusap ko habang hawak-hawak ko ang mga braso niya na nagpupumilit na abutin ang mukha ko.
"Richard!"
Nilingon ko ang tumawag sa pangalan ko. Pilit na nilalabanan ni Hanes ang mga infectee na narito sa helipad. Habang si Raven naman ay papalapit sa akin at nakatutok ang hawak niyang baril kay Harley.
"Huwag!" Sigaw ko. "Huwag mo siyang babarilin!"
"But she's turned! It's you or her!" Singhal nito.
May sasabihin pa sana si Raven pero may humatak na infectee sa leeg niya kaya natumba siya.
Ibinalik ko ang tingin kay Harley na galit paring umuungol. "Harley, please. Lumaban ka. Sabay tayong aalis rito."
Tila hindi niya ako naririnig. Natakot ako nang abutin ng bibig nito ang leeg ko kaya naman itinulak ko siya palayo at mabilis akong bumangon.
Bumalikwas rin ng bangon si Harley at sumugod ito pabalik sa akin.
Hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko kaya naman napapikit na lamang ako.
Isang putok ng baril ang narinig ko. Agad kong iminulat ang mata ko at mabilis kong nilapitan ang pabagsak na katawan ni Harley.
"Harley!" Sigaw ko at nang masalo ko siya ay inihiga ko siya sa sahig.
"Richard." Tanging nasabi niya saka siya tumigil sa paghinga.
"Hindi!" Sigaw ko. "Makakaalis na tayo, Harley! Please, don't die on me. Damn it!"
Patuloy ang pag-agos ng mga luha ko habang yakap-yakap ko ang katawan ni Harley.
"Kailangan niyo na umalis ni Hanes."
Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang duguang si Raven. May kalmot ito sa leeg at may umaagos na dugo mula roon.
"Sorry, Richard. Kinailangan kong gawin iyon upang iligtas ka. Kagaya nga ng sinabi ko. It's either you or her. Alam kong maiintindihan ni Harley ang ginawa ko kaya hindi ko pinagsisisihang niligtas kita."
Napaluhod si Raven sa sahig habang sapo ang kanyang leeg.
Ibinalik ko ang tingin sa walang buhay na katawan ni Harley. Nakapikit ito at para bang natutulog lamang. Lalo lamang ako naiyak.
"Umalis na tayo rito!" Sigaw ni Hanes saka lumapit sa amin.
"Hanes, umalis na kayo ni Richard." Hinihingal na utos ni Raven.
Niyakap ko nang mahigpit ang katawan ni Harley saka ko iyon marahan na inilapag sa sahig.
"Paano ka, Raven? Sumama ka na sa amin! Matutulungan ka ng mga doktor!"
Hinawakan ni Hanes ang braso ni Raven pero hinawi lamang iyon ng binata. "Tanggap ko na kung ano ang mangyayari sa akin at ayokong saktan kayo kapag tuluyan akong naging infected kaya umalis na kayo!"
"Sumama ka sa amin, Raven!" Tumayo ako at lumapit ako sa kanila ni Hanes. "Alam kong gugustuhin rin ni Harley na sumama ka sa amin para mailigtas ka."
Tumayo si Raven saka itinutok sa amin ang hawak na baril. Dahan-dahan siyang humakbang paatras. "Umalis na kayo rito! Wala nang oras! Parating na ang airforce para pasabugin ang lugar na ito!"
"Ano?!" Pagtataka ko saka ako nagtangkang lumapit sa kanya pero inawat ako ni Hanes. "Hanes, ano ba? Bakit mo ako pinipigilan? Kailangan nating isama si Raven paalis rito!"
Umiling si Hanes. "Tama siya, wala nang oras! Tara na!"
Nagpumiglas ako pero kinaladkad ako ni Hanes papunta sa helicopter. Panay ang tawag ko kay Raven upang sumama siya sa amin pero ngumiti lamang siya at kumaway sa amin saka nakipagbuno ulit sa mga infectee.
Nang maipasok ako ni Hanes sa helicopter ay isinara niya iyon saka siya nagtungo sa cockpit nito upang paliparin ito.
"Hindi!" Sigaw ko habang patuloy ang pag-agos ng mga luha mula sa mga mata ko.
Halos mamaos ako kakasigaw nang makita kong pinagtulungan ng maraming infectee ang nag-iisang si Raven. Wala na itong nagawa at tuluyan na itong bumagsak sa sahig.
"Hindi." Napayuko na lamang ako at naitakip ko ang mga kamay ko sa mukha ko. Nagpatuloy lamang ako sa pag-iyak.
Umangat na ang helicopter at nagpatuloy na ito sa paglipad sa ere.
Ibinalik ko ang tingin sa isla. Nagkalat ang maraming infectee roon at hindi ko alam kung may natitira pang buhay na tao roon.
Nang makalayo ang helicopter sa isla ay may natanaw akong ilang missile na papunta sa isla. Sinundan ko iyon ng tingin at nanlumo na lamang ako nang bumagsak ang mga iyon sa Isla Del Fuego.
Unti-unti nang lumiliwanag ang kalangitan senyales ng bagong umaga.
Natapos na ang malagim na magdamag.
Tanging kami lang ni Hanes ang matagumpay na nakaalis sa Isla Del Fuego.
BINABASA MO ANG
LOCATION : CATASTROPHE [COMPLETED]
HorrorCATASTROPHE An event causing great and often sudden damage or suffering; a disaster. Paano kung may natuklasan kang isang bagay na kayang wakasan ang buhay ng lahat ng tao rito sa mundo? Ano ang gagawin mo? Natapos na ang kaguluhan sa San Mariano. N...