CHAPTER 17

191 8 0
                                    

MABILIS akong napatayo ngunit napaungol rin ako nang maramdaman ko ang sakit ng katawan ko.

"Tiisin mo muna iyan, Richard. Kailangan nating mabuhay." Bulong ni Harley saka niya iniabot ang isang Glock 19 sa akin. May kinuha pa siyang isa mula sa likod niya.

Pumwesto siya sa likuran ng pinto at agad niya iyong binuksan. Dalawang armadong tauhan ng Holocaust ang pumasok na agad akong tinutukan ng hawak nilang baril.

"Ibaba mo ang baril!" Sigaw ng isa sa kanila.

Pero agad na bumagsak ang katawan ng mga lalaki nang barilin sila ni Harley sa ulo. Mabilis naming nilapitan ang mga walang buhay na lalaki at kinuha namin ni Harley ang mga gamit nila.

"Sumunod ka sa akin at dyan ka lang sa likod ko. Lalampa-lampa ka pa naman." Inis na sabi ni Harley.

"At kailan ako naging lampa?" Tanong ko sa kanya paglabas namin ng pinto.

Hindi na nakasagot si Harley dahil may bumulaga sa amin na tatlong armadong lalaki na agad kaming pinaputukan kaya naman napabalik kami sa silid. Hindi ko napansin ang paa ng isa sa mga lalaking nakahandusay roon kaya naman solid ang pagtama ng mukha ko sa maalikabok na sahig ng silid.

"Kasasabi ko lang, Richard!" Singhal ni Harley saka siya nag-umpisang makipagpalitan ng putok.

"Fuck." Bulong ko saka ako tumayo. Pinahid ko paalis ang alikabok mula sa mukha ko.

"Let's go." Sabi ni Harley saka ito umalis ng silid.

Sumunod ako palabas at tumambad sa akin ang bangkay ng tatlong lalaki.

"Get down!" Sigaw ni Harley kaya naman agad akong napayuko.

Makakasunod na putok ang narinig ko at nagliparan sa ere ang mga bala. Ipinansalag ni Harley ang konkretong pader na sinasandalan niya. Matapos ang ilang putok ay siya naman ang nagpaputok. Nanatili naman akong  nakaupo sa sahig at nakasandal sa semento.

"Shit." Bulong ko nang makita kong may apat na lalaking papalapit sa amin mula sa kabilang kaliwang direksyon ng hallway. Hindi iyon napapansin ni Harley dahil abala siya sa pag-asinta sa mga bumabaril sa kanya na nasa kabilang parte ng warehouse.

Mabilis kong pinaputukan ang apat na lalaki bago pa nila maiangat ang mga baril nila. Bumagsak ang mga walang buhay na katawan nito sa sahig.

"Huwag kang gagalaw!" Sigaw ng isang lalaki na nasa kanang direksyon ko at naramdaman ko nalang ang matigas na bagay na nakadiin sa sentido ko.

Binitawan ko ang hawak kong handgun at nalaglag iyon sa sahig. Walang babala kong hinawi ang braso ng lalaki saka ko sinipa ang tagiliran niya. Bumanda siya sa mababang semento na sinasandalan ko at napasigaw ito nang tuluyan siyang mahulog sa kabilang parte ng semento. Napatayo ako dahil sa pagtataka at napangiwi nalang ako nang makita kong nahulog ang lalaki at bumagsak sa first floor. Nasa second floor pala kami.

Agad akong bumagsak sa sahig nang may tumamang bala sa kanang hita ko. Napalingon ako sa pinagmulan noon at nakita kong dalawang armadong lalaki ang tumatakbo papunta sa amin ni Harley.

Pinilit kong abutin ang baril na nasa sahig pero agad kong iniwas ang kamay ko sa mga bala na tumama palibot sa baril. Nang lingunin ko ang mga lalaki ay sa akin na nakatutok ang mga baril nila at napapikit na lamang ako sa takot na barilin nila ako.

Pero matapos ang ilang putok na narinig ko ay wala akong naramdamang masakit maliban sa tama  ko sa hita kaya naman napamulat ako at nanlaki ang mga mata ko nang makita kong bumagsak sa sahig ang mga lalaki at butas ang pagitan ng mga mata nito.

"Baka gusto mong tumayo?"

Napangiwi na naman ako nang makita ko kung sino ang bumaril sa mga lalaking muntik na pumatay sa akin. Napailing na lamang ako habang natatawa.

"Buhay kayo!" Sigaw ni Harley nang makita ang mga bagong dating. "Amanda!"

Sumaludo naman ang nakangiting si Amanda.

Hindi na sila nagsayang pa ng panahon at ibinalik na ni Amanda ang tingin sa scope ng hawak na sniper rifle at inasinta niya ang mga kalaban na nasa first floor.

Si Raven naman ay agad na lumapit sa akin. Pumunit siya ng tela mula sa damit niya at itinali niya iyon sa sugatang hita ko.

"Hindi ba sabi ko sa inyo ay umalis na kayo rito? Bakit bumalik pa kayo rito?" Pagtataka ko.

"Tingin mo patutulugin kami ng konsensya namin kapag iniwan ka namin rito?" Saglit na natawa si Raven.

"At marami na sa tauhan ko ang namatay. Hindi na ako makakapayag na madagdagan pa sila." Segunda ni Hanes na nakikipagpalitan na rin ng putok. Mabilis itong umupo at sumandal sa mababang pader.  "Masaya akong makita kang buhay, Lieutenant Harley Miller."

"Ganoon rin ako, Captain Hanes." Sagot ni Harley habang nagpapalit ng magazine sa hawak niyang baril.

"Ano'ng plano, Miller?" Tanong ni Raven.

Parehas kaming napalingon ni Harley sa  kanya kaya natawa ito.

"Paalis na si Armando Hanov dahil nakatanggap siya ng tawag mula sa buyer niya sa Black Market. Aalis na siya upang ibenta ang sample ng Catastrophe Tapeworm at hindi pwedeng mangyari iyon!" Sagot ni Harley saka nakipagbarilan ulit.

"Catastrophe Tapeworm?" Tanong ni Amanda saka naupo upang maglagay ng bala sa sniper rifle niya.

"Iyon ang sanhi ng infection sa mamamayan ng Del Fuego gayundin kay Oasis. We need to destroy that shit and this place." Paliwanag ko saka naman ako tumayo upang asintahin ang mga kalaban.

"Masyado silang marami! Richard, Harley! Habulin ninyo si Armando at kami na ang bahala rito!" Sigaw ni Captain Hanes.

"Paano kayo?" Tanong ko saka ako dahan-dahang naupo.

"Wala nang oras, Richard! Kailangan na nating kumilos!" Sigaw ni Harley.

Hindi pa tapos sa paglalagay ng bala si Amanda ay napahiga siya sa sahig nang sipain siya ng isang tauhan ng Holocaust na kararating lamang. Nabitawan niya ang baril niya. Pinilit niyang tumayo pero sinipa naman siya sa sikmura ng lalaki.

"Amanda!" Aasintahin ko sana ang lalaki nang mabitawan ko naman ang baril dahil tinamaan iyon ng bala mula sa baril ng lalaking nanakit kay Amanda.

Babarilin pa sana ulit ako ng lalaki pero nabitawan niya rin ang hawak niyang baril nang sipain ni Amanda ang braso niya. Sa galit nito ay sinampal niya si Amanda saka ito bumunot ng kutsilyo mula sa likod.

"Hindi!" Sigaw ko nang bumaon ang hawak nitong kutsilyo sa dibdib ni Amanda.

"Shit!" Singhal ni Raven saka niya pinagbabaril ang lalaki. Bumagsak ito sa tabi ni Amanda.

Pinilit dumapa ni Amanda at napatingin ito sa akin habang hawak ang sugatang dibdib niya. "Umalis na kayo." Sabi nito habang humihinga ng malalim.

"Fuck!" Sigaw ko saka ako tumayo. Lalapitan ko pa sana siya nang hatakan ni Harley ang braso ko.

"Tara na!" Sigaw ni Harley.

Wala na akong nagawa kundi pulutin ang baril ko sa sahig at tumakbo ako pasunod kay Harley. Ininda ko ang hapdi ng sugat ko. Kailangan naming tapusin ang misyon. Kailangan namin pigilan si Armando Hanov.

Kailangan naming pigilan ang Holocaust Organization.

LOCATION : CATASTROPHE [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon