IKAW ANG APOY AT AKO ANG GAMU-GAMO

1.1K 5 0
                                    


Ikaw ang Apoy at ako ang Gamu-gamo

NialleAihara

Tinitingnan ko ang apoy na naghihikayat sa aking pagbalik,

Sa pagbalik ng mga ala-ala'y ako'y sadyang nasasabik.

Liwanag! y'an ang una kong nakita simula ng dumating ka,

Buhay ay nagkaroon ng kulay simula ng una kitang makita.


Dumating ka sa mga panahong hindi ko inaasahan!

Panahon na ang pagdating ng pag-ibig ay di ko namamalayan,

Damdami'y nag-init at ang mundo'y napuno ng liwanag at saya.

Saya, na hindi ko akalaing pansamantala lang pala.


Sabi nila'y huwag raw lumapit sa apoy ang gamu- gamo,

Sapagkat baka masunog ang mga pakpak nito!

Ngunit magagawa ko bang talikuran ang isang tulad mo?

Ang apoy na nagbibigay ng kakaibang init sa aking mundo?


Umalab ka! ibigay mo sa akin ang liwanag na gusto kong makita.

Liwanag na nais kong patunayan na nagkakamali lang sila!

Hindi ka panganib o bagay na makasisira sa aking mga pakpak,

Hindi ang isang tulad mo ang may tinatagong masamang balak.


Ako ang gamu- gamo na nahalina sa isang apoy,

Hindi mapigil sapagkat ang lipad ay nagpapatuloy.

Tiniis ko ang sakit nang ako ay makalapit sapagkat mahal kita!

Kaya wala akong pakialam kung anong mangyari sa ating dalawa!


Hinigit ako papalayo sapagkat hindi raw tayo bagay,

Sapagkat ikaw apoy ay may kapahamakang taglay.

Wala akong pakialam kung iba ang tingin nila sa ating dalawa!

Relihiyon mo'y iba, o may bisyo ka, basta ang alam ko ay mahal kita.


Patawarin mo ako sa aking paglapit kahit na gustong mong lumayo,

Sapagkat alam mong delikado at baka mahirapan kapag naging tayo.

Pasensya na mahal pero ano ba ang magagawa ko!

Kasalanan ba sa mundo ang magmahal ng isang tulad mo?


Ang apoy ay bigla ng lang nawala at gamu-gamo'y bumagsak sa lupa.

Muntik nang masunog ang kanyang pakpak ngunit ang apoy ay nawala,

Nawala ang apoy, dahil ayaw niyang masunog ang gamu- gamo

Mahal, kaya kong tiisin ang lahat bakit kailangang iwan mo pa ako?


Sa mga panahong natutunan na kitang mahalin.

Sa mga panahong ang init mo ay gusto kong hanap hanapin.

Bakit sinanay mo ako sa liwanag mo?

Kung kukunin mo rin muli at tatalikuran ako!


Hindi! Hindi ka pala kailanman ay magiging akin,

Sapagkat magkaiba tayo ng landas na dapat tahakin.

Sapagkat ako ang gamu-gamo at ikaw ang apoy,

Napagdesisyunan natin na ang pag ibig ay hindi magpapatuloy.

SPOKEN WORD POETRYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon