Episode I

13.9K 358 28
                                    

Warning!!! Some parts are missing and can be read in the Solo El Amor Book. Thnk you.

Episode One
DIFFERENT LIVES

Kendra

Napangiti ako nang mahagip ng aking mga mata si Ken sa repleksyon ng salamin habang nagsusuklay ako ng buhok. Natutulog pa siya dahil bakasyon na. Siya ang walong taong gulang kong anak na lalaki na mag-isa kong binubuhay.

Ako naman ay maagang gumigising para bumili ng karne sa palengke, ibababad ko at palalambutin, gagawing BBQ. Limang taon ko nang ginagawa ito sa araw-araw at dito kami nabubuhay ng anak ko simula nang umalis kami sa hacienda de la Cueva. Isang buwan pa lang siya noon sa tyan ko nang mas piliin ko na umalis at magpakalayo-layo. Iyon ang naging desisyon ko dahil sa takot na baka itakwil ako ng aking mga magulang sa oras na malaman nilang buntis ako sa edad na desi-seis. Anong sasabihin ko sa mga magulang ko? Na disgrasyada ako at ang ama ay ang amo nila sa hacienda? Maniniwala ba sila na si Gabriel ang nakabuntis sa akin? Baka naman pagtawanan pa ako ng sarili kong mga magulang at ang masama ay sabihin nila na nilandi ko ang kababata ko, kababata ko na walang ibang ginawa kung hindi lumapit sa akin kapag nasasaktan ng girlfriend niyang taga-kabilang bayan. Naturingan na mas matanda sa akin ng limang taon pero parang mas bata pa kung mag-isip ang ama ng anak ko. At dahil sa maling akala ay heto at may anak na ako ngayon.

Pero ni minsan hindi ako nagsisi. Nasaktan ako pero ibinangon ko ang aking sarili bilang babae at dalagang ina. Nagkamali man ako pero hindi pagkakamali ang anak ko. Bunga siya ng pagmamahal ko sa isang lalaki, maling lalaki nga lang dahil mas pinili niyang sumama sa isang babae na paulit-ulit naman siyang sinasaktan noon.

Napatitig ako sa salamin. Siyam na taon na ang lumipas pero ramdam ko pa rin sa puso ko ang masakit na nangyari sa akin. Sa tuwing naaalala ko ay palagi pa ring sumisikip ang dibdib ko at may luha na dumudungaw sa aking mga mata. Hindi man iyon gumugulong pababa sa pisngi, sapat naman iyon para maramdaman ko ang bigat sa dibdib.

Tanga yata ako sa pag-aakalang mahal niya rin ako noon. Akala ko ako na ang gusto niya dahil palaging balikat ko ang hinahanap niya sa tuwing nasasaktan siya. O ngayon na may edad na ako ay saka ko lang naiisip na mukhang ginamit lang niya ako at ginawang panakip butas. Ano ako, epoxy? Sira ulo ang gagong iyon. Kapag nag-krus ang landas namin at humara-hara siya sa daanan ko, mababasag ko ang kapulahan ng itlog niya.

Napatigil ako sa pag-iisip nang may kumatok sa pintuan, kasusunod ang pag-ere ng boses ni Aling Susing. "Kendra, gising ka na ba, iha? Narito na ako at titingin kay Ken."

"Opo Aling Susi, gising na gising na. Mas dilat pa ako sa manok ni San Pedro." Napabungisngis ako nang buksan ko ang pintuan na parang isang maling kilos lang ay babagsak na. Ang masama ay kung mabagsakan pa si Aling Susing na mahal na mahal kami ng anak ko. Siya ang may-ari ng inuupahan namin ni Ken kaya kahit na halos giba na ang bahay ay hindi ko maiwanan kasi parang pangalawang magulang ko na ang matandang babae na mag-isa lang sa buhay. Kami na ang pamilya ng matanda at karamay sa lahat ng paghihirap sa buhay.

Tulad ko, bigo rin siya sa lalaki. Isinuko raw nito hindi lang Bataan kung hindi buong planeta pa pero wala raw. Ipinagpalit daw ito sa isang sosyal na babae na aristokrata. Ang pagkakaiba lang ay walang bunga ang kanila at ang sa akin ay meron. Isang bunga ng kahapon na kahit mapait balikan ay hinding-hindi ko kailanman pinagsisihan.

"Bilisan mo na at baka madugas na naman ang karne mo." Anito na humihikab pa nang pumasok.

"Subukan naman ni Mang Teban na ipagbili ang karne ko at makikita niya ang hinahanap niyang karne. Tatapyasin ko na ang ilong niya at papalitan ko ng ilong ng baboy." Sabi ko naman habang ipinupuyod ang buhok ko.

Sólo El Amor✔️(INC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon