February 14 bukas at wala talaga akong plano like lumabas para mag-date. Eh sa mga nakaraang Valentine's day na dinanas ko, parang wala namang kakaiba ang nangyari sa'kin nun eh kaya para sakin, parang wala lang din naman.
February 13 ng gabi at busy akong ka-chat itong si chat mate ko. Hindi ko naman binubuksan yung topic, bigla-bigla na lang siya nagsabi ng, "February 14 na pala bukas."
Nagpanggap na lang akong walang kaalam-alam. Samantalang siya, binalewala niya lang yon at diretsong sinabi na kung pwede kaming lumabas bukas. Grabe, di ko talaga inaasahang aayain niya ako lumabas sa mismong araw ng Valentine's day. First date ko na ba 'to? Mukha nga pero hindi ko na lang yun binigyan ng malisya.
Nag-joke pa ako na baka ako lang yung gagastos na mismong babae pa, in-assure niya namang hindi na lang daw kami bibili ng kung ano at maglakad na lang daw."Pero akala ko... di kayo pinapayagang lumabas?" Tanong ko.
"Hindi, pwede kaming lumabas hangga't may permission kami kay Coach." Sagot niya naman. "Sasabihin ko lang sa kanya na kasama naman kita lalabas kaya kailangan talagang magpakita tayo."
Whut?! Pati ako?
Nakakahiya naman kung makita kami ng buong team baka kung pag-isipan pa kami ng iba-iba kaya pati ako damay na rin. Kinumbinsi ko siya na kung pwede coach lang nila ang ipapunta kasi may hiya rin akong natitira noh! Pumayag naman siya.
Shocks, kinakabahan na ako ng todo. Parang ayaw ko na ata lumabas bukas, huhu.
Kinabukasan, sinabi ko sa kanya na sasama si Ate Cris dahil dati pa man siyang nagsabing sabay daw kami sa pag-grocery mamaya para sa fieldtrip namin sa 15 at nakapayag na ako nun. Ayos lang naman daw sa kanya. Nagtrato kaming 5:00 kami magkikita sa may gate ng ICES. Malapit ng mag-3:30 at patapos na rin yung klase, parang hindi pa ako mapakali nun at nagmamadaling bumalik sa dorm. Nasa gym (CSC) kami nun kasi merong activities at palaro yung mga teachers kaya walang klase.
Nagpapaalam na ako sa mga best friends ko pero ayaw talaga ako pakawalan. Inasar pa nila ako na kaya raw ako nagmamadali eh meron pa akong date na hahabulin. Ugh, ang lalakas pa naman ng mga boses ng mga eheoserang yun.
"Sasama ka rin Ate Wyn?" Gulat kong tanong. Pinaliwanag naman ni Ate Cris na kaya niya isinama si Ate Wyn eh para di siya mao-OP dun. Alam ko namang hindi lang yun yung dahilan nila eh, baka meron pa silang planong iwanan nila ako mag-isa dun kasama si Jayse!
Malapit na mag-5:00 at hanggang ngayon, ni wala pa akong may natatanggap na text galing sa kanya. Parang unti-unti na ako nun nawalan ng pag-asang matutuloy pa 'to. Baka nga, di na siya makakarating eh. Pakiramdam ko tuloy na-ditch ako.
Aalis na sana kami papuntang Delgado nang nag-vibrate yung phone ko. Marahan kong kinuha yun sa bulsa ko at hindi ko alam sa sarili ko kung ba't ako kinabahan. Baka siya to at sasabihin niyang hindi na siya matutuloy at hihingi siya ng sorry saka—
"Nandito na ako. Nga pala idadala ko ang best friend ko, ayos lang?" -siya
Oh.... sht.
Mukhang tutuloy nga! Hala! Anong gagawin ko? Huhu.
"Sige bahala ka. Nandito kami sa may gate maghihintay." -ako
Sinabi ko kina Ate Cris at Wyn na nakarating na siya kaya nagtaka ako nung binigyan ako ni Ate Cris ng isang malisyosang ngiti. Tss.
Nagpaka-busy akong tinitignan yung mga dumadaang kotse sa may kalsada habang busy naman sa pakikipag-usap sina Ate Wyn at Cris sa classmate nila. Mabuti ngang may oras pa ako para pakalmahin yung sarili ko. Ngunit lahat na lang kami napalingon nung may narinig akong sumipol sa likuran.
