-PROLOGUE-

223 10 3
                                    

Panay ang dungaw ng dalagitang si Kristen sa bintana sa pangalawang palapag ng kanilang bahay. Naroon siya sa silid ng mga magulang dahil iyon ang nakaharap sa gate ng bahay. Katulad ng ibang kaedad niya, nagsisimula na siyang mangarap na magkaroon ng isang guwapong boyfriend. Ang kaibahan niya nga lamang sa mga iyon, hindi sikat na matinee idol, artista, singer, athlete o kaklase sa school ang crush niya. Ang kanyang pinapangarap ay abot kamay lamang niya. Madaling masisilayan kapag ginusto niya.

At ilang sandali na lamang ay makikita niya na ito. Muli ay tatapak si Enzo sa kanilang tahanan. Ang binatang nagpapatibok ng kanyang musmos na puso. Kaya nga siya hindi umaalis sa bintana ay dahil inaabangan niya talaga ang pagdating nito.

Nilingon niya ang orasan, anytime now ay darating na ito. Hindi nga nagtagal ay natanaw na niya ang maroon na Adventure GLX.

Dali-dali siyang humarap sa vanity mirror ng ina at sinipat kung nasa ayos ang hanggang balikat na may pagkakulot niyang buhok. Nang mapansing medyo nangingintab ang mukha ay nagpulbos. Hindi pa nakuntento, halos ipaligo ang nadampot na Victoria’s Secret ng ina sa sarili, na para bang maaamoy siya ng mga bagong dating at saka nagmamadaling bumalik sa tabi ng bintana. Kasalukuyang humihimpil ang sasakyan sa garahe nila.

Naunang bumaba ang kuya Claude niya mula sa backseat ng kotse. Sumunod dito ang dalawa pa nitong kaibigan na pawang nagtatawanan.

Para bang slow motion sa kanyang paningin ang pagbukas ng pinto ng driver seat at pagbaba mula roon ng lalaking kanyang pinapantasya.

Dagling nagkubli si Kristen sa kurtina ng silid. Kahit alam niyang hindi rin naman siya mapapansin nito sa bahaging iyon ng kanilang bahay ay kinakabahan pa rin siyang mabuking nito.

Patuloy ang malakas na kabog ng kanyang dibdib habang siya ay nakasandal sa tabi ng bintana at nakapikit ang mga mata. Para siyang inaatake ng epilepsy sa sobrang kilig.

Ang guwapo niya, grabe,
sigaw ng kanyang isip. Nang mahimasmasan, muli siyang sumilip sa bintana.

NATATANDAAN pa niya noong una niya itong nasilayan, limang taon na ang nakararaan...

Sampung taon pa lamang siya at sadyang may pagka-pilya. Dahil sa agwat ng edad nila ng kapatid ay na-spoil siya nito ng husto.

Araw noon ng Linggo at naging tradisyon na nang pamilya nila ang pamamasyal sa kalapit na mall. Isa pa, nangako ang kuya niya na ililibre sila nito sa paborito niyang fast food chain kung saan ito nagtatrabaho bilang working student.

Kung tutuusin naman ay hindi na nito kailangang magtrabaho dahil sapat naman ang kinikita nang kanilang ama sa sariling talyer nito para pangtustos sa mga gastusin sa bahay kasama na ang pag-aaral nilang magkapatid.

Suma-sideline din ang kanyang kuya sa talyer tuwing weekends pero sadyang may pagka-independent talaga ito. Papunta sila ngayon sa pinagtatrabahuhan nito dahil naka-duty ito nang araw na iyon. Papasok pa lang sila sa restaurant ay natanaw na niya agad ang kapatid na kausap ang isang matangkad na lalaking may hawak na lampaso habang ito naman ay abala sa paglilinis ng isa sa mga mesa roon.

Maingat na nilapitan niya ang mga ito at binalak na gulatin, nang malingunan siya ng kasama nito. Kinunotan siya nito ng noo, nang ilagay niya ang hintuturo sa kanyang mga labi para huwag nitong ipaalam sa kapatid ang paglapit niya. Unti-unti ang pagsilay nang isang matamis na ngiti sa mga labi nito na nakapagpatulala sa kanya. Saglit na nakalimutan niya ang balak gawing panggugulat sa kapatid. Siya pa nga ang nagulat nang biglang magsalita ang kanilang ina sa kanyang likuran para tawagin ang pansin ng kuya niya, kaya lumingon ito sa gawi nila.

Napangiti ito at dali-daling tinapos ang paglilinis sa mesa para doon na sila paupuin. Umalis na ang dalawa sa kanilang harap para ipagpatuloy ang paglilinis.

Saglit lang ay bumalik ang kuya niya at inabutan ang kanilang ina ng isang-libong buo at sinabing ibili na lamang ito ng dalawang order ng fried chicken, palabok at peach-mango pie. Maya-maya lang daw ay mag-a-out na ito, kasabay ng bestfriend nito.

Matapos um-order ng kanilang ina, ang lalaki pang kausap kanina nang kapatid ang nag-assist para madala ang tatlong tray na punong-puno ng pagkain.

Bago pa niya mapangalahati ang pina-papak na french fries ay lumabas na ang kuya niya kasama ang guwapong binatilyo, nakapagpalit na ang mga ito ng puting t-shirt. Sandaling lumapit ang mga ito sa security guard ng resto para i-check ang kanilang gamit, saka lumapit sa amin.

Akala niya, wala nang mas gwapo pa sa paningin niya maliban sa kuya Claude niya.  Pero sadyang iba ang dating ng binatilyong kasama nito. Ipinakilala ito sa kanila ng kapatid bilang bestfriend, si Lorenzo Armand Villeza. Ang pangalan nang unang lalaking nagpatibok ng mabilis sa kanyang batang-puso.     

WALA NA sa kanyang field of vision ang kanyang kapatid pero nahagip pa rin ng matalas na mata niya si Enzo habang nakaabrisiyete rito ang kasalukuyang girlfriend nito na katabi nito sa front seat kanina.

Lumabas na siya ng silid ng magulang at lumipat sa sariling silid. Nakahiyaan na niyang bumaba para salubungin ang mga ito. Wala rin naman siyang masasabi dito. Nawawala ang katabilan niya kapag kaharap ito.

Isa pa, mas gusto niyang ipagpatuloy na lang ang pagpapantasya. Halos mangisay siya sa kilig habang paulit-ulit na pina-flashback sa isip ang bawat galaw ng binata.

Limang taon na ang nakararaan mula nang makilala niya ito, subalit hindi man lang nagbabago ang pagtatangi niya rito. Para ngang mas lumala pa.

Kahit isa man sa mga pumuporma at nagpapalipad-hanging kaklase niya ay walang binatbat dito, pati ang sikat na varsity player ng school nila ay hindi man lang niya mapagtuunan ng pansin. Sadyang loyal ang puso niya sa bestfriend ng kuya niya. 

Sa edad na kinse, alam niya na mahal na niya si Enzo. Ang nakakaloka pa, sa edad niyang iyon ay na-realize niyang hindi siya selosa. Hindi siya nakaramdam ng kahit na anong galit kay Michelle na kaibigan din ng kuya niya at girlfriend ng binatang itinatangi.

Idinidikdik niya palagi sa isip ang linyang “Michelle, ikaw ngayon ang girlfriend niya, pero hihiwalayan ka din niya baling araw. Dahil paglaki ko magiging kami na!” Buti na lang hindi niya dinagdagan ng tawang, “Bwahahahaha” kundi ay bruhang-bruha na ang dating niya.

★★★

Vote, comment, follow, share!

~PUSA★

TERRIFIEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon