Chapter One

11.5K 173 13
                                    

"IKAW PALA, Paul."

Natigil si Paul sa pagpasok sa Cinta's nang marinig ang boses ng manager ng restaurant na si Tito Sandy. Kung gaano katagal na ang Cinta's ay ganoon din katagal ang matandang lalaki na nagtabaho sa restaurant. Nagsimula si Tito Sandy bilang waiter; na-promote hanggang sa maging manager. Isa ito sa pinagkakatiwalaan nila sa restaurant, lalo na nang mamatay ang lolo niya noong isang taon.

"Anong nangyari, Tito Sandy? Bakit sarado ang Cinta's?" nagtatakang tanong niya.

"Hindi mo alam? Walang nabanggit sa'yo ang mama mo?"

"Walang nabanggit si Mama. Nagpapagaling siya ngayon sa Cebu."

Kaluluwas lang ni Paul. Sa Cebu na siya nakatira mula nang makuha siya bilang assistant head chef ng isang kilalang hotel doon. Labag man sa loob ng pamilya lalo na ng lolo niya, pinayagan pa rin siya ng mga ito na magtrabaho sa malayong lugar. Minsan ay lumuluwas siya sa Maynila upang bisitahin ang pamilya pagkatapos ay babalik din siya sa Cebu. Ganoon ang naging routine niya sa loob ng pitong taon.

Ang pinakamatagal niyang pagluwas ay noong namatay ang kanyang lolo may isang taon na ang nakararaan. Bigla itong inatake sa puso habang nagluluto. Nadala pa ang kanyang lolo sa hospital ngunit hindi na naka-recover. Ang sabi ng doktor na tumingin sa matanda, maaaring matagal na nitong nararamdaman ang paninikip ng dibdib na itinago nito sa kanila. Kaya pala panay ang tawag ng kanyang lolo noon at nagbibilin na. Close siya sa lolo niya kaya ganoon na lang ang lungkot niya sa pagkawala nito. Sinubukan niyang isama ang kanyang ina sa pagbalik sa Cebu ngunit tumanggi ito. Sino raw ang mamamahala sa Cinta's kung pati ito ay mawawala? Iginalang niya ang desisyon ng ina at bumalik na siya sa Cebu.

Noong isang linggo, muling lumuwas si Paul sa Maynila upang sunduin ang kanyang ina. Tumawag ito sa kanya upang ibalita ang pagkaka-hospital. Ayon sa doktor nito, na-hospital ang kanyang ina dahil sa nervous breakdown. Nagsimula iyong maramdaman ng kanyang ina noong mamatay ang kanyang lolo na lalong lumala sa pag-alis niya.

Kinabukasan, pagkatapos tumawag ng ina ay lumuwas si Paul ng Maynila. Sa kabila ng mariing pagtutol, isinama niya ito sa Cebu. Pumayag na manatili ang kanyang mama sa Cebu habang nagpapagaling sa isang kondisyon: luluwas siya sa Manila at siya ang pansamantalang mamamahala sa Cinta's na pinamana sa kanila ng lolo niya. Pinayagan siya ng kanyang boss na mag-indefinite leave. Isa lang ang bilin nito sa kanya at iyon ay ang bumalik siya sa trabaho. Willing daw itong maghintay hanggang sa makabalik siya.

"Paul?"

Napatingin siya kay Tito Sandy. "Anong nangyari, Tito Sandy? Laging busy ang restaurant nang ganitong oras. Bakit tayo close ngayon?"

"Maupo ka, Paul. Sa tingin ko, sa akin na ipinagkatiwala ng mama mo ang pagtatapat sa'yo."

Umupo si Paul sa pinakamalapit na table. Sumunod si Tito Sandy at umupo sa harap niya.

"Mula nang mamatay ang lolo mo, nagsimula nang humina ang restaurant, hijo. Sinubukan ng mama mo na bumawi ngunit nabigo siya. Hindi niya kayang gayahin ang timpla ng lolo mo na siyang hinahanap ng mga loyal customer natin."

"Kaya ba nagka-nervous breakdown si Mama?"

Tumango ito. "Mahal ng Mama mo ang Cinta's, Paul. Ngunit hindi 'yon sapat para muling mapalakas ang restaurant. Maraming nagbago mula nang mawala ang lolo mo. At malakas ang competition. Noong isang buwan lang ay may nagbukas na bagong restaurant malapit dito sa atin. At dahil bago sa mata, iyon ang pinupuntahan ng marami. Halos walang kumakain sa atin. Kung meron man, nadi-disappoint lang. Nagbago raw ang timpla at lasa ng mga pagkaing isine-serve natin. Karamihan sa kanila ay hindi na bumalik. Nalungkot nang sobra ang Mama mo hanggang sa gupuin siya niyon."

Love On Air 3: Foolish Heart (Completed: Published by PHR, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon