Chapter Fourteen

3.1K 91 7
                                    

"CONGRATULATIONS, Mr. and Mrs. Agoncillo."

"Thank you, Ma'am."

"Congratulations."

"Salamat."

Napapangiti si Jasmine habang paulit-ulit silang binabati ng mga tao pagkatapos nilang makakuha ng pinakamataas na ranking sa family day ni Angel. Lahat ng games ay sinalihan nila. Hindi naman sila nabigo dahil kung hindi sila ang nanalo, either nasa first or second place sila. Nang pagsama-samahin ang panalo ng lahat ng pamilyang present sa family day, sila ang nakakuha ng pinakamataas na ranking. Pagkatapos makuha ang trophy nila, umalis din sila sa school. Plano nilang magkaroon ng sarili nilang celebration sa Cinta's. Naghanda sila ng maliit na party para sa bata.

"Mama, ang bilis mo pong tumakbo kanina. Naunahan n'yo pong tumakbo 'yung mama ni Sandra. Sabi ng classmates ko, sila ang champion last year. Ang galing po ninyo," tuwang-tuwang sabi ni Angel. Nakaupo ito sa tabi ni Jasmine hawak ang trophy na napanalunan nila. Katulad ng dati, sa likod sila pinaupo ni Paul para makaupo sila nang maayos at makapagpahinga habang nasa biyahe.

"How about me? Hindi ba ako magaling? Naunahan ko rin ang papa ni Sandra." Nahuli niya si Paul na nakatingin sa kanila sa rearview mirror. He was all smiles just like his daughter.

"Magaling ka rin po, Papa. Kaya lang mas magaling talaga si Mama."

Natawa si Jasmine. Kakampi niya talaga ang anak nito.

"Parang napilitan ka lang, anak. Nakita mo ang papa ni Sandra kanina? Naunahan ko siyang tumakbo papunta sa finish line. Magaling talaga ako, baby," giit ng nobyo.

"Mauunahan mo talaga si Tito Randy, Papa. He's big po, eh. Doble ang size niya sa inyo po."

Natawa uli si Jasmine. Nahalikan niya si Angel sa sobrang tuwa.

"Thank you, Mama."

"Bakit ka nagte-thank you sa akin?"

"Mula po kasi nang pumunta kayo sa PTA meeting ko, naging bida na ako sa school. Everyone likes me na."

Hinaplos ni Jasmine ang pisngi ni Angel. Habang tumatagal, lalo itong napapamahal sa kanya. Napakadali nitong mahalin kagaya ni Paul. Hindi na siya makapaghintay na maging totoong ina ni Angel.

Napatingin siya sa rearview mirror. Nahuli niya si Paul na nakatingin sa kanila. Masuyo itong ngumiti sa kanya. Itinaas niya ang kamay at pinisil ang balikat nito. Sandaling binitiwan ng nobyo ang manibela at masuyong pinisil ang kamay niya na nasa balikat nito.

"Saan po tayo pupunta?"

"Uuwi na tayo," sagot ni Paul sa tanong ng anak.

"Pagdating sa Cinta's, makikita mo may surprise kami sa'yo."

"Ano po 'yong surprise, Mama?"

"You'll see."

"Jas."

Nag-angat si Jasmine ng tingin. Nakasalubong niya ng tingin si Paul sa rearview mirror. "Yes?"

May kung anong kumislap sa mga mata nito. "Usap tayo mamaya. I have something to tell you."

Na-excite siya. Ano kaya ang sasabihin ni Paul sa kanya?

Nasa tapat na sila ng Cinta's nang mapansin ni Jasmine ang ina ni Paul na nakatayo sa labas ng restaurant at tila may hinihintay. Agad itong lumapit sa kanila pagkaparada ng sasakyan. Binuksan ni Paul ang pinto ng sasakyan at binati ang ina.

Love On Air 3: Foolish Heart (Completed: Published by PHR, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon