"NANDITO na tayo, Jas."
Mula sa binabasang magazine, napatingin si Jasmine sa labas ng bintana. Nasa tapat na sila ng RJ Music Station Building. Doon nagtatrabaho ang bestfriend niyang si Jammy. May walong taon din silang hindi nagkita na magkaibigan. Mabuti na lang at two weeks ago, aksidenteng napakinggan niya ang radio program nito. Agad niyang nakilala ang boses ng kaibigan. It took her three days to confirm that "DJ Heart" was really her bestfriend Jammy. Salamat sa naupahan niyang magaling na private investigator na nag-confirm ng kanyang hinala.
Muling bumalik ang tingin ni Jasmine sa driver na si Kuya Jayson. Marunong siyang magmaneho. Madali nga lang siyang mag-panic kaya madalas kung hindi siya ang nababangga sa daan ay may nakakabangga sa kanya. At sa tagal nilang magkasama, halos pamilya na ang turing niya kay Kuya Jayson.
"See you later, Kuya Jayson."
"Tawag ka lang kung magpapasundo ka na. Nasa mall lang ako malapit dito."
"Okay."
Agad na pinaandar ni Kuya Jayson ang sasakyan pagbaba niya. Patalikod na siya papunta sa entrance ng radio station nang may madaanan siyang matandang babae. Sa hula niya, nasa fifty-five ang edad ng matanda. Paulit-ulit nitong itinataas ang dalawang kamay na tila pinapahinto ang mga sasakyan. Sa kasamang-palad, wala man lang ni isang sasakyan ang pumansin sa ginagawa nito.
Bago pa mapigilan ang sarili, lumapit siya rito. "May problema po, 'Nay?"
Tumingin ito sa kanya saka ngumiti. "Tatawid sana ako, anak. Kanina pa ako dito pero hindi ako makatawid-tawid."
"Gano'n po ba? Tulungan ko na po kayo," aniya saka hinawakan ang matandang babae. Medyo mainit ang braso nito tanda na kanina pa ito sa ilalim ng araw. Lalo siyang naawa sa matanda. Kung bakit kasi walang malapit na pedestrian lane o footbridge sa kinaroroonan nila.
Lumipat si Jasmine sa kabilang side kung saan nanggagaling ang mga sasakyan. Ang totoo, hindi rin siya marunong tumawid. Hindi siya katulad ng iba na kayang makipag-patintero sa kalsada. Kung kailangan talaga niyang tumawid, naghihintay siya ng makakasama saka lang siya tatawid. Pero dahil naaawa siya sa matandang babae, nag-volunteer siyang tulungan ito.
"Ang hirap po palang tumawid dito," aniya.
"Okay lang ako, anak. Kung kailangan mo nang umalis, iwan mo na lang ako."
"Okay lang po ako, 'Nay."
Nagsimulang pagpawisan ang ibabaw ng upper lip ni Jasmine. Na nangyayari lang tuwing kinakabahan siya. May dumaang Pajero sa harap nila, pagkatapos ay nagkaroon ng malaking puwang. Huminga siya nang malalim saka nagsimulang maglakad. Sumunod sa kanya ang katabing babae. Nakahinga siya nang maluwag nang ma-realize na isang lane ang nalagpasan nila. May limang lane pa ang kailangan nilang lagpasan bago tuluyang makatawid.
"Hindi ka sanay na tumatawid, ano, anak?"
"Paano n'yo po nalaman?"
Natawa ang matandang babae sa halip na sagutin ang tanong niya.
Sunod-sunod na busina ang umagaw sa atensyon ni Jasmine. Saka lang siya naging aware sa mga sasakyan na dumadaan sa harap nila. Napakabilis ng mga iyon at tila babanggain siya anumang sandali. Nanigas siya. Ramdam niya ang unti-unting pagkalat ng panic sa katawan niya. Kung bakit kasi agad niyang pinaalis ang driver niya. Sana may kasama siya ngayong tumawid ng daan.
----------------------------------------------------------
BINABASA MO ANG
Love On Air 3: Foolish Heart (Completed: Published by PHR, 2015)
Romance"Pangalan mo pa lang, kinikilig na ako. Paano pa kung magkaapelyido na tayo?" Jasmine had almost everything in her life, but it seemed that there was still something missing in her. Natuklasan lamang niya iyon when her path crossed with Paul's...