"KUYA PAUL, may dinner ka ngayon sa bahay nina Ate Jasmine, hindi ba?"
Muntik nang maibagsak ni Paul ang hawak na sandok nang marinig ang sinabi ni Blue. Mabilis siyang napatingin sa suot niyang relo. Alas-sais na ng gabi. Mabilis niyang tinapos ang tinitimplang putahe.
First Sunday of the month, umaga pa lang ay halos mapuno na ang Cinta's. Tuloy-tuloy ang pagdating ng tao. Halos walang pahinga si Paul maghapon. Kailangan na niyang umuwi sa bahay para makaligo bago pumunta sa bahay ni Jasmine. Mabilis siyang nagbilin sa staff niya bago siya tuluyang lumabas ng kusina.
He nervously ran his fingers through his hair. Noong huling dinner niya kasama si Jasmine at ang ama nito, napagkasunduan nila na mag-set uli ng dinner. Niyaya siya ng ama ni Jasmine sa bahay nito na agad niyang inayunan. Ngayon ang dinner nila sa bahay ni Jasmine, naka-set iyon ng alas siyete ng gabi. Sumakay siya sa kotse niya at halos paliparin iyon makarating lang agad sa bahay. Hindi niya gustong ma-late sa dinner. Ayaw niyang ma-turn off sa kanya si Jasmine at ang ama nito.
Kahit paano nakahinga siya nang maluwag nang makarating sa bahay. He checked his watch again. Six thirty na. Mabilis siyang bumaba ng kotse at patakbong pumasok sa bahay. Wala pang sampung minute ay nakaligo na siya at nakabihis. Kailangang makarating siya sa dinner ng alas siyete. He really wanted to make a good impression. Para kay Jasmine.
Lately, halos sa radio station na lang sila nagkikita at nagkakasama. They had been busy - siya sa Cinta's at sa ipinapatayong pangalawang branch niyon, samantalang si Jasmine ay busy sa Landrace. Nakisama pa sa pinagkakaabalahan niya ang pagbabalik ng ex-girlfriend na si Monique. Kinakain nito ang kakaunting libreng oras na mayroon siya.
His ex-girlfriend was assaulted in Qatar - ang dahilan kung bakit ito bumalik ng Pilipinas. Monique worked there for six years. Panganay ang babae sa pitong magkakapatid at ito na lang ang inaasahan. Sabay kasi na namatay sa isang aksidente ang mga magulang ng mga nito. Umalis noon si Monique pagkapanganak kay Angel, na naging dahilan ng breakup nila. Mas pinili kasi nito ang magtrabaho sa ibang bansa upang maging maganda ang pamumuhay nito at ng mga kapatid. At iniwan silang mag-ama nang ganoon na lamang sa Cebu kung saan sila nagkakilala at nagkarelasyon.
Kahit nasaktan sa desisyon ni Monique ay tinanggap iyon ni Paul. At kay Angel na lang niya ibinuhos ang lahat ng kanyang pagmamahal at atensiyon kasabay ng paglimot sa hindi magandang kinahantungan ng kanilang relasyon. Hanggang dumating ang panahon na nakilala at muling tumibok ang kanyang puso kay Jasmine.
Ngayon lang uli bumalik ang dating nobya sa bansa dahil sa nangyari dito. Her doctors said she needed to be surrounded by familiar faces. Pagkatapos nilang magkita pagdating nito at ikuwento ang nangyari sa ibang bansa, hindi na maiwan-iwan ni Paul si Monique. Sa kabila kasi ng ginawa nitong pang-iiwan sa kanila ni Angel, pakiramdam niya ay kailangan niya itong tulungan sa kasalukuyang pinagdaraanan nito. He felt he owe it to her.
Palabas na si Paul ng bahay nang mag-ring ang cell phone niya. Dinukot niya ang phone sa bulsa ng suot na pantalon. Nagtaka siya nang mabasa kung sino ang tumatawag, it was Monique. Araw-araw itong bumibisita sa bahay at sa Cinta's para dalawin ang anak nila. Wala siyang magawa dahil alam niyang gustong makasama ni Monique si Angel. Ang tagal nitong hindi nakita at nakasama ang anak nila.
"Hello?"
"Help me, Paul. Please help me..."
Kinabahan siya nang marinig ang puno ng sakit na boses ng dating nobya. Monique was never like that. Matapang ito at palaban. Epekto siguro iyon ng nangyari dito sa Qatar.
"What's wrong, Monique? Why-" Hindi na niya natapos ang sinasabi. Biglang naputol ang tawag. "Monique? Monique!"
Sinubukan niya itong tawagan, ngunit operator na ang sumasagot sa kanya. His body trembled in fear. Hindi kaya may nangyari nang masama sa dating nobya? Was she assaulted again?
BINABASA MO ANG
Love On Air 3: Foolish Heart (Completed: Published by PHR, 2015)
Romance"Pangalan mo pa lang, kinikilig na ako. Paano pa kung magkaapelyido na tayo?" Jasmine had almost everything in her life, but it seemed that there was still something missing in her. Natuklasan lamang niya iyon when her path crossed with Paul's...