"LOOK, sis. Hindi ba siya 'yong hinahanap ni DJ Cook?"
"Oo nga, no? Picture-an natin at ipadala kay DJ Cook. Kailangan niyang malaman na bumalik na ang girlfriend niya."
Huli na bago mapigilan ni Jasmine ang pagkuha sa kanya ng larawan. Lumabas siya sandali para bumili ng ilang personal na gamit para sa kasal ni Zia. Bumili rin siya ng ingredients para sa gagawin niyang wedding cake. Siya ang napakiusapan ni Zia na gumawa ng wedding cake nito. Sa halip na pumunta sa mall, namili siya sa isang maliit na grocery malapit sa bahay nila. Iniiwasan niyang makakuha ng atensyon pero mukhang imposible iyon. Mula nang lumabas siya ng airport, marami na ang nakakilala sa kanya. Mukhang marami ang nakakita ng picture niya sa Web site ng radio station.
Pagkatapos magbayad, mabilis siyang lumabas ng grocery at nagmamadaling lumapit sa naghihintay na sasakyan.
"Ano'ng nangyari, Jas? May humahabol ba sa'yo?"
"Wala, Kuya Jayson. Let's go."
"Tungkol ba ito do'n sa picture mo sa Internet? Kakaiba rin ang trip ng boyfriend mo, Jas. Akalain mong para mahanap ka, inilagay niya ang picture mo sa Internet," anito habang nagda-drive. "Pero alam mo, bilib din ako kay Paul. Kahit siguro iwan ako ni Anne-baby ko, hindi ko gagawin ang ginawa niya."
Nanatiling tahimik si Jasmine hanggang sa makarating sila sa bahay. Sinalubong siya ng isa sa mga kasambahay nila pagbaba niya ng sasakyan.
"Jas, may bisita ka."
Muntik na siyang umatras nang makita si Monique sa sala ng bahay nila. Kompara noong huli niya itong nakita sa hospital, maaliwalas na ang mukha ng babae.
Ngumiti ito na ginantihan niya ng matipid na ngiti. "Hi, I hope hindi ako nakaabala," anito.
"Have a seat, please."
Magkatapat silang umupo sa sofa.
"Kumusta? Ang tagal mong nawala," mayamaya ay tanong ni Monique.
"Nagbakasyon kami ni Papa. Kararating lang namin. Paano mo pala nalaman na bumalik na ako?"
"May nag-post sa announcement ni Paul. Nakita ka raw palabas ng airport. May nakakuha rin ng picture mo habang pasakay ng sasakyan."
Napailing si Jasmine. "Naging instant celebrity ako dahil sa announcement na iyon ni Paul." Natigilan siya. "Kumusta na si Paul? Nagka... nagkabalikan na ba kayo?" Napayuko siya. Bakit ba kasi natanong pa niya? Sasaktan lang niya ang sarili niya sa maririnig.
"Hindi kami nagkabalikan dahil wala nang babalikan. Paul was never really in love with me, Jasmine."
Napaangat siya ng ulo. "That's not true. He loves you. He cares so much about you. Nakita ko iyon no'ng naka-admit ka pa sa hospital."
Ngumiti nang malungkot si Monique. "He loves me, but he was never really in love with me. Iyon ang nakita mo noong nasa hospital ako. Alam mo na siguro na nagtrabaho ako sa ibang bansa. Anim na taon akong nagtrabaho sa Qatar. Ang akala ko magtutuloy-tuloy 'yon. Until recently... I was... I was assaulted there." Bigla itong namutla, tumigil sandali upang huminga nang malalim. "Pauwi na ako noon mula sa trabaho nang biglang may humarang sa akin na tatlong lalaki. I don't want to go into details. Mahirap kasing balikan ang gabing... ang gabing iyon, ang dahilan ng bigla kong pagbalik. Ang sabi ng doktor na tumingin sa akin sa Qatar, I needed to be surrounded by familiar faces. Wala akong maisip na ibang lugar na gusto kong puntahan habang nagpapagaling at kalimutan ang nangyari sa akin kundi dito sa Pilipinas. Dito maraming nagmamahal sa akin."
BINABASA MO ANG
Love On Air 3: Foolish Heart (Completed: Published by PHR, 2015)
Romance"Pangalan mo pa lang, kinikilig na ako. Paano pa kung magkaapelyido na tayo?" Jasmine had almost everything in her life, but it seemed that there was still something missing in her. Natuklasan lamang niya iyon when her path crossed with Paul's...