Kabanata VI - Manlalaro

57 6 0
                                    

"Kamusta?" Isang tinig ang aking narinig mula sa likuran ko. Gulat akong napa-lingon. Nagbalik ako sa mundong aking kinagisnan.

"Matagal-tagal ka yatang nakatitig sa imaheng nakita mo sa salamin." Dagdag niya na pawang nagbibiro. Umabante siya ng isang hakbang habang nakahawak sa nakatayo niyang puting baton. Tahimik niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa. Napasandal ako sa pader na salamin habang sinusuri ang susunod niyang gagawin.

Matagal-tagal nga akong nakatingin sa sarili kong imahe. Paglabas ko mula sa misteryosong pinto, bumungad sa aking harapan ang isang babaeng ngayon ko lamang nakita. Gawa sa salamin ang buong paligid kaya't hindi mo maitatangging ang lugar ay nanlilinlang na matingnan mo ang iyong sarili.

Purong pulang labi.

Tuwid at purong itim na buhok na parang yari sa seda.

Kulay kayumangging mga mata.

Matataas at makapal na pilikmata at maitim na kilay.

Mala-apang hugis na mukha.

Katawang kaakit-akit na animo isang prinsesang inukit mula sa puting karamik.

Higit sa lahat, tangkad na maihahalintulad ko sa isang modelo.

Iyan ang babaeng tumambad sa akin nang buksan ko ang pinto. Ang mas nakakapagtataka, nakatingin din siya sa akin. Mas nagtaka ako dahil ginagaya niya ang bawat kilos ko. Tsaka ko pa namalayan, nakatitig ako sa sarili kong imahe sa salamin.

"Sabihin mo," wika ko, "totoo ba ang lahat ng nangyayari ngayon?"

"Naguguluhan ka ba?"

Natahimik ako.

"Ganyan ang karaniwang sinasabi ng mga kliyente ko matapos lumabas sa kweba!" Sagot niya matapos dagliang tumawa. Napakunot-noo ako.

"Paano 'to nangyari?" Duda ko. "Paanong ..." tiningnan ko ang aking mga kamay, "paanong naging ganito ang katawan ko?"

"Simple lang. Ikaw ay biniyayaan ng Eden."

"Hindi kapani-paniwala. Sobrang imposible 'to!"

"Imposible nga ba? Tingnan mo ang sarili mo sa salamin."

Tiingnan ko ang imahe ko sa kanang salamin.

"Ngayon, sabihin mo, imposible pa ba?"

Niyakap ko ang aking sarili dala ng magkahalong kaba, takot, panghihinayang at kasiyahan sa aking puso. Nagsimula nang bumilis ang tibok ng puso ko. Sobrang pananabik ang aking nararamdaman.

"Upo ka. Mag-usap tayo." Utos niya matapos tumalikod. Dumeretso siya sa isang kulay gintong office desk at hinarap ako. Nakadikit lang ang mga mata ko sa kanya.

"May gusto kang itanong sa akin, alam ko." Aniya, kakaupo ko pa lang. Nabigla ako sa kanyang sinabi. Tila ba't alam niya ang mga bagay na gumugulong sa aking isipan. Isang lunok muna ng kaba at nagsimula na akong magsalita.

"Ang tubig, 'yung sinasabi mong tubig na dumadaloy mula sa harden ng Eden, isa iyong tubig na nababalot ng di maintindihang misteryo. Hindi ako makapaniwala na may mga bagay pa pala dito sa mundo na namumukod-tangi lamang ang nakakaalam. Ngayong nandito na ako at iba na ang hitsura ko, naguguluhan ako kung ano ang dapat kong gawin paglabas ko dito. Sabihin mo, hindi na ba ako babalik sa dati kong anyo? Baka naman ... baka naman isang araw lang ito."

Kumawala ng buntong-hininga ang nakaputing lalaki.

"Lianne, may nabanggit ba ang babae sa lawa tungkol sa kapalit ng iyong katawan ngayon?"

Napa-isip ako saglit.

"Ah, oo. Meron." Kinuha ko sa aking bulsa ang isang maliit na bolang kristal na ibinigay ng babae sa akin kanina.
Inabot ko ito sa kanya. Nang mahawakan niya ito, unti-unti itong naging hugis-bote. Isang makalumang bote na napaglalagusan ng paningin. Totoo nga ang kutob ko, ang mga tao sa shop na ito ay hindi mga tao. Pero, ano nga ba sila?

The Vanity ShopTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon