Kabanata XII - Hamon

52 4 0
                                    

"Ano, ba't tulala ka?" Pamukaw na tanong sakin ni Jason.

Kathang-isip lang pala ang nangyari.

May hawak nga akong ballpen ngunit hindi pa, hindi pa ngayon ang tamang panahon. Ang swerte niya kung ganoon siya kadali mamatay. Kasali ka rin sa laro, Jason.

Inalis ko ang nakaharang na kamay ni Jason sa locker at tumalikod upang magpalit ng mga gamit. Wala akong imik. Patuloy lang ako sa paglipat ng mga gamit.

"Grabe," natawa si Jason, "isnabera ka pala, miss beautiful."

Isinara ko ang zipper ng shoulder bag ko at muling humarap sa kanya na bahagyang nakangiti.

"Ano ba'ng kailangan mo?"

"Isa lang. Samahan mo ako sa Welcoming of Freshm---"

"Fine. 7 PM, University entrance." Sagot ko at nagwalk-out. Iniwan ko siyang may gulat na nakapinta sa kanyang mukha. Hindi ko narinig ang kanyang sagot, marahil ay hindi talaga siya nakasagot. Hindi niya siguro inakalang ganoon ko kadaling tanggapin ang kanyang alok.

Lumapad ang ngiti ko sa kasabikan. May naisip na naman akong laro.




"Binabati kita, Gabriel!" Wika ng isang malalim na boses, tinig ng lalaking kasinglalim ng kanyang katauhan. "Sa wakas ay may kalahok na ang inyong sangay."

Sa loob ng isang madilim na silid ay may labindalawang taong nakaupo't pumapalibot sa malaki't bilog na mesang yari sa kahoy. Isang puting bola lamang ang nagsisilbing liwanag sa gitna ng mesa, isang puting bola na nagtataglay ng mahika.

"Gaano man kalakas ang hindi mo pagsang-ayon na magkaroon ng kalahok, lalabas at lalabas ang isang taong karapat-dapat na maging manlalaro sa inyo." Wika ng isang babae na naka-maskara - isang mukha ng pusa. Lahat sila sa loob ay nakamaskara.

"Kung gayon ay maaari nang makilahok ang inyong sangay sa kahit ano mang palaro." Sabik na hudyat ng isang lalaki sa kabilang banda ng mesa. Nakasuot siya ng isang maskara na walang mukha.

"Malapit nang magsimula ang unang laro sa henerasyong ito. Gaano kaya karami ang maihahatid na aliw sa atin ng mga manlalaro?" Wika ng isang lalaki na naka-baboy na maskara.

Bumuntong-hininga si Gabriel bago magsimulang magsalita.

"Mga kapwa pinuno mula sa iba't-ibang sangay ng ating organisasyon, ipinapakilala ko sa inyo ang bagong manlalaro ng aming sangay - si Belle Resurreccion." Ani Gabriel sa tonong bahagyang nagmamayabang ngunit para bang dismayado. Maya-maya'y isang imahe ang nakita sa puting bola - imahe ng isang nakakaakit na mukha.

Nagsimulang umingay ang buong silid dulot ng mga bulong.

"Aba! Siya yata ang pinakamagandang manlalaro na nakita ko!"

"Nananabik akong makita siyang maglaro!"

"Gusto kong makita ang kanyang mga reaksyon!"

"Simulan na natin ang laro ngayon din!"

"Sa wakas at mas titindi pa ang mga laro ngayon!"

"Mga pinuno." Malakas at bahagyang mahigpit na pamukaw-atensyon ni Gabriel. Nagsitigil ang lahat sa pagsasalita.

"Sa loob ng tatlong henerasyon, batid ninyo na ang aming sangay ay nakapaghatid ng pinakamataas na bahagdan ng aliw sa ating lahat, matapos kong palitan ang huling pinuno ng aming sangay. Ikinalulungkot ko ngunit hindi ako nasisiyahan sa nararanasan ng mga tao ng dahil lamang sa ating kayamuang makahigop ng negatibong enerhiya mula sa kanila. Alam kong nagiging mas malakas tayo sa paraang ito, subalit hindi ako sang-ayon sa mga palarong isinasagawa natin."

The Vanity ShopTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon