"Ang larong ito'y tinatawag na 'The trial of Olympus.' Sa larong ito, kinakailangan niyong manatiling buhay sa loob ng anim na oras. Sa loob ng mga oras na ito ay kailangan niyong magtago mula sa mga nilalang na kung tawagin ay 'tikbalang.' Gagala ang mga ito sa buong isla. Dalawa lang ang maari niyong gawin upang makatakas mula sa kanila: ang magtago o ang patayin sila. Kung hindi, kayo mismo ang mamamatay."
Medyo lumakas ang mga bulung-bulungan sa paligid dahil sa aming narinig. Mismo ako'y kinilabutan sa mga sinabi ng bata. Totoo rin pala ang mga tikbalang? O baka naman biro niya lang ito?
"Anim na oras lamang, mga mahal kong manlalaro. Manatili kayong buhay. At bilang gantimpala sa pagkapanalo sa larong ito, mabibiyayaan kayo ng isang elixir na magbibigay karagdagan sa inyong kabataan ng limang taon.
Nag-iba agad ang ihip ng hangin. Para bang naging sabik bigla ang mga ito.
"Kaya ang tanong: tatago, papatay o mamamatay?" Hamon ng bata na may malapad na ngiti. Samu't-sari naman ang sagot ng mga tao. Ako naman, pipiliin ko talaga ang magtago. Ayoko ng ganitong sitwasyon, yun bang nakasugal ang buhay ko para sa ganitong klase ng laro. Wala na akong pakialam sa kung anong gantimpala ang ibibigay nila. Matapos ko lang ang larong ito ng buhay at walang pinapatay, sapat na.
"Isa pa, nakakalat sa buong isla ang maliliit na puting bandila. Kapag nakakita kayo ng bandila, siguraduhin niyong hindi ito maagaw mula sa inyo dahil ito ang palatandaan na maaari ka nang lumabas mula sa laro. Hindi ka rin sasaktan ng mga tikbalang. Kung makakarining kayo ng malakas na tunog ng trumpeta, bumalik na kayo sa lugar na ito bitbit ang inyong bandila at may lalabas na portal palabas sa islang ito. Ngunit kung sa loob ng anim na oras ay hindi pa kayo nakakuha ng bandila, muli kayong makikilahok sa nasabing laro sa susunod na anim na oras. Tsaka lang matatapos ang laro kapag ang lahat ay nakaalis na dito sa isla."
"Ibig sabihin, pabalik-balik kaming makikilahok sa larong ito hangga't sa makakuha kami ng bandila?" Kumpirma ng isang lalaking manlalaro.
"Tumpak, amigo!" Sagot ng bata. "Walang problema kahit tatlong araw kayong manatili dito sa isla. Iyon ay kung mabubuhay pa kayo mula sa gutom. Ngunit may isa pa namang paraan upang matapos niyo ang larong ito," huminto siya saglit, "ANG MAMATAY.'
Nagulat kami sa kanyang sagot na siya namang ikinatuwa niya nang husto. Bumuhos siya sa tawa.
"Ang dami kong tawa, paumanhin!" Aniya at tsaka kumalma. "Ano, handa na ba kayo?!"
"OOOOO!!" Sigaw ng lahat.
"PARA SA KAGANDAHAN?!" Sigaw ng bata.
"PARA SA KAGANDAHAAAAN!!!" Sagot naman nila. Tahimik lang ako na pinagmamasdan ang paligid.
"Kung gayon ... SIMULAN NA ANG LARO!" Sigaw ulit ng bata at nagsimula nang maghiwa-hiwalay ang mga tao.
Pero sa di kalayuan, may nakita akong isang pamilyar na mukha, isang mukha na nagpabalik sa alaalang hanggang ngayo'y nagpapanginig sa aking mga tuhod. Kalaunan ay nagsimula siyang maglakad palapit sa akin, mga mata'y walang emosyon.
"Belle." Tawag niya sa akin. Inabot niya ang kaliwa kong kamay at pinahawak ito sa suot niyang pulang pulseras. "Kung makakakita ka ng isang nilalang na nakasuot ng ganitong pulseras," inilapit niya ang kanyang labi sa taenga ko, "huwag kang kikilos. Kung gusto mong mabuhay, huwag kang kikilos."
Iniwan niya akong nakatunganga lang, sinusubukang intindihin ang kanyang ipig ipahiwatig. Tumalikod siya at nawala sa gitna ng nagsisialisan na mga tao.
"Sino 'yon?" Tanong ni Raven na tsaka pa lang lumapit.
"Ah, w-wala." Binaling ko ang aking mga mata at humarap sa kanya. "Ano na, Raven?"
BINABASA MO ANG
The Vanity Shop
Mistério / SuspenseLips. Nose. Chin. Eyes. Hair. Complexion. Waist. Physique - Alin dito ang nais mong baguhin? Kung wala sa pagpipilian, nawa ay ito'y iyong mawari at pakinggan ang ninanais ng iyong puso. Kaibigan, inaanyayahan kita sa Vanity Shop. Dinig namin ang iy...