Madilim;
Madilim ang paligid.
Maginaw;
Maginaw ang hangin.
Marahas;
Marahas ang katahimikan.
Mapaglinlang;
Mapaglinlang ang isipan.
Oo nga ba at kaysaklap;
Ni pag-ibig ay sadyang mailap.Nagising nalang ako sa isang purong dilim na lugar, halos nahahawakan ang itim nitong kulay. Noong una ay hindi ako sigurado kung ako ba ay nabulag o sadyang napunta lang talaga ako sa isang lugar na lingid sa aking kaalaman. Umupo ako at dahan-dahang sinuri ang paligid gamit ang aking mga kamay.
Lupa. Mabato. Mainit.
Naaalimpungatan pa ako ngunit ramdam ko ang init ng hangin sa paligid. Mukhang hindi ito isang lugar na tinitirahan ng mga tao. Siguradong isa itong lugar na hindi ko gustong malaman.
'Umilaw ka.' Bulong ko sa aking sarili habang itinataas ang isa kong daliri. Hindi naman ako nabigong pailawin ang dulo nito. Sa kulay dilaw nitong ilaw ay maihahalintulad ko ito sa isang higanteng alitaptap. Nakakaakit. Kayganda.
Tumayo ako at dahan-dahang naglakad. Nakita ko na ang buong paligid ay pinapalibutan ng pader na lupa na para bang nasa loob kami ng isang malaking bundok. Kaya pala mainit. Halos walang hangin na pumapasok.
Papaano nga ba ako napunta rito?
Naglakad pa ako sa kabilang dulo at laking gulat ko nalang nang makakita ako ng mga katawan ng tao na nakahandusay sa lupa. Siyam silang lahat. Hindi naman sila mukhang patay. Mga walang malay lang katulad ko kanina.
"Isa ka rin ba sa'amin?"
Isang boses ng lalaki ang narinig ko sa hindi kalayuan. Itinapat ko naman ang daliri ko sa kinaroroonan ng boses hanggang sa makita ko ang buo niyang katawan. Naka-football uniform siya at may kaunting galos sa mukha. Sa tangkad nitong parang 6 footer at sa kisig ng katawan nito, mukhang hindi pangkaraniwan ang taong ito.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" Taka ko.
"Isa ka ba sa amin?" Ulit niya at humakbang palapit. "Isa ka rin bang tao?"
Nabigla ako sa kanyang tanong.
"O-oo naman. Nagtataka nga ako kung bakit ako narito----"
"Ano ang iyong kakayahan?" Aniya na pumutol sa aking pahayag. Binaling niya ang kanyang mag mata sa aking umiilaw na daliri na siyang tiningnan ko rin.
"Napapailaw mo ang iyong mga kamay?" Sabi niya na parang nagtataka na matatawa na.
"Ganoon na nga." Nagdalawang isip ako bigla na sumagot. Agad naman itong tumawa nang saglit.
"Ganoon? Yun lang?" Tumawa na naman siya saglit. Mukhang natatawa siya sa pag-aakalang ito lang ang tanging kakayahang taglay ko. Nakatingin lang ako sa kanya.
"Alam kong nilikha ka rin galing sa mahiwagang lawa. Sumobra kasi yata ang ganda mo." Pabirong wika nito at ipinasok ang mga kamay sa bulsa ng kanyang shorts. "Ano ba ang sinugal mo?"
Napatigil ako bigla.
"Manlalaro." Aniko na ikinagulat niya.
"Naku, buti na nga lang at mababaw lang yung kapalit ko." Sabi niya. "Bilang kapalit ng bago kong anyo, kinakailangan kong huminto sa paglalaro ng football. Dito nga yata tumatakbo ang buhay ko noon. Yun nga lang, ako ang pinakapandak sa amin. Palagi nalang akong natutukso noon. Kung minsan, hindi pa ako pinapasali sa pictures." Bumuntong hininga siya at tumalikod na nakatingin sa itaas, para bang inaalala ang mga kahapong pilit mang kalimutan ay pintado parin sa isipan.
Naiintindihan ko ang kanyang nararamdaman dahil isa rin naman akong taong mahilig tapakan at pagtawanan ng mga tao noon. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit nagawa niyang ipagpalit ang kanyang hilig sa football kapalit ng bago niyang anyo.
BINABASA MO ANG
The Vanity Shop
Mystery / ThrillerLips. Nose. Chin. Eyes. Hair. Complexion. Waist. Physique - Alin dito ang nais mong baguhin? Kung wala sa pagpipilian, nawa ay ito'y iyong mawari at pakinggan ang ninanais ng iyong puso. Kaibigan, inaanyayahan kita sa Vanity Shop. Dinig namin ang iy...