Kabanata XIII - Hudyat

60 4 2
                                    

"AAAAAAAAAHHHH!!!"

Nagsigawan ang lahat ng taong nasaksihan ang kagimbal-gimbal na pangyayari.

Matapos ang sigaw ay sumabog ng katahimikan.

Lahat ay tulala. Lahat ay gulat lamang at takot na nakatingin sa gitna ng kalsada. Walang umimik. Walang kumurap. Tanging ang huni ng hangin ang umihip sa buong paligid.

Tumbang-tumba ang sasakyan.

Bago pa man tuluyang mabangga si Paige, bigla nalang natumba ang sasakyan sa kanyang harapan. Padulas itong lumagpas sa kanang banda ni Paige hanggang sa tuluyan itong huminto. Tulala lang si Paige na nakatingin sa malayong banda ng tuwid na daan. Hindi na niya kinayang sulyapan pa ang sasakyang babawi sana sa kanyang buhay. Dito't-dito'y alam niyang katapusan niya na. Pero ang naganap ay isang himala. O, himala nga ba?

Unti-unting nanumbalik ang ingay sa paligid. Nagsimula nang mag-ingay ang mga bulong. Agad kong nilapitan si Paige at hinila papunta sa gilid ng kalsada.

"Paige, okay ka lang?!" Alala ko sa kanya. Putlang-putla ang kanyang labi at tila gulat pa ang kanyang reaksyon. Maya-maya'y bumuhos ang kanyang mga luha sa nanginginig niyang mga pisngi.

"Lianne ..." Bulong niya at niyakap ako bigla. Imbis na takot ang aking nadama'y napalitan nalang bigla ng kaba sa puso. Lianne? Nakilala niya ako?

"Lianne? 'Yung matalik mong kaibigan?" Palusot ko habang hinahaplos ang kanyang likod.

"Gusto kong makita si Lianne." Aniya pahikbi. "Hindi ako pwedeng mamatay hangga't hindi ko siya nakikita." Mas hinigpitan niya ang kanyang yakap. "Nasaan na ba siya?"

Nais ko mang sabihin ang totoo, alam kong magiging komplekado lang ang lahat.

Patawad, Paige.



Kakauwi ko lang matapos kong ihatid si Paige sa train station. Hindi na namin itinuloy ang planong maglakwatsya ng mga damit. Pinauwi ko na siya para makapagpahinga mula sa nangyari. Duda ko'y na-trauma si Paige. Mas mainam na umuwi siya at makipag-usap sa kanyang pamilya.

Ipinatong ko ang aking shoulder bag sa mesa at dumeretso sa fridge. Kumuha ako ng malamig na tubig pampakalma at umupo. Ano ba talaga ang nangyari kanina? Bigla nalang natumba ang sasakyan.

"Magaling, Belle." Ani isang malalim ngunit mayuming tinig mula sa likod ko. Agad akong lumingon sa gulat.

"Gabriel." Wika ng aking bibig nang makita ko siyang nakasandal sa pader. Dahan-dahan siyang lumapit at umupo kaharap ako.

"Ngayon ka pa nagpakita." Sabi ko na medyo dismayado.

"Oo." Agad niyang sagot na nakangiti. "Pero halos kada segundo kitang nakikita ... binabantayan."

Nanlaki ang mga mata ko.

"Sabi ko na nga ba!" Sigaw ko at kinuha ang isa kong tsinelas. "Sinisilipan mo ako sa banyo, ano?!" Akmang hahampasin ko na sana siya ng tsinelas nang bigla niyang kinaway ang kanyang kamay at bigla nalang kumawala ang tsinelas mula sa kamay ko. Bigla nalang itong natapon.

"Upo." Utos niya. Sa gulat ko'y pinagmasdan ko muna ang mukha't kilos niya. Dahan-dahan akong umupo habang nakatingin sa aking kamay.

"Mahika." Aniya sa seryosong tono. "Ang natunghayan mo'y isang mahika."

"Mahika?"

"Oo, mahika, isang uri ng hindi maipaliwanag na misteryong bumabalot sa mundo; isang bagay na kaunting nilalang lamang ang nagtataglay; isang abilidad na meron ako - at meron ka."

The Vanity ShopTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon