Kabanata II: Paglalakbay

2K 84 92
                                    

Kabanata II: Paglalakbay

═ ══════ † ══════ ═

Ang bawat paglalakbay ay nagsisimula sa takot.

~ Jake Gyllenhaal ~

═ ══════ † ══════ ═

Ang sabi nila, may dalawang landas na maaaring patunguhan ang isang tao kapag ito ay namatay:

Ang paraiso, o ang impyerno.

Maglalakbay 'di umano ang kaluluwa patungo sa kalangitan kung siya ay napatunayang nabuhay ng matuwid at naging mabuting tao sa lupa. Mararating niya ang inaasam ng lahat na paraiso, ang lugar kung saan wala ng pagdarahop, sakit, at kamatayan na umiiral.

Subalit hindi lahat ng namamatay ay pinapalad na makarating sa paraiso. Parating bukas ang pintuan ng impyerno para sa mga kaluluwang puno ng kasakiman, mapaghiganti, at buong buhay na namuhay sa kasalanan. Doon ay daranasin nila ang matinding pagdurusa at paulit-ulit na kamatayan, at hindi sila makasusumpong ng kapatawaran at kapahingahan kailanman.

Ngunit si Rowan?

"Narito na tayo."

Mukhang hindi pa malinaw sa ngayon kung sa paraiso ba o sa impyerno siya dadalhin ng kaniyang paglalakbay.

"Maghanda ka na. Sa lugar na ito mag-uumpisa ang paglalakbay mo, Rowan."

Isa iyong malawak na pulang karagatan na nababalutan ng makapal na pulang hamog. At habang tumatagal ang pagtitig ni Rowan sa buong karagatan ay hindi niya maiwasang hindi mapansin ang matingkad nitong kulay na akma sa tema ng lugar; ang kulay ng kamatayan. Kumukurot sa ilong ang matapang na amoy ng tubig na para kang literal na nagpakulo ng kalawang sa malansang sabaw. At sa gitna ng nasabing karagatan ay makikita ang isang malaki, magubat at mukhang mapanganib na isla na nababalutan din ng makapal na pulang hamog kung saan 'di umano'y magsisimula ang totoong paglalakbay ng binatang si Rowan kasama ang misteryosong lalaki na nagpakilala sa pangalan na Jack.

Pasimpleng nagnakaw ng tingin si Rowan sa kaniyang kasama na abala sa pagsagwan sa sinasakyan nilang bangka.

Pwede ko ba talagang pagkatiwalaan ang lalaking 'to? Ni hindi ko nga siya kilala eh, pero handa siyang tulungan ako na makatawid sa tinatawag nilang liwanag. Bakit kaya? Posible kaya na...nagkita na kami dati?

At dahil mahaba-haba pa ang oras na hihintayin nila bago makarating sa isla kaya naisip ng nagpakilalang gabay na si Jack na magpahinga muna't aliwin ang kaniyang sarili. Kinapkap niya ang kaniyang bulsa at kinuha ang isang kulay pilak na prasko na may laman na alak. Sumandal siya sa gilid ng bangka at pagkatapos ay saka niya ininom ang laman ng hawak niyang prasko.

"Haaa...ang sarap!"

Pinunasan ni Jack ang tumulong alak mula sa kaniyang bibig gamit ang laylayan ng suot niyang mahabang itim na manggas. Pumagitna sa kanila ni Rowan ang makapal na pader ng katahimikan na siyang nagbigay ng pagkakataon kay Jack para pagmasdan ng matagal ang binata.

Hanggang sa...

"Rowan...?"

Nakuha ni Jack ang atensyon ng nananahimik na binata.

"Wala ka ba talagang matandaan maski isa tungkol sa sarili mo, o sa kahit na sino? Kahit...kaunti lang?"

"Ha?"

Rowan's OdysseyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon