Kabanata XI: Paghaharap
═ ══════ † ══════ ═
Harapin ang madilim na bahagi ng iyong sarili at alisin ang mga ito sa pamamagitan ng liwanag at pagpapatawad.
~ August Wilson ~
═ ══════ † ══════ ═
"Kung gano'n, sasama ka na sa kaniya?"
"Opo, Lola Elma."
Hindi na sumagot o tumutol pa ang matandang si Elma nang magpaalam sa kaniya ang batang si Fiann kasama ang kakilala nito na si Allan. Kasalukuyan silang nasa maliit na sala habang pinagsasaluhan ang matabang na tsaa at lumamig na sopas na handa ng matanda para sa kapistahan ni San Patricio na patron ng Irlanda.
"Ah, Lola?" Ang nagsalita sa gitna ng usapan ay walang iba kundi si Lorcan na kasalo rin nina Fiann sa hapag. "Kung ayos lang sa inyo, ihahatid ko na po silang dalawa sa estasyon ng Connolly."
"O sige. Walang problema. Basta't paghatid mo sa kanila'y umuwi ka agad, maliwanag?"
"Magtiwala kayo sa akin, Lola! Ako na po ang bahala."
Minabuti nina Fiann at Allan na huwag nang magtagal sa tahanan nina Lola Elma para makabiyahe sila ng maaga papunta sa Donegal. Pormal na nagpasalamat si Fiann sa pagtanggap at pag-aalaga sa kaniya ng matanda, gayundin ang kabutihang ipinakita ng pamilya nito sa kaniya.
"Maraming salamat po sa lahat, Lola Elma. Hinding hindi ko po kayo makakalimutan."
"Walang anuman." Masayang tugon ng matanda. "Bukas ang tahanan namin kung sakali na maisipan mo na dumalaw sa amin."
Pagkatapos ng maikling pamamaalam ay umalis na sina Fiann at Allan kasama si Lorcan na siyang maghahatid sa dalawa sa estasyon ng Connolly. At habang nasa daan sila ay ikinuwento ni Allan ang mga nalalaman niya tungkol sa pagkawala ng nakatatandang kapatid ni Fiann at kung ano na ang nangyari sa kaso nito.
"Nakita ko pa ang Kuya mo noong gabi bago siya nawala. Nagbatian pa nga kaming dalawa, at sinabi niya sa akin ang plano niyang pag-uwi sa Irishtown para kuhanin ka."
"Kuhanin?" biglang sumungit si Lorcan sa usapan. "Bakit? Wala na ba kayong mga magulang, Fiann?"
"Wala na." Sagot ni Fiann kay Lorcan. "Lumaki kami ng Kuya ko na walang Ama. Ang Mama naman namin, namatay noong limang taong gulang pa lang ako. Si Kuya na ang nag-alaga sa akin mula noong maulila kami sa mga magulang. Kaso kinakailangan niyang lumuwas sa siyudad para magtrabaho, kaya ipinaiwan niya ako sa isang malayong kamag-anak. Kaso..."
"Kaso...?"
Nag-aalangan si Fiann na magsalita noong una. Ngunit kalauna'y napakuwento rin siya't sumagot sa mga tanong ng kaibigan.
"Mahirap lang din ang pamilyang pinakisuyuan ng Kuya ko para mag-alaga sa akin. Hindi ako kasama sa pang-araw-araw nilang gastusin, at madalas din akong pag-initan ng Tiyo ko na parating umuuwi na lasing. Nangako sa akin ang Kuya ko na kapag may sapat na siyang ipon, kukunin na niya ako at magsasama na kami. Kaso..."
"Kaso, hindi ka niya nabalikan."
Tumango si Fiann bilang tugon sa kaniyang kausap.
"Nalaman ko mula sa sulat na ipinadala ni Kuya Allan na nawawala ang Kuya ko. Sinabi ko iyon kina Tiyo at Tiya at nakiusap ako sa kanila na baka pwede nila akong samahan sa Donegal para alamin ang nangyari. Pero nagalit sila. Hindi sila pumayag. Dahil doon kaya nagpasiya ako na umalis nang walang paalam."
BINABASA MO ANG
Rowan's Odyssey
Paranormal** Watty's 2019 Winner -- Horror and Paranormal Category ** May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kaila...