Kabanata XII: Sakripisyo
═ ══════ † ══════ ═
Sa palagay ko'y bahagi lamang ito ng pagmamahal: Kailangan mong isuko ang mga bagay na mayroon ka. At kung minsan, kailangan mo ring ibigay ang mga ito sa iba.
Lauren Oliver, Delirium
═ ══════ † ══════ ═
Rowan...
Mabilis na iminulat ni Rowan ang kaniyang mga mata matapos umulyaw sa tainga niya ang kaniyang pangalan na sinambit ng isang pamilyar na tinig. Boses iyon ng isang babae. Pagkatapos niyang magising ay nakita niya ang kaniyang sarili na nakasubsob sa mamasa-masa at pinong buhangin. Dinig niya ang bawat pagsadsad ng alon sa tabi niya, at maging ang maalat-alat na tubig ay nalalasahan ng kaniyang mga labi.
"D—dagat?"
Kinumpirma ni Rowan ang hinala niya sa pamamagitan ng pagpihit ng kaniyang tingin sa pinagmumulan ng mga alon na kanina pa humahampas sa kaniyang katawan.
"D—dagat nga."
Noong una'y alilito pa si Rowan. Ang naaalala niya'y nasa isang lugar siya na napapalibutan ng mga itim na liryo kung saan may nakita siyang lalaki na tinangka siyang patayin. At ngayon naman ay nasa tabing-dagat na siya, isang totoo at napakagandang dagat na niyayakap ng nag-aagaw na kulay kahel at lila na kalangitan.
Isang pamilyar na tanawin.
Nanggaling na ako rito...
Tama.
Sigurado si Rowan, nanggaling na siya sa lugar na iyon.
Hindi nagtagal ay nakarinig si Rowan ng sunud-sunod na yapag ng mga paa sa makapal na banig ng buhanginan. Lumingon siya't nakita niyang papalapit sa direksyon niya ang isang babae na ang mukha't pangangatawa'y pamilyar sa kaniya. Mayroon itong kulay abong mga mata at masutlang kulay itim na buhok na ang haba ay pantay sa kaniyang mga balikat. Tila malungkot ang babae habang palapit ito sa direksyon ni Rowan, at ang mga mata nito'y hindi nakatutok sa binata kundi tumatagos ito papunta sa malawak na karagatan.
A—ang babaeng 'yon...
At habang palapit sa kaniya ang babae ay kumakabog ng husto ang dibdib ni Rowan na para bang may kung anong mangyayari na hindi maganda. Sinubukan ni Rowan na pigilan ang babae sa paglapit, subalit tumagos lamang ito sa kaniya na parang hangin.
Teka, paanong nangyari 'yon?
Sinubukan muli ni Rowan na muling hawakan ang babae, ngunit tulad ng inaasahan ay hindi manlang lumapat ang mga kamay niya sa kaniya.
Panaginip lang ba ang lahat ng ito?
Iyon ang akala ni Rowan noong una. Ngunit sa gitna ng pag-iisip niya ng malalim ay bigla na lang siyang nilingon ng babae't sinabi nito sa kaniya na...
Gising, Rowan. Kailangan mong tumakas.
Hindi na nakaganti pa ng sagot si Rowan tungkol sa sinabi sa kaniya ng babae. Bigla kasing kinain ng kadiliman ang buong paligid niya hanggang sa wala na siyang makita na anuman sa kaniyang kinatatayuan. Walang mga buhangin, at walang malawak na dagat.
"T—teka, ano na ba talagang nangayayari dito?" naguguluhang tanong ni Rowan sa kaniyang sarili habang iniikot ng paningin niya ang paligid. "Paano ako napunta rito? At sino ba ang gumagawa ng lahat ng ito?"
BINABASA MO ANG
Rowan's Odyssey
Paranormal** Watty's 2019 Winner -- Horror and Paranormal Category ** May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kaila...