Kabanata IV: Gunita

1.2K 56 116
                                    

Kabanata IV: Gunita

═ ══════ † ══════ ═

Ang mga tao ay nag-iiwan ng mga kakaiba at maliliit na bahagi ng mga alaala sa kanilang mga sarili kapag sila ay namatay.

~ Haruki Murakami, Norwegian Wood ~

═ ══════ † ══════ ═

Ika-12 ng Marso...

Sa siyudad ng Dublin, bansang Irlanda.

------

Haaa...haaa...

Sa kalagitnaan ng isang mapanganib na pagtakas ay natagpuan ng isang batang babae ang kaniyang sarili sa loob ng isang abandunado at madilim na gusali. Gutay-gutay ang laylayan ng kaniyang suot na kulay asul na bestida at puno rin ito ng putik at dumi na parang nanggaling siya sa isang masalimuot na lakaran. Pakiramdam ng bata'y itinutulak siya ng kadiliman patungo sa isang dako kung saan paulit-ulit siyang sinasaksak. Hindi ng patalim, kundi ng isang 'di nakikitang puwersa na nagtatago sa likod ng kadiliman.

Haaa...Haaa...

Tulong!

Papatayin niya ako!

Pilit na inihakbang ng batang babae ang kaniyang mga paa kahit duguan na ang mga ito at hindi na kayang maglakad pa. Humapay-hapay siyang naglakad ng mabilis habang sinusubukan niyang humanap ng isang ligtas na lugar. Hindi naman siya nabigo dahil nasumpungan niya ang isang abandunadong silid kung saan may mga nakahelerang sirang kama, mga upuan at ilang mga kagamitan na karaniwang makikita sa mga lumang ospital.

Hanggang sa...

Liwanag?

Tama. May liwanag siyang nakita. Galing iyon sa isang malaking butas sa bubungan ng nasabing silid kung saan malayang bumabanaag ang liwanag mula sa buwan.

Liwanag!

Naakit ang batang babae sa liwanag kaya agad itong pumasok sa nasabing silid sa pag-asang maililigtas siya nito mula sa humahabol sa kaniya. Subalit hindi ganoon ang nangyari, dahil doon pa mismo sa liwanag lumitaw ang nilalang na kanina pa pilit tinatakasan ng batang babae.

"Marline, tama ba?"

Isang matangkad na lalaki ang biglang nagpakita sa likod ng liwanag. Nakasuot siya ng isang pormal na purong puting terno. Banat at nakahagod ng husto ang kaniyang itim na itim na buhok na mayroon lamang kaunting lawit upang iharang sa kaniyang noo. At ang kaniyang mga mata na kasing lamig ng gabi ay nahaharangan naman ng makapal na antiparas, sapat upang magbigay sa sinoman ng istriktong impresyon tungkol sa lalaki sa unang kita mo pa lamang sa kaniya.

Umatras ang batang babae na may matinding panginging at takot sa kaniyang mukha.

"Lumayo ka!" umyak niya sa lalaki.

Ngunit hindi nagpatinag ang lalaki at lumapit pa ito ng husto imbis na lumayo. Kinuha niya mula sa loob ng kaniyang suot na pang-itaas ang isang gintong pakpak na panulat. Walang anu-ano'y winasiwas niya sa hangin ang hawak niyang panulat hanggang sa ito'y magbagong-anyo at naging isang mahabang gintong espada.

Rowan's OdysseyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon