Rowan's Odyssey Side Story:
Kalimbahing Tatsulok
*****
Linggo, ika-14 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na pumukaw sa aking pansin.
Kumusta?
Ang totoo, hindi ko alam kung ano ang iyong pangalan, ngunit matagal na kitang pinagmamasdan mula rito sa isang bahagi ng barikan kung saan kita madalas na makita. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi ka mapansin lalo na sa tuwing umaarko nang bahagya ang iyong mga labi. Gabi-gabi’y nagpupunta ako rito para lang masilayan ang nakangiti mong mga mata. Hindi ako nagsasawang pakinggan ang iyong tinig na kasing lamig ng niyebe, gayun din ang kahanga-hangang mga salita na lumalabas mula sa mamula-mula’t pino mong mga labi na parang gayuma na patuloy akong inaakit.
Para kang isang panaginip na nagkatotoo.
Isang magandang larawan na nakatatak na sa aking isip at ‘di na maglalaho.
Ikaw?
Naniniwala ka ba sa Pag ibig sa Unang Tingin?
Mukha kasing ganoon ang nangyari sa akin.
Lubos na gumagalang,
~ L ~
-----
Martes, ika-16 ng Enero
Para sa iyo...
Hindi ako umaasa ng anumang tugon mula sa iyo dahil tulad nang nakikita mo, ang lahat ng liham ko sa iyo’y nakatago lang dito sa aking tokador. Balak ko nga sana’y sunugin na lang ang mga ito, ngunit naisip ko na baka dumating ang pagkakataon na magkalakas ako ng loob na ibigay ang mga ito sa iyo. Bagama’t binalaan na ako ng aking mga kaibigan na tigilan na ang kabaliwan kong ito dahil mapanganib, ngunit magagawa mo bang utusan ang puso na huminto kung nais nitong maghabol sa kaniyang iniibig?
Hindi ba’t hindi?
Napakahirap para sa akin na basta ka na lang kalimutan.
Sapagka’t ang puso’t isip ko’y walang ibang laman, kundi ikaw lang.
~ L ~
-----
Huwebes, ika-19 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na nagtataglay ng kaakit-akit ngunit mapanglaw na mga mata.
Hindi ko alam kung anong uri ng mahika ang ginamit mo sa akin upang hindi maalis sa isip ko ang ganda ng iyong mga mata. Halos kakulay ng mga mata mo ang bagong supang na dahon sa isang mayabong na sanga, ngunit ang pagkalilim nito’y hindi ganoon kadaling mailarawan. Para bang nag-aagaw ang kulay berde’t dilaw sa iyong mga mata, na may asul na gumagapang sa paligid na tila gustong mangibabaw. Hindi ko makalimutan ang sandaling kumurap ka’t kung paano hinarang ng mahaba at malambot mong pilikmata ang iyong kagandahan, na mas nangibabaw kaysa sa iyong makisig at nakabalangkas na tampok. At nang binuksan mong muli ang iyong mga mata, hindi parin ako makabawi sa kakaibang anyo ng iyong tingin na nakatutok sa tanawin na nasa labas, titig na tumatagos sa salamin na parang liwanag, ngunit nangungusap at nagsusumamo mula sa ‘di nakikitang pangungulila’t kalungkutan.
Doon ko naramdam, sa kauna-unahang pagkakataon, na may pumintig mula sa loob ng aking dibdib. Para akong hinilamusan ng hangin. Bawat ugat, maging ang pinakamaliit na himay sa aking laman ay lumukso’t nagkabuhay.
Tama.
Hindi ka na naalis sa isip ko magmula noong araw na iyon.
Mapapatawad mo kaya ako kung bigla kong sabihin sa iyo na gusto kita?
Mula rito sa barikan kung saan kita unang nakita…
~ L ~
P.S
Edward, tama?
Nalaman ko lang mula sa matandang barista ang iyong pangalan.
Bagay na bagay sa iyo.
Malakas ang dating.
Tunog maharlika…
…at kaibig-ibig.
-----
Linggo, ika-22 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na parati kong pinagmamasdan...
Hindi na bago sa akin ang malamlam na usok mula sa paborito mong sigaro na pumipilipit sa hangin at lumilikha ng malulungkot na mga alon habang tinatamaan ng maliliit na batik ng liwanag mula sa malamlam na ilaw ng barikan. Para akong lumalanghap ng sinilabang tuyong dahon. Masakit sa ilong, ngunit para sa iyo, ang amoy nito’y kasing bango ng bagong pitas na bulaklak.
At sa isang bahagi naman ng barikan ay naroon ang isang maliit na aparador na gawa sa salamin. Nakalagay sa loob nito ang mga botelyang naglalaman ng iba’t ibang klase ng mamahaling mga alak, kabilang ang alak na paborito mong inumin. Mayamaya pa’y muli mong tinawag ang pansin ng barista at humingi ng isa pang tagay ng paborito mong alak. Kahit dito sa malayo’y pansin ko ang unti-unting pamumula ng iyong mukha na parang rosas, ngunit patuloy ka parin sa pag-inom na para bang wala nang bukas. Pilit na ikinukubli ng matapang mong anyo ang nagmumultong kalungkutan. At habang pinagmamasdan kita mula rito sa kinauupuan ko’y mas lalo akong nahihikayat na lapitan ka’t damayan.
Ngunit hindi ko nagawa.
Nabahag ang aking buntot. Bigla akong kinain ng matinding karuwagan.
Labis akong nagsisisi ngayon sa ‘di ko paglapit sa iyo. Isang pambihirang pagkakataon ang aking sinayang. At hanggang sa mga oras na ito’y hindi ka mawala sa isip ko, lalo na ang larawan ng iyong pag-iisa na nakapinta na sa aking isipan.
Lakas ng loob, nasaan ka?
Mula sa akin na lihim na tumatangi sa iyo,
~ L ~
BINABASA MO ANG
Rowan's Odyssey
Paranormal** Watty's 2019 Winner -- Horror and Paranormal Category ** May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kaila...