Ang Pagsisimula ng Isang Kuwento

1K 40 21
                                    

═ ══════ † ══════ ═

Ang Pagsisimula ng Isang Kuwento

═ ══════ † ══════ ═

Sabi nila, may dalawang pinakamahalaga na araw sa buhay ng isang tao. Una, ang araw na ipinanganak siya sa mundo. At pangalawa, ang araw na nalaman niya ang dahilan kung bakit siya ipinanganak.

'Yon nga lang, dumating ang mahalagang araw na iyon sa buhay ko sa mismong araw na ako ay namatay.

At kung paano 'yon nangyari?

Ako lang ang nakakaalam.

Medyo kakatuwang isipin na magtatapos ang kuwentong ito sa simula, sa lugar kung saan nag-umpisang maganap ang lahat...

Sa isang lugar...

...na napapalibutan ng mga puting bulaklak.

Mga liryo.

Subalit bago 'yon ay may nauna pa munang kaganapan na siyang magtatakda sa katapusan ng aking kakaiba at mahabang paglalakbay...

Sa isang dagat kung saan nila ako natagpuan.

------

"T—teka, anong nangyari?"

Katatapos lang noon ng isang 'di pangkaraniwang unos sa gitna ng dagat. Saksi sina Fiann at Allan na nakatayo malapit sa dalampasigan kung paano ipinakita ng unos sa dagat ang kaniyang bagsik at kung paano ito humupa sa isang iglap. Mayamaya pa, isang malaking alon mula sa dagat ang humampas papunta sa dalampasigan. Tangay nito ang maliliit na butil ng buhangin mula sa ilalim ng dagat, maging ang mga damong-dagat at kung anu-ano pa.

Ngunit may isa na naiiba sa mga nabanggit ang itinulak ng alon papunta sa dalampasigan.

Isang tao.

Isang walang malay na binata.

"T—teka, tao ba 'yon?"

Mula sa puwesto ni Allan ay natanaw niya ang tila isang tao na inanod ng mga alon na papunta sa dalampasigan. Agad niyang tinawag ang pansin ng kasama niyang si Fiann at itinuro ang lugar kung saan may nakita siyang tao na inanod mula sa dagat.

"Fiann! Tingnan mo ang isang 'yon!"

Bumilis ang tibok ng puso ni Fiann pagkakita niya sa tila tao na nakahandusay sa buhanginan at hinahampas ng mahihinang mga alon mula sa dagat. Dahan-dahan na umusad ang mga paa niya hanggang sa tuluyan na siyang napatakbo at pinuntahan ang tao na kanilang nakita. Doon na siya tuluyang napaluhod at pagdaka'y niyakap niya ng buong galak ang tao na napadpad sa dakong iyon ng dalampasigan.

Ang kaniyang nawawalang kapatid...

Si Rowan.

"T—tulong! Tatawag ako ng tulong, ngayun din!"

Ang totoo, walang kamalay-malay si Rowan na iniluwa siya ng dagat at dinala sa may dalampasigan. Ni hindi niya alam na ang nakakita sa kaniya ay ang kaniya mismong nakababatang kapatid at malapit na kaibigan. Ang alam lang niya'y mabilis siyang bumubulusok sa ere pababa at anumang oras ay tatama ang katawan niya sa lupa.

Hanggang sa...

"Ah!"

Isang malakas na pagkabog mula sa dibdib niya ang kaniyang naramdaman, dahilan para bigla niyang imulat ang kaniyang mga mata kasabay ng sunud-sunod na mabibigat at malalalim na mga paghinga. Lumabas ang malamig na pawis na nagbutil sa kaniyang noo at naramdaman niya ang pamamanhid ng kaniyang mga kamay at paa na para bang napakatagal na panahong hindi niya naigalaw ang mga ito.

Rowan's OdysseyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon