Kabanata X: Alamat

599 36 39
                                    

Kabanata X: Alamat

═ ══════ † ══════ ═

Ang bawat sinaunang kuwento'y parating may katotohanan na nakakabit sa puso nito.

~ Juliet Marillier, Tower of Thorns ~

═ ══════ † ══════ ═

"Siyam na pu't siyam na kaluluwa?"

Tandang tanda pa ni Jack ang sandali kung paano niya klinaro sa kaniyang kausap ang kapalit ng kalayaang ipinagkaloob nito sa kaniya.

"Madali lang, hindi ba?" ang sabi sa kaniya ng lalaki, nakangiti ang mga labi nito ngunit hindi ang nanlilisik nitong pulang mga mata. "Siyam na pu't siyam na kaluluwa kapalit ng kalayaang ipinagkaloob ko sa iyo."

Ngunit may problema sa hinihinging pabor sa kaniya ng misteryosong lalaki.

"Imposible ang hinihiling mo sa akin." Ani Jack sa lalaki. "Ang lahat ng kaluluwang pumapasok sa Hantungan ng mga kaluluwa'y protektado ng kani-kanilang mga gabay, at ang mga gaya ko ay hindi basta nakakalapit sa kanila."

"Hindi ko na problema 'yan, mahal kong Jack." Lumapit ang lalaki kay Jack at marahang hinaplos ang maiitim at maalon nitong buhok. "Ba't hindi mo gamitin ang talento mo? Kinilala ka ng lahat bilang ang 'Mandarayang si Jack', hindi ba? Minsan mo ng dinaya ang Diyablo para hindi niya makuha ang kaluluwa mo para dalhin sa impyerno. Ba't hindi mo ulit gawin iyon para tuluyang ka nang makalaya sa nagawa mong pagkakamali noon?"

Tama.

Isang pagkakamali.

Aminado si Jack na hindi siya naging mabuting tao noong nabubuhay pa siya sa mundo. Para sa kaniya, ang mabuhay ay isang malaking tumpok ng kalokohan, isang biro na maaari niyang pagtawanan habang nilalagok ang isang bote ng alak at ginagawang pampalipas-oras ang panloloko sa iba.

Sa madaling salita, ang naging buhay ni Jack sa mundo ay isang magandang halimbawa ng isang miserableng nilalang na inubos ang mga nalalabing sandali ng buhay niya sa mundo para sa sarili niyang kapakinabangan.

Ngunit tulad nga ng sabi ng matatandang kasabihan, ang lahat ng tao sa mundo'y may kaniya-kaniyang katapat na karma.

At dumating ang 'karma' ni Jack isang araw at kumatok ito sa kaniyang pintuan.

"Jack, tama ba?"

Sariwa pa sa alaala ni Jack kung paano nagpakilala sa kaniya ang binasagang 'Ahas ng Hardin ng Eden' na mas gustong tawagin ang sarili niya na Diyablo. Wala halos pinagkaiba sa tao ang kaniyang hitsura. Wala siyang sungay o buntot, at hindi rin mapula ang kulay ng kaniyang balat. Sa katunayan, mas mukha pa nga siyang taong tingnan kumpara kay Jack na hindi nanunuklay ng buhok, hindi nag-aahit ng bigote, mukhang basahan ang damit at nangangamoy alak ang katawan.

Rowan's OdysseyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon