Kabanata VIII: Panganib

624 36 44
                                    

Kabanata VIII: Panganib

═ ══════ † ══════ ═

Ang mundo ay isang mapanganib na lugar upang mabuhay; hindi dahil sa mga taong masasama, kundi dahil sa mga taong hindi gumagawa ng anumang bagay tungkol dito.

~ Albert Einstein ~

═ ══════ † ══════ ═

Ngayon ay ika-labimpito ng Marso.

Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ng mga Irlandes ang kapistahan ng kanilang patron na si San Patricio, na mas kilala rin ng marami bilang ang 'Apostol ng Irlanda'. Malaya ang lahat ng tao sa araw na ito na magsaya at punuin ang kanilang mga tahanan ng malulutong na tawanan, walang humpay na sayawan at masisiglang tugtugin mula sa kombinasyon ng mataas ngunit tumatagos sa puso na tunog ng byolin at ang tahimik at mas malambot na tono Uilleann pipes.

Mula sa mga siwang ng bintana sa bawat may kayang kabahayan sa kalye ng Dublin ay lumalabas ang mabangong samyo ng kumukulong sinabawan na gawa sa karne ng tupa o kambing, isa sa tradisyunal na pagkaing hinahain sa pagdiriwang. Hindi rin pahuhuli ang umaakit sa pandinig na malutong na tunog ng bacon sa sariwang repolyo, habang pinasasabik naman ng makarneng amoy mula sa espesyal na empanada na gawa sa tupa at patatas ang dila ng mga bisita na perpektong ipares sa nag-aagaw na pait at tamis ng pulang alak.

Ngunit kung mayroon mang pinakainaabangan ang mga tao sa araw ng pagdiriwang, iyon ay walang iba kundi ang parada na pangungunahan ng mga sundalo mula sa hukbong-katihan ng Dublin. Nakasuot sila ng pormal na uniporme na kumpleto sa dekorasyon tulad ng espada at baril habang nakasakay sa makikisig at sinanay na mga kabayo. Nagtitipun-tipon sa magkabilang gilid ng kalsada ang mga tao, kumakaway sa mga sundalo't pumapalakpak dahil sa pagkabilib.

Ngunit hindi kabilang sa mga taong ito ang batang si Fiann.

"I-ikaw?"

Naroon siya sa lugar na iyon hindi para magsaya. Ngunit sa lugar na iyon niya natagpuan ang taong makakatulong sa kaniyang problema.

"I-ikaw nga, Kuya Allan!"

Napaatras ng bahagya ang binatang tinawag ni Fiann sa pangalan na Allan. Kitang kita sa namilog niyang bughaw na mga mata ang pagkagulat dahil sa 'di inaasahang pagkikita nila ng batang si Fiann sa siyudad ng Dublin.

"Fiann?" kinilala naman ng binatang si Allan ang bata. Tinanggal niya ang kaniyang suot na itim na sombrero hanggang sa mahayag ang kaniyang pagkakakilanlan sa bata. "Anong ginagawa mo rito?"

Hindi masagot ni Fiann ang tanong ng lalaking nagngangalang Allan dahil nasasapawan ang boses nila ng ingay dulot ng malalakas na palakpakan at halo-halong boses ng mga taong abala sa panonood ng dumaraang parada. Mabilis ang pagkapal ng tao sa lugar at hindi na mabuti para sa kanilang dalawa ang mag-usap sa ganoong kaingay na kapaligiran.

"Halika," pagyaya ni Allan sa batang si Fiann. "Mag-usap tayong dalawa sa mas tahimik na lugar."

Kaya naman minabuti ni Allan na dalhin si Fiann sa mas tahimik na lugar kung saan maaari silang makapag-usap. Sakto naman na noong papasok na silang dalawa sa isang liblib na eskinita ay nakita sila ng binatilyong si Lorcan na kanina pa naghahanap sa batang si Fiann.

Rowan's OdysseyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon