— Angel —
Hindi ako nakatulog nang maayos. Nahirapan akong makatulog kagabi kakaisip kay Cassandra. Grabe ‘yung sakit sa dibdib ko no’ng nalaman kong nabangga raw siya. Alam ko na agad na may hindi magandang mangyayari dahil doon, lalong lalo na sa baby niya.
Sobrang nakakaawa ang kaibigan ko lalo na noong inililibing na ang baby niya. Ramdam at kitang kita ko kung gaano niya kamahal ang anak niya. Kung may magagawa lang sana ako para maibalik ‘yon, pero wala e. Walang wala, hindi naman ako Dios.
Napatakip na lang ako sa mukha ko habang kumakain mag-isa sa bagong apartment na nilipatan ko. Pati yata paglunok nitong kinakain ko, nahihirapan na ‘ko.
Ano kayang ginagawa ni Cass ngayon? Nag-away kaya ulit sila?
‘Tang ina naman kasi ni Bryan, sinisi pa talaga ang kaibigan ko. Kahit wala ako ro’n sa lugar kung saan siya nabangga, alam kong wala siyang kasalanan doon. Bangga nga e, aksidente! At sinong ina ang gugustuhin ‘yon, ha?
Nag-ayos na ako ng sarili ko para puntahan si Cass. Hindi na lang ako papasok, mas kailangan niya ako. Nag-doorbell agad ako pagkarating ko sa bahay nila. Si Ana ang nagbukas ng pinto na parang ang tamlay-tamlay, hindi kagaya dati na napakasigla niya. Bagsak na bagsak ang balikat niya at malamnay ang tingin.
“Ma’am Angel.” Pinilit niyang ngumiti.
“Ana, bakit?” kunot noong tanong ko.
Sumimangot siya at sumilip sa loob ng bahay. “Pasok ka muna po.” Binuksan niya nang malaki ang pinto at nagbigay ng daan sa ‘kin.
Pumasok ako at tumingin sa paligid. Masyadong tahimik kaya nilingon ko si Ana.
“Nandito ba si Bryan?” Umiling siya na ikinatango ko, malamang pumasok na ang kupal na ‘yon. “Si Cass? Tsaka Ana, ba’t ba parang ang tamlay mo?” biglang tanong ko.
Napakamot siya sa ulo niya. “Sorry po, ma’am. Si Ma’am Cassandra po kasi, e.”
Nagsalubong ang kilay ko at agad na naglakad paakyat. “Bakit? Ano’ng nangyari sa kaniya?” Nagmadali tuloy ako sa pag-akyat.
“Ayaw niya po kasing lumabas ng kuwarto, kanina pa po siya umiiyak doon.”
Napabuntong-hininga na lang ako at pinuntahan ang kuwarto nila pero itinuro ni Ana na nasa kabila si Cass.
“Cass?”
Binuksan ko ang pinto. Nagkatinginan kami ni Ana matapos naming makita na nakaupo lang si Cass sa baba, sa gilid ng kama, habang yakap ang mga binti niya at tahimik na umiiyak. Napatakip ako sa bibig ko dahil ang bigat sa pakiramdam na makita ang itsura niya. Inabot ko muna kay Ana ang bag ko at dahan-dahang nilapitan si Cass.
Hindi niya man lang ako tiningnan o pinansin. Nagsimulang manubig ang mga mata ko no’ng nakita ko na nang malapitan ang mukha niya. Ang putla-putla niya. Magang maga na ang mata niya at pawis na pawis. Parang wala rin siyang tulog kaya mabilis ko na siyang niyakap kasabay ng pagtulo ng luha ko.
“Cass, bakit naman ganiyan? Kailangan mong kayanin lahat ng ito,” umiiyak na bulong ko pero naramdaman ko ang pagtulak niya sa ‘kin kaya napalayo ako.
“Huwag kang lumapit sa ‘kin! Kinuha mo ang baby ko! Ibalik mo ang baby ko!”
Pinahiran ko muna ang mga luha ko bago siya sinubukang hawakan at lapitan ulit pero tinabig niya lang ang kamay ko.
“Cass, calm down. Tara na, bumaba ka na, kumain na tayo. Kailangan mong magpalakas,” mahinang sabi ko na parang sinusuyo siya.
Hindi siya sumagot at sa malayo lang nakatingin habang nakapatong ang ulo sa tuhod niya. Napapikit na lang ako at huminga nang malalim.
BINABASA MO ANG
I'm His Wife (PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONS)
Romance(Revised Version) Fixed marriage- isang pagkakasundo na hindi inakala ni Cassandra'ng ginagawa pa rin pala sa panahon ngayon. Dinala niya ang apelyido ni Bryan Angeluz Caranza. Naging maganda ang pagsasama nila bilang mag-asawa hanggang sa natu...