— Cassandra —
“Cabbry, Cassidy, and Bryle, ang mga prinsesa at prinsipe ng buhay ko,” nakangiting ani ko habang nilalaro ang mga anak kong nasa kama.
Isang linggo na ang nakalipas simula noong nanganak ako. Sobrang hirap ng paglabas ko sa kanila dahil tatlo sila at nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi niya ako pinabayaan, kinaya ko ang tatlo.
Hindi ko rin inakala noon na tatlo pala ang laman ng tiyan ko. Kahit gaano pa kasakit ang ginawa sa ‘kin ng ama nila, masaya naman akong naging bunga pa rin namin sila. Tatlo pa talaga!
“Cass! Nandito na kami!”
Napalingon ako sa pinto ng kuwarto, kasabay ng pagbukas niyon at pagpasok ni Angel. Kasama niya si Frenz at ang dami nilang dalang paperbags.
“Hello, babies! Nandito na ang maganda n’yong ninang!” Ibinaba niya ang mga dala niya at lumapit sa mga anak ko.
Tumayo ako at hinayaan na muna siya ro’n. Lumapit ako kay Frenz at ngumiti.
“Ngayong nanganak ka na, anong balak mo? Hindi ka pa rin na babalik sa Maynila?” tanong niya na ikinailing ko. “Iniisip ni Bryan na nilalayo mo sa kaniya ang mga anak niya.”
I sighed. Hindi ko naman tinatanggalan ng karapatan si Bryan sa mga anak namin, makikita niya rin sila pero hindi pa ngayon.
“Sila pa rin ba ng babae niya?” tanong ko na agad niyang ikinailing.
“Matagal na silang wala. Hindi ko pa nasasabi sa ‘yo ito, nakunan nga pala si Shane no’ng two months na pagbubuntis niya.”
Hindi ako nakaimik sa binalita niya. Hindi ako natutuwa sa narinig ko dahil alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng anak pero naiisip ko rin na baka ayun ang karma niya sa pang-aagaw niya ng asawa.
“Iniisip ni Bryan na may relasyon kayo ni Real.”
Nangunot ang noo ko. “Ano? Bakit? Alam niya ba kung nasaan ako? Alam niya ba na pumupunta rin si Real dito?”
Isang buwan simula no’ng lumipat kami rito sa Iloilo ay nahanap agad kami ni Real. May resthouse raw kasi siya rito. Hinayaan ko siyang bumisibisita basta wala siyang pagsasabihan na nandito kami.
Dahan-dahang tumango si Frenz sa mga tanong ko.
“Oo, e. Kailan ko lang din nalaman. Sabi niya, nakita niya raw kayong naghahalikan noon.”
I tsked.
Kung alam niya, bakit hindi siya nagpapakita? Alam niya sigurong pagtatabuyan ko lang siya.
“Hinalikan nga ako ni Real noon pero sinampal ko siya pagkatapos. Wala kaming relasyon. Hinding hindi na ulit ako magmamahal ng lalaki, ibibigay ko lang ang lahat ng pagmamahal ko sa mga anak ko.”
Sa mga anak ko lang.
Simula no’ng nanganak ako, madalas nang pumupunta rito sina Frenz at Angel para tulungan na rin ako sa pag-aalaga. Hindi rin naman ako nahihirapan dahil nandito rin si Ana.
“Kamukhang kamukha mo talaga si Cassidy, Ate Cass. Si Bryle naman ay kamukha ni Sir Bryan tapos parang pinaghalong Cassandra at Bryan si Cabbry,” nakangiting sabi ni Ana habang tinititigan ang mga anak ko.
“Oo, Ana, kaya ayan ang mga pangalan nila.”
Isa-isa kong hinawakan ang mga kamay nila. Dalawang buwan na ang lumipas simula nang dumating sila sa mundong ‘to at sa buhay ko. Sila ang bumuo sa sistema ko, sila ang nagpabalik ng saya sa buhay ko, sila na ang buhay ko. Ang mga anak ko lang, sapat na.
BINABASA MO ANG
I'm His Wife (PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONS)
Romance(Revised Version) Fixed marriage- isang pagkakasundo na hindi inakala ni Cassandra'ng ginagawa pa rin pala sa panahon ngayon. Dinala niya ang apelyido ni Bryan Angeluz Caranza. Naging maganda ang pagsasama nila bilang mag-asawa hanggang sa natu...