— Cassandra —
“Misis, mapapabilis po ang kaso dahil umaamin ang akusado sa kasalanan niya.”
Napatayo ako sa sinabi ng pulis. Nandito na kami ngayon sa presinto. Halos tumalon ang puso ko sa sinabi niya. Medyo hindi lang ako makapaniwalang umamin si Shane.
“C-Cass, makukuha na natin ang hustisya,” sabi ni Bryan na kasama ko rito kaya napalingon ako sa kaniya.
Kinunotan ko siya ng noo at inismiran. Nawala naman ang ngiti niya.
“Salamat, Chief,” tanging sabi ko at naglakad na palabas ng presinto.
“Cass! Mag-usap naman tayo!”
Nakasunod na naman si Bryan. Nakakainis talaga ang lalaking ‘to. Oo, nakakatuwang malaman na malapit ko nang maabot ang hustisya para sa una kong anak pero may parte rin siya sa kasalanang ‘to.
“Cass—”
“Kung hindi mo siya binigyan ng pag-asa noong una pa lang, kung hindi ka nagpadala at pinatulan siya, hindi niya magagawa ‘yon! Hindi niya ako sasagasaan para makunan!”
Napaatras siya sa sigaw ko. Masama ko siyang tinitigan at dinuro.
“Ikaw! Isa ka sa may kasalanan kung bakit nagawa ‘yon ni Shane.”
Oo, sinisisi ko siya. Hayop silang dalawa.
Kumislap ang mga mga mata niya, may nagbabadyang luha. Suminghap siya at tumango-tango.
“Tama ka…” mahina niyang sabi. Napahinga naman ako nang malalim nang tumulo ang luha niya. “Kaya nga humihingi ako ng tawad sa ‘yo. Gusto kong bumawi.”
Umiwas ako ng tingin at umiling. “Bumawi ka kung gusto mo pero kahit anong pagbawi pa ang gawin mo, hinding hindi na tayo magkakabalikan pa.”
Mabilis akong naglakad patungo sa sasakyan ni Frenz. Dumating din kasi sila ni Angel dito. Pumasok ako sa loob at sinilip si Bryan na nakatayo pa rin doon sa labas.
“Oh, anong nangyari?” tanong ni Angel.
“Sa bahay na lang.”
Nakatingin dito sa sasakyan si Bryan. Napahilamos siya sa mukha niya at tumalikod na rin.
Tumingin ako sa harap at bumuga ng isang malalim na hininga.
Wala na, Bryan. Kaya pa kitang patawarin pero hindi ko na kayang makasama ka ulit.
Pagkauwi namin, doon ko kwinento sa kanila ang buong nangyari. Napa-facepalm pa si Angel nang nalaman niyang magkapatid kami ni Shane.
Kahit ako rin ay hanggang ngayon pina-process pa sa utak ko ang katotohanang ‘yon. Bakit sa dinami-rami ng babae, kapatid ko pa? Kapatid ko pa ang ahas, ang kabit, at ang mamamatay sanggol sa sinapupunan.
“Grabe talaga ang mga ganap sa buhay mo, Cass!” asik ni Angel at umupo sa tabi ko. “Ang mahalaga ay nakulong na ang Shane na ‘yan.”
Tumango ako at ngumiti. “Oo at wala na akong pakialam kung hindi ulit siya makakasama ng mga magulang ko. Kasalanan niya ‘yan. Magdusa silang lahat.” Sumandal ako. “Nagsisimula na ang mga karma nila. Ang karma ng mga magulang ko sa hindi pagturing sa ‘kin na anak ay ang hindi makasama ang totoong anak na binuo nila pareho.”
Sabi ko na nga ba, hindi ko na kailangang maghiganti dahil Diyos na ang bahala sa kanila.
Kaya kong mag-isa ‘to kahit wala sila, basta nandiyan ang mga anak ko.
BINABASA MO ANG
I'm His Wife (PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONS)
Romance(Revised Version) Fixed marriage- isang pagkakasundo na hindi inakala ni Cassandra'ng ginagawa pa rin pala sa panahon ngayon. Dinala niya ang apelyido ni Bryan Angeluz Caranza. Naging maganda ang pagsasama nila bilang mag-asawa hanggang sa natu...