kabanata xviii

309 3 0
                                    

NAPAANGAT AKO ng tingin kay Cortez nang makita itong nakatayo sa harap ng mesang kinauupuan ko. May hawak na isang tray ang lalaki na ibinaba na nito sa mesa. Nakatingin at pinagmamasdan ko lang ito na seryosong inilagay sa harap ko ang isang plato na may kubyertos na at may laman nang kanin, ang isa namang plato ay sa kaniya. Inalis niya na rin ang binili niyang dalawang klaseng ulam mula sa tray maging ang dalawang baso na may tubig nang laman bago naglakad pabalik doon sa counter upang ibalik ang tray.

Nang makabalik na ito ay agad itong umupo sa kahoy na upuang nasa harap ko at pinagtuonan na lang ng pansin ang pagkain niya. Ni hindi ito nag-abalang sulyapan man lang ako kung nagsisimula na rin ba akong kumain. Kinagat ko ang ibabang labi ko at itinuon na ang tingin sa pagkain ko kahit na wala akong ganang kumain.

Tila walang buhay na hinahalo ko lang ang ulam sa kaning nasa plato ko at hindi man lang sumusubo kahit isang kutsara. Napakislot ako at biglang binundol ng kaba ang aking dibdib nang marinig ang tila pabagsak na binitawang kubyertos ni Cortez. Nagtatakang tiningnan ko siya, mabalasik at igting ang panga nitong nakatitig sa akin.

"Kung ayaw mong kumain huwag mong paglaruan iyan. You're just wasting the food," anito bago muling nagpatuloy sa pagkain niya. Sandali akong hindi nakaimik at napipilitan na lang na sumubo ng pagkaing nasa harapan ko.

Nakaupo na ako uli rito sa passenger's seat ng sasakyan namin habang hinihintay si Cortez na naki-banyo sa karenderya. Nakayuko ang ulo ko at pinagmamasdan lang ang magkahukpong kong dalawang kamay na pinaglalaruan ko.

Hindi nagtagal ay bigla na lang napabaling ang ulo ko sa driver's seat nang bumukas ang pinto roon at pumasok si Cortez. Ang mahigpit nitong hawak na cell phone ay inilagay niya sa ibabaw ng dashboard ng sasakyan nang maisara na nito ang pinto ng driver's seat.

Sinusian na nito ang ignition at pinaandar ang makina ng sasakyan bago bumaling sa 'kin ang tingin na seryoso ang ekpresyon saka igting na naman ang panga.

"Iuuwi na kita, I have to attend a meeting," wika nito at pinausad na ang sasakyan.

Saglit kong pinagmasdan muna ang mas lalo pang nadedepinang mukha ng lalaki dahil sa pag-igting ng panga nito at napahinga na lang ng malalim bago ibinaling ang tingin sa ibang direksyon.

Tahimik at hindi nag-uusap na nakarating kami sa harap ng bahay. Inalis ko na ang seatbelt ko at lumabas na ng kotse. Nang maisara ko na ang pinto ng passenger's seat ay agad na pinaharurot ni Cortez paalis ang kotse.

Naiwan akong nakatayo lang doon at hindi sinundan ng tingin ang sasakyan. Nangingilid na ang luha kong nakatingin lang ako sa bahay namin habang sunod-sunod ang paglunok sa pagpipigil ng luha.

Bumuga ako ng malalim na paghinga at tinungo na ang tarangkahan saka binuksan iyon. Hindi ko pa man tuluyang nabubuksan ang gate ay bigla na lang may tumawag sa pangalan ko. Kagyat akong napatigil at ibinaling sa kanang direksyon ko ang tingin dahil doon ko narinig ang boses.

Nakita kong tumatakbo papalapit sa 'kin ang ngiting-ngiti na si Devino. "Hey, Ferry!" Muling sigaw nito sa aking pangalan dahilan para magsalubong ang aking kilay.

Nang nasa harapan ko na ito ay humahangos pa ito mula sa pagtakbo na tiningnan ako at hindi pa rin naglalaho ang ngiti nito sa labi. Pagal nitong ipinatong ang dalawang palad sa kaniyang magkabilang tuhod habang nakatingin pa rin sa akin.

"Anong ginagawa mo rito, Devino? At kailangan mo pa ba talagang ipagsigawan ang pangalan ko? You could simply call me without shouting," seryoso ang boses na ani ko sa kaniya. Nagkibit lang ito ng balikat at umayos na ng pagkakatayo.

"Hindi mo 'ko maririnig kung basta lang kitang tatawagin. Ang layo mo kaya sa 'kin kanina!" May himig pang-aasar na saad nito at walang hiya akong inakbayan.

I Am Your Sin | R18+ | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon