MeMa#25: Okay Lang Yun

2 0 0
                                    


Pasensya ka na ah? Kung nangahas ako na isambulat sa iyo ang lahat ng niloloob ko. Pasensya ka na kung pinili kong maging masyadong komportable sa presensya mo sa kabila ng tagal na panahong wala akong narinig na anuman mula sa iyo. Pasensya ka na kung hinayaan kitang gawin at sabihin ang mga bagay na alam kong una, wala namang ibig ipakahulugan, at pangalawa, madadala na naman ako sa bingit ng alanganin. At pasensya ka na kung hinayaan kong magkaroon ka ng malaking espasyo dito sa puso ko.

Hinayaan kong mangyari ang mga ganitong bagay dahil sa maraming akala. Tama nga ang kasabihan, marami ang namamatay sa maling akala. Akala ko kasi, ayos lang na sabihin ko ang lahat-lahat sa iyo. Akala ko, matatanggap mo sa paraang hindi mo ako iiwasan. Akala ko, walang magbabago sa nasimulan na nating samahan. Akala ko, may nabubuo nang samahan. Akala ko lang pala ang lahat ng iyon.

Sa pagtatagni-tagni natin ng mga bagay-bagay, natunton natin ang mga katotohanang tayo ay nagkaroon ng kasaysayan ngunit wala nang kasalukuyan. Minsan napansin mo ako, napansin din kita, pero natuldukan na. May ikaw, may ako, ngunit walang tayo. Gusto kita, gusto mo ako, pero walang anumang nabuo. Minsan hinanap kita. Minsan hinanap mo ako. Pero walang natamo.

Mabigat sa pakiramdam na dalhin na minsan ay hinayaan kong ipakita sa iyo gaano  ako kahina. Na natuklasan mo kung gaano ako karupok sa maraming bagay. Malaking bahagi sa akin ang hanggang ngayon ay nagsisisi na sana natuto naman muna ako na tantyahin at kapain ang lahat. Na sana hindi ako nangahas na isambulat sa iyo ang lahat ng kahinaan ko. Na sana, nagtira manlang ako ng kahit kapirasong bagay na hindi inilahad sa iyo.

Pero nandyan na yan. At ang magagawa ko na lamang ay tanggapin ang lahat  at umusad sa buhay, na sa pagkakataong ito, malamang sa malamang, tuluyan nang wala ang tulad mo. Wala nang babalikan. Wala nang hanapan.

MeMa 2019Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon