JACKIE
Tumingala ako sa langit at nakita ang ulap na tumatakip sa kalangitan. Makulimlim ang panahon at mukhang uulan. Humalukipkip ako ng biglang umihip ang malakas na hangin. Inayos ko ang buhok ko at nilagay sa likod ng tenga ko ang ilang hibla na napunta sa aking mukha. Tahimik ang paligid at parang ako lang ang tao. Napatingin ako sa kapaligiran. Napakatahimik. Parang nakakahiyang bumahing dahil sa sobrang tahimik. Tumigil ako sa paglalakad ng sa wakas ay matunton ko ang pangalan ng hinahanap ko. Binaba ko ang hawak kong bulaklak. Yumuko ako at pinadaan ang daliri sa pangalan niya. Humugot ako ng malalim na hininga bago magsalita.
"Hi. Kumusta ka na?" Pagkausap ko sa nasa harapan ko. Mukha siguro akong tanga na kumakausap sa hindi naman sasagot. Pero ayos lang. Ako lang naman ang tao eh.
"Namimiss na kita." Mahina kong sabi. Napansin kong maiiksi ang mga damong nakapalibot sa puntod niya. Pinapanatili nilang malinis ang paligid na para bang araw araw ay may bumibisita upang maglinis. Naramdaman ko ang sari saring emosyon na nagsimulang mabuhay sa dibdib ko. Humugot ako ng malalim na hininga.
"Ikaw naman kasi eh. Ang daya mo. Bakit nang-iiwan ka?" Tumawa ako ng marahan para pigilan ang luha ko.
"Pasensiya na ha ngayon lang ako nakadalaw. Hindi ko kasi kayang makita ka sa ganitong sitwasyon. Parang ayaw ko rin kasing maniwala na wala ka na talaga." Bumuntong hininga ako at muling tiningnan ang lapida niya. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kung sino pa iyong mga may mabubuting loob ay siya pang unang kinukuha.
"Sinusubukan ko pa ring kalimutan iyong nangyari. Para akong bumalik mula sa umpisa. Pero may pag-usad naman na. Malaking tulong rin na hindi ako pinapabayaan ng mga mahal ko sa buhay. Tinutulungan nila akong makalimot." Ngumiti ako ng malungkot. Ngunit kahit na napapalibutan ako ng mga mahal ko sa buhay, madalas ay hindi pa rin ako pinapatahimik ng konsensiya ko. Bumalik ako sa mga panahon na walang araw na hindi ako binibisita ng mga nangyari sa nakaraaan. Para akong nilulunod nito. Ang hirap umahon.
Pumikit ako at dinama ko ang ihip ng hangin. Ang sarap sa pakiramdam ng katahimikan. Napakasaya sigurong mabuhay sa ganito katahimik na lugar. Alam ko nasa tahimik na siya. Iyong walang sakit. Walang gulo. Kahit na maaga siyang nawala sa amin ay panatag ang loob ko na nasa tahimik na siya kung nasaan man siya ngayon.
"Jackie?" Narinig kong tawag ng kung sino. Napalingon ako sa likuran ko. Napatayo ako kaagad ng makita kung sino ito. Halos isang taon na rin ng huli ko siyang makita.
"Janica." Sabi ko. Ngumiti siya ng matamis sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?" Tumingin siya sa likuran ko at malamang nakita niya ang bulaklak na kalalagay ko lang.
"Binibisita ko lang siya." Sabi ko sakanya sa mahinang boses. Hindi ko alam kung napatawad na ba kami ni Janica sa nangyari mahigit isang taon na ang nakalipas. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Nahihiya pa rin ako sakanya.
"Ikaw ha. Bakit ngayon ka lang bumisita? Alam mo ba dinadalaw ako ni Franco sa panaginip ko at tinatanong ka." Tumawa siya ng bahagya bago ako lagpasan. Hindi naman ako nakapagsalita. Pinanood ko siyang ibaba ang bulaklak na dala niya sa puntod ni Franco.
"Hi mahal." Bati niya. Pinadaan niya ang daliri niya isa isa sa letra ng pangalan ni Franco. Sumunod ay ang mahinang bulong. Kinakausap niya si Franco sa mahinang boses. Pakiramdam ko ay nakakaistorbo ako. Nais ko na silang iwan at hayaang magkaroon ng oras sa isa't isa pero nandito na siya eh. May dahilan kung bakit kami nagkita ngayon. Binigyan na ako ng Diyos ng pagkakataon para masabi ang matagal ko na ring gustong sabihin. Hindi ko na palalagpasin ito. Huminga ako ng malalim at gamit ang lahat ng lakas ng loob na naipon ko ay nagsalita ako,
"Janica...I'm sorry." Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang pagpatak ng luha ko.
Napansin kong napatigil si Janica sa pagbulong. Tumayo si Janica at muli akong hinarap. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay.