Ikaapat

160 14 17
                                    

Pagkababa ko ng calesa ay pumasok agad ako sa loob ng bahay. Bitbit ang maliit na kahon na may lamang mga mababangong papel na binili ko sa isang tindahan sa bayan ay dumiretso ako sa kwarto ko at isinara ito.

Solong anak lang ako dahil namatay ang ina ko sa panganganak sa akin. Mula pagkabata ay ang ama ko na lang ang nag-aruga sa akin. Siya lang ang nag-iisang nagtaguyod sa akin. Nagpapasalamat na lang ako at hindi na muling nag-asawa ang ama ko. At ngayong disiotso anyos na ako ay naiisip ko na siguro ay malungkot dahil isa siyang lalaki.

Binuksan ko ang bintana ng aking kwarto at inilapag ko sa maliit na lamesa ang pinamili ko.

Muli akong lumabas ng kwarto ko upang kumuha ng maiinom sa kusina. Tahimik ang buong kabahayan. Wala ang aking ama ngayon at nasa isang kasalan, nakumbida siyang maging isang ninong.

Nang makainom ako ng tubig ay muli akong pumasok sa kwarto ko. Naupo ako sa tapat ng lamesa at maingat na binuksan ang maliit na kahon.

Kaagad pumasok sa ilong ko amg mabangong amoy ng papel. Amoy rosas. Pumikit ako at muli itong sinamyo ang amoy rosas ng papel. Medyo mahal amg bili ko sa isanh kahon ng papel na ito. Galing pa daw ito sa Inglatera sabi noong may-ari ng tindahan. Imported kumbaga.

Kinuha ko ang itim na ballpen na binili ko din kasabay ng papel. Isinulat ko muna ito sa isang ordinaryong papel bago upang tingnan kung maganda ang sulat nito. Nang magustuhan ko ang sulat ng ballpen ay kumuha na ako ng mabangong papel at maingat na inilapag ito sa ibabaw ng lamesa sa harap ko.

Hindi pa ako nakakasulat ng kahit isang liham para sa isang dalaga kaya hindi ko alam kung saan o paano ako magsisimula. Unang beses ko itong gagawin.

Matagal kong tinitigan ang papel ngunit wala akong maisip na isulat. Pumikit ako at huminga ng malalim.

Pumasok sa gunita ko ang maamong mukha ni Dorina. Ang parang musika niyang tawa at ang matamis na tunog ng pagsasalita niya. Napamulat ako at magsimulang sumulat.

Enero 8, 1938

Mahal kong Dorina,

Nawa ay nasa maayos kang kalagayan sa oras na matanggap mo ang liham kong ito.

Nais kong ipaalam sa iyo na simula nang mapagsolo tayo sa terasa ng inyong tahanan at makausap ka ay hindi ka na mawaglit sa gunita ko. Bawat oras ay ang maamo mong mukha ang tumatakbo sa isip ko.

Huwag mo sanang bigyan ng masamang kahulugan ang liham kong ito dahil ipinapahayag ko lang ang tapat na nararamdaman ng aking kalooban.

Nawa ay muli kitang makita sa okasyon sa tahanan ng aking tiyahin. Nananabik ako na makita kang muli.

Sumasaiyo,

Arturo

Ibinaba ko ang ballpen at binasa kong muli. Hindi ko maintindihan kung bakit at paano naging madali para sa akin ang pagsulat ng pumasok sa isip ko ang maamong mukha ni Dorina.

Nang masiyahan ako sa sulat ko ay itinupi ko ito. Isinara ko ang bintana at lumabas ako ng bahay. Nang maisara ko ito ay nagmamadali akong naglakad papunta sa kalye Mabini.

Kumakabog ang dibdib ko sa gagawin kong ito. Sana naman ay umayon sa akin ang pagkakataon.

Matapos ang kalahating oras ay nakatayo na ako sa kabilang parte ng kalye Mabini, katapat ng malaking bahay nina Dorina. Nanghahaba ang leeg ko sa pagtanaw doon. Baka sakaling makita ko si Dorina.

Nawawalan na ako ng pag-asa nang dumating ang isang calesa at mula doon ay bumaba si Celia, ang pinsan ni Dorina. May bitbit itong bayong. Patakbo akong lumapit sa kanya ng makaalis ang calesa. Nagulat pa siya ng mamukhaan ako.

"Magandang hapon sa iyo Celia." bungad ko.

"Ganoon din sa iyo Arturo. Ano ang ginagawa mo dito?" Nagtatakang tanong nito. Panay ang lingon nito sa malaking bahay at sa paligid.

"Nandiyan ba si Dorina? Maaari ko ba siyang makausap?"

"Ha? Ano, pinagbabawalan kasi ni Donya Felicia si Dorina na makipag-usap sa iyo. Nakita niya kayong dalawa sa terasa noong piging dito sa bahay. Hindi niya nagustuhan na magkausap kayo."

Nalungkot ako sa narinig kahit na inaasahan ko ito.

"Maaari ba akong makiusap sa iyo Celia?"

Nagulat ang dalaga. Kita sa mukha nito ang kaba na baka may makakita sa amin. "Ano iyon Arturo? Baka kaya ko ang ipapakiusap mo."

Dinukot ko ang nakatuping sulat mula sa bulsa ko. Nangamoy rosas ang paligid. "Maaari mo ba itong maibigay kay Dorina?"

"Liham? Kay Dorina?" Nagdalawang isip ito na kunin ang sulat mula sa akin at nagpalinga-linga muna sa paligid. Nang matiyak na walang nakatingin sa amin ay mabilis na hinablot mula sa akin ang sulat at nagmamadaling pumasok sa loob ng gate at walang lingon na pumasok sa malaking bahay.

Author's Note:

Hindi pa man nagsisimula eh meron ng hadlang sa pagmamahalan nina Arturo at Dorina. Tsk! Tsk! Tsk! Tsk!

Maipaabot kaya ni Celia ang love letter ni Arturo para kay Dorina? Abangan nyo po!

Salamat sa bumabasa nitong LLOSP! I love you na.

Please leave comments! Wag kayong mahihiya na ipaabot ang message nyo. Salamat ng marami!

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon