Dalawampu't-lima

78 4 5
                                    

"Sinasabi ko na nga ba!" Sigaw ni Don Gonzalo.

Mabilis kong isinara ang pinto.

"Sa likod!" Wika ni Itay.

Mabibilis ang kilos namin. Hawak ang kamay ni Dorina ay tumakbo kami sa kusina at mabilis na lumabas ng pinto. Pusikit ang dilim sa paligid at wala kang makikita maliban sa nasa harapan mo.

"Sumunod kayo sa akin. Dito!" Mahinang wika ni Itay. Dahil sa lugar na ito kami lumaki, kabisado namin ni Itay ang gubatan sa likod-bahay namin. Alam namin ang pwesto ng mga halaman at puno dito.

"Dorina!" Narinig naming sigaw ni Don Gonzalo. Umalingawngaw sa dilim ang boses niya.

"Sa gubat! Sa likuran! Bilisan nyo!" Narinig ko pang sigaw ng isa pa.

"Si Felipe! Anong gagawin natin?" Naiiyak na wika ni Dorina.

"Kailangan nating tumakbo para hindi nila tayo maabutan!" Kumaripas kami ng takbo kahit pa sumasabit ang mga talahib, sanga at dahon ng puno sa mukha, braso at binti namin.

"Halughugin ninyo! Bilis!" Napalingon kami sa sigaw ni Don Gonzalo. Lumakas ang kaba ko ng makita ko ang limang liwanag na nagmumula sa kanila.

"Bilisan nyo! May dala silang flashlight!" Sigaw ko.

"Bilis!Hayun sila!" Sigaw naman sa likod namin. Nakito na mabilis ang pagtakbo nila dahil papalapit na sa amin ang liwanag ng ilaw ng flashlight nila.

"Dito tayo! Bilis!" Wika ni Itay. Lumiko kami sa isang kumpol ng mga puno at bumulwag kami sa isang kalsada. Nakasilip ang maliwanag na buwan kaya natanglawan kami.

"Bilisan natin at makikita nila tayo dahil sa buwan!" Tumakbo kami ni Dorina. Paglingon ko ay nakita kong nakatayo lang si Itay sa lugar na nilabasan namin.

"Itay! Tayo na! Maaabutan nila tayo!" Nakita ko na papalapit na ang mga ilaw ng flashlight.

"Tumakbo na kayo anak! Ililigaw ko sila para makalayo kayo kaagad!" Iyon lang at bigla itong bumalik sa gubat kung saan kami bumulwag.

"Itay! Bumalik kayo dito! Itay!" Tumakbo ako pabalik kay Itay ng pigilan ako ni Dorina.

"Arturo! Tayo na! Ililigaw sila ng Itay mo! Arturo!"

"Hindi! Si Itay, Dorina! Baka kung anong gawin nila sa kanya!"

Binitiwan niya ako at tumakbo papunta sa pinasukan ni Itay. Nakatayo lang si Dorina sa gitna ng daan.

Papasok na sana ako sa gubatan nang makita ko ang liwanag ng flashlight at mga boses ng mga humahabol sa amin.

"Hayun! Hayun! Paputukan nyo!" Narinig kong sigaw ni Felipe.

Napaupo ako ng umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril. Nanlaki ang ulo ko sa realisasyon. Si Itay!

"Paputukan nyo pa!" Sigaw muli ni Felipe.

Muling umalingawngaw ang mga putok ng baril sa direksyon na tinakbo ni Itay.

Maya-maya ay sinundan ko ang pagtakbo ng mga nakaflashlight. Lumiko sila sa kaliwa. Ilang dipa ang layo ko sa kanila upang hindi nila ako makita. Sinundan ko sila.

Makalipas ang ilang sandali ay tumigil sila sa isang puno at tinanglawan ang duguang lalaki. Pinigil ko ang sarili ko na sumugod at mapasigaw sa nakita ko.

Nakasandal sa puno si Itay at duguan ang hita niya.

"Hindi talaga kayo marunong pagsabihan ano? Iisa talaga ang ugali ninyong mga hampaslupa." Lumapit si Don Gonzalo kay Itay. "Nasaan sila?"

"Bakit ko sasabihin sa iyo? " Wika ni Itay. Dinuraan nito sa mukha ang Don. Sinuntok nito si Itay.

Kinuyom ko ang kamay ko. Wala akong laban sa baril nila kung basta basta na lang akong susugod sa kanila.

"Hindi mo sasabihin kung nasaan sila? Kung patayin kaya kita?" Sugod ni Felipe kay Itay at tinutukan nito ng baril ang ulo ni Itay.

"Kahit anong gawin mo, hindi ko sasabihin kung nasaan sila. Wala akong takot sa baril ninyo." Matapang na wika ni Itay.

"Ganoon?!" Tumawa si Felipe at sumigaw. "Kung saan man kayo nagtatago Arturo, lumabas na kayo! Kung hindi, papatayin ko ang ama mo!"

Tumago ako sa pwesto ko. Kailangang makaisip ako ng paraan.

"Isa!" Bilang ni Felipe, ang baril ay nakatutok sa ulo ni Itay. "Dalawa!"

Bumibilis ang kabog ng dibdib ko. Anong gagawin ko? Kailangan kong umisip ng paraan!

Dumampot ako ng isang malaking bato sa paanan ko nang marinig ko ang malakas na putok ng baril.

AUTHOR'S NOTE:

Masakit man sa loob ko eh malapit nang matapos ang istoryang ito nina Arturo at Dorina. Ihanda nyo na ang mga panyo at maSHOCK sa mga susunod na eksena.

Wag nyo po akong awayin kung sa ganito magtatapos ang kwentong ito ha?

Abangan ang last 10 Chapters! Siksik sa ACTION at DRAMA!

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon