Ikalabing-tatlo

99 7 10
                                    

"Makapitong bese mo bang napag-isipan ang desisyon mong iyan?" Matamang nakatitig sa akin si Itay.

Nakaupo kami ngayon sa upuang kawayan sa labas ng bahay namin. Pusikit ang dilim sa paligid kahit na paminsan-minsan ay sumisilip ang bilog na buwan sa makakapal na ulap. Maririnig mo din ang maingay na huni ng mga kuliglig at iba pang panggabing insekto. Sa di kalyuan naman, sa bukana ng gubat sa likod bahay namin ay maririnig mo ang huni ng kuwago at paniki. Paminsan-minsan din ay may isang asong kumakahol sa labasan.

Nang makarating ako sa bahay kanina matapos kong iwan ang sulat para kay Dorina sa kumpisalan sa simbahan ay nagdesisyon ako na sabihin kay Itay ang nangyari at binanggit sa akin ni Dorina sa liham niya.

Matapos kumain ay niyaya ko si Itay na maupo sa labas ng bahay. Pumayag naman siya at kanina nga ay ikinuwento ko sa kanya ang lahat. Mula sa pagtataboy sa akin nina Don Gonzalo at Donya Felicia palabas ng bahay nila nang mangharana ako kay Dorina hanggang sa pagdating ni Felipe at kung ano ang papel niya kay Dorina.

Tulad noong bata pa ako, tahimik lang na nakikinig si Itay. Hindi siya nagsalita kahit isa habang nagkukwento ako. Hindi siya sumisingit, basta lang siyang nakikinig.

"Hindi ko ho makakayanan kapag naipakasal si Dorina kay Felipe, Itay. Kailangan ko hong gawin iyon. Ang itanan si Dorina lang ang nakikita kong paraan upang hindi masunod ang gusto nina Don Gonzalo at Donya Felicia." Pagtatapos ko ng mahabang istorya. Hindi ako nagdalawang-isip na sabihin kay Itay ang plano ko.

Noon lamang nagsalita si Itay.

"Natutuwa ako anak at may lakas ka ng loob na ipaglaban ang pagmamahal mo para kay Dorina. Pero ang tanong ko lang ay, napag-isipan mo na ba ito ng mabuti?"

"Opo, Itay. Buo na po ang pasya ko. Magkikita kami bukas ni Dorina sa simbahan at sasabihin ko sa kanya ang plano ko. Alam kong papayag siya dahil nagmamahalan kami." Buong kumpiyansang sagot ko.

"Pero paano sina Don Gonzalo at Donya Felicia? Siguradong hindi iyon magsasawalang-kibo oras na natuloy ang plano mo. Gagawa at gagawa ng paraan ang mga iyon." Bakas sa boses nito ang pag-aalala.

"Isa din iyon sa iniisip ko Itay pero saka ko na iyon gagawan ng paraan. uunahin ko muna ang paglalahad ng plano ko kay Dorina."

"Pero, Arturo, hindi mo basta pwedeng isawalang-bahala iyon. At paano ang lalaking ipinagkasundo kay Dorina?"

"Si Felipe ho?"

"Oo, siya na nga. Makakatiyak ka ba na hindi ito aayon sa mga magulang ni Dorina? Sabi mo nga ay mayaman si Felipe kaya nakasisiguro akong gagawa din ito ng paraan upang matuloy ang kasunduan sa pagitan ng pamilya nila."

"Hindi naman ho siguro Itay. Mukha namang mabait si Felipe."

"Pero hindi mo pa din masasabi anak. Laki siya sa Amerika hindi ba? Mas lalo kang dapat na mag-ingat sa kanya anak."

"Saka ko na iisipin ang mga iyan Itay. Kailangan ko munang makausap si Dorina."

Narinig ko ang malalim niyang paghinga.

"Kung nabubuhay siguro ang Inay mo, matutuwa iyon. Makikita niya ang dedikasyon mo na ipaglaban ang pagmamahalan ninyo ni Dorina." Malungkot itong ngumit.

"Sigurado din ako Itay na kung makikita ni Inay si Dorina, mauunawaan niya kung bakit ko ito ginagawa. magugustuhan din niya si Dorina. Tiyak na magkakasundo sila."

Inakbayan ako ni Itay. Ramdam ko na mas lalong tumibay ang pagiging mag-ama namin.

"Hangad ko ang kaligayahan at kaligtasan ninyo ni Dorina, anak. Ang mga pagsubok na ito ay malampasan nawa ninyo."

"Salamat, Itay. Salamat."

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon