Ikalabing-anim

89 4 4
                                    

Magkahawak-kamay pa rin kami ni Dorina habang nakaupo sa isang konkretong upuan sa likod ng simbahan kung saan may hardin na nakapalibot sa isang grotto.

Malilim ang paligid dahil sa malalaking punong narra na nakapalibot sa hardin. May mga paru-paro at tutubi na malayang nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak. Mayroon din ilang bubuyog na nakikihalo sa mga ito.

Ang mga bukwit naman ay palipat-lipat sa pagdapo sa mga puno ng bayabas sa dakong kanan namin. Mahihinuha mong masaya ang mga ito dahil sa hindi magkamayaw na huni nila.

Ang sariwang hangin ay paminsan-minsang umiihip na nagiging sanhi ng paggalaw ng mga halaman at puno. Ito ang perpektong lugar upang makapag-usap kami ni Dorina. Tahimik at tago sa iba. Malaya kaming makakapag-usap.

"Mabuti naman at nakarating ka Dorina." Sabi ko sa kanya habang nakatitig sa kanya. Hindi ko pa din mapaniwalaan na magkasama kaming dalawa ngayon.

"Tumakas lang ako kay Papa, Arturo. Hindi ko naman kasi inaasahan ang laman ng liham mo nang makuha ko ito kaninang umaga." Paliwanag nito. Nakatitig din siya sa akin.

Alam namin na kapwa kami nasasabik na makita ang isa't-isa. Na magkausap.

"Ganoon ba? Ipagpaumanhin mo sana, Dorina pero hindi ko na alam ang gagawin ko ng mabasa ang sulat mo kahapon."

Inilahad ko sa kanya ang pagkikilala namin ni Felipe. Ang kaugnayan nito sa pagpapagawa ng silid-aralan.

"Ganoon ba?" Nalulungkot na wika ni Dorina. Ang maamo niyang mukha ay balot ng pag-aalala.

"Pero huwag kang malungkot Dorina. Kaya ginusto kong makipagkita sa iyo ngayong hapon ay dahil may naisip akong paraan upang hindi matuloy ang kasunduan sa inyo ni Felipe."

"At ano naman iyon Arturo?" Nabuhayan bigla ang bumakas sa mukha niya. "Sabihin mo."

"Nais ko sanang itanan ka Dorina. Nais kong ilayo ka sa kasunduan ng mga magulang mo kay Felipe."

"Itanan? Pero Arturo! Isa itong kahibangan!" Nababahalang wika niya.

"Alam kong kahibangan ito Dorina pero mas nanaisin ko pang mahibang kaysa mawala ka sa akin at ipakasal kay Felipe!"

"Pero paano sina Papa? Alam mo na  maaari silang gumawa ng paraan upang mabawi ako oras na sumama ako sa iyo!"

"Kaya kong harapin ang mga magulang mo Dorina, basta alam ko na kasama kita, na nasa akin ka. Mas hindi ko maaatim na mawala ka nang wala man lang akong ginawa upang maipaglaban ka." Mahabang pahayag ko.

Hinaplos ni Dorina ang mukha ko. Dama ko ang init mula sa kanyang palad.

"Alam mong mahal na mahal kita Dorina. Hindi ko kayang mawala ka." Wika ko pa.

"Mahal na mahal din kita Arturo. Mahal na mahal din kita."

Hinawakan kong muli ang dalawang kamay niya at hinalikan ko ito.

"Kung gayon ay sumama ka na sa akin Dorina. Pumayag ka na sa suhestiyon ko. Ilalayo kita dito at magsasama tayo hanggang sa huli."

"Pero paano tayo mabubuhay Arturo? Ang hanapbuhay mo ay nandito."

"Huwag mong intindihin iyon Dorina. Kakayanin ko kahit na ano basta kapiling lang kita. Pag-aaralan ko ang ibang klase ng hanapbuhay. Bubuhayin kita ng marangal."

"Oh Arturo! Paano ba ito?"

Tinitigan ko siya at nagtama ang aming paningin.

"Ano ang desisyon mo Dorina?"

Huminga siya ng malalim at umiwas ng tingin sa akin. Binitiwan niya ang kamay ko at tumalikod sa akin, humarap sa grotto.

"Hindi ko alam ang kahihinatnan ng lahat ng ito Arturo," Humarap siya sa akin. Bakas sa mata niya ang nagbabadyang luha. "pero sasama ako sayo. Isusugal ko ang lahat para sa pag-ibig natin Arturo."

Parang lumundag ang puso ko sa sinabi niya. Niyakap ko siya ng mahigpit. Gumanti naman siya ng yakap sa akin.

Sabay kaming mapalingon ni Dorina nang marinig namin ang nagmamadaling yabag mula sa entrada ng hardin. Humihingal si Rodrigo habang papalapit sa amin.

"Si Don Gonzalo, kasama ang tatlong tauhan niya! Nasa labas sila ng simbahan at mukhang may  importanteng hinahanap! "

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon