Dalawampu't-pito

73 4 2
                                    

"Kailangan nating gumanti sa krimen na ginawa nila! Mga demonyo sila! Pinatay nila si Kuya Manolo!" Umiiyak na wika ni Tiya Adelina.

Nang makarating kami sa bahay nina Rodrigo ay tahimik na ang lahat. Nang makita ko ang relong pambisig ko ay nakita kong pasado ala-una na ng madaling araw.

Matapos bayaran ang calesa ay pumasok kami sa bakuran at kumatok sa pinto.

Ang pupungas-pungas na si Tiya Adelina ang nagbukas sa amin ng pinto. Nawala ang antok nito ng makita ang kalagayan namin ni Dorina.

Mabilis kami nitong pinapasok at nang makaupo kami ay ginising si Rodrigo at Raymundo. Nang hainan kami ng kape ay ikinuwento ko sa kanila ang nangyari.

Muling pumatak ang luha ko habang inilalahad ang nangyari kay Itay.

"Tama si Inay. Kailangan nating maiganti si Tiyo Manolo." Tiim-bagang na wika ni Raymundo.

"Napag-isipan ko na iyan Raymundo. Isusuplong ko sila sa mga pulis oras na makarating kami ni Dorina sa Maynila. Alam ko na matutulungan kami ni Pangulong Quezon." Paliwanag ko.

"Pero paano kung hindi? Kailangang tayo ang kumilos!" Wika ni Rodrigo.

"Nais ko man ay ayaw kong manganib pa kayo. Hindi ko na kayang maranasan ninyo ang ginawa nila kay Itay. Hindi natin kailangang ilagay sa palad natin ang batas. Ilalapit natin ito sa kinauukulan."

"Tama si Arturo mga anak. Kailangang mga opisyal ang magparusa sa kanila." ani Tiya Adelina.

Walang nagsalita sa magkapatid. Madilim ang mukha ng mga ito at bakas ang pinipigil na galit.

"Ang kailangan nating gawin ay kunin ang bangkay ni Kuya Manolo upang mabigyan natin siya ng maayos na libing." wika ni Tiya Adelina. Muli na naman siyang umiyak.

"Anong plano ninyo ni Dorina, ha Arturo?" Tanong ni Rodrigo.

"Kapag nailibing na si Itay ay kailangan namin na lumuwas kaagad papunta sa Maynila. Mahirap na at baka makatunog sila Don Gonzalo na nandito kami."

"Kung ganoon ay kami na ang bahala sa pag-aasikaso ng libing ni Tiyo Manolo." wika ni Raymundo.

"Maraming salamat."

"Hala. Pumasok na kayo sa kwarto at nang makapagpahinga kayo. Kami na ang bahala kay Kuya Manolo." Wika ni Tiya Adelina.

Dinala kami nito sa isang kwarto na ipinapagamit sa mga bisita. Nang maisara ang pinto ay magkatabi kaming nahiga ni Dorina. Nakayakap siya sa akin.

Makalipas ang ilang sandali ay narinig ko ang mahina at mabagal na paghinga ni Dorina. Nang sulyapan ko siya ay malalim na ang tulog niya.

Tumingin ako sa kisame at pinadaloy ko ang luha ko. Tanda ng pagdadalamhati kay Itay.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon