Tatlumpu't-isa

77 4 2
                                    

Bigla ang naging pagmulat ko ng mata. Inalis ko ang yakap ko kay Dorina at sinipat ang aking relong pambisig.

Alas-dose.

Dahan-dahan akong bumangon at nagsuot ng damit ko. Nakita kong gumalaw si Dorina. Umayos siya ng pwesto.

Hindi ko siya ginising. Mamaya na lang bago kami umalis.

Napangiti ako nang maalala ang pinagsaluhan namin. Mamaya na lang. Alam kong napagod siya.

Lumabas ako ng silid bitbit ang mga bagahe na iginayak ni Dorina at bumaba sa sala kung saan nakahiga si Rodrigo sa isa sa mahabang kawayang sofa doon.

"Rodrigo?" Tinapik ko siya sa paa. Napakislot siya. "Gising Rodrigo"

Maya-maya ay nagmulat siya ng mata. Makalipas ang ilang sandali ay inot-inot siyang bumangon.

"Anong oras na ba?" Tanong niya.

"Alas-dose na." Sagot ko. Pumunta ako sa kusina at nagsimulang magtimpla ng kape. Sumunod sa akin si Rodrigo at naupo sa isang silya doon.

"Si Dorina?"

"Tulog pa. Hindi ko muna ginising. Mamaya na lang kapag aalis na tayo." Inabot ko kay Rodrigo ang isang tasa ng kape at umupo sa silya. Sabay kaming humigop ng kape.

Makalipas ang ilang sandali nang pagkakape ay sabay kaming lumabas ng bahay upang ikabit ang calesa sa kabayo. Bitbit ko ang mga bagahe namin. Nararamdaman ko ang itim na kahon sa loob ng bag ni Dorina.

Lumiko kami sa kanang bahagi ng bahay kung saan nakatali ang kabayo. Inalis ni Rodrigo ang tali nito at inakay ang kabayo papunta sa labas ng bakuran kung saan nakaparada ang calesa. Inilagay ko ang bagahe namin ni Dorina sa loob ng calesa at nagsimula nang ayusin ang kabit nito sa kabayo.

Ikakabit ko na sana sa balikat ng kabayo ang isang tali nang mapansin ko na natigilan si Rodrigo.

Nilingon ko ang bahagi kung saan siya nakatingin nang tumigil ang tibok ng puso ko dahil sa pinaghalo-halong galit at takot.

"Akala nyo ba ay ganoon lang kadali na takasan ako? Napakarami kong galamay sa lugar na ito!" Punong-puno ng galit ang boses ni Don Gonzalo, kasama si Felipe at ang apat na lalaking humabol sa amin.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon