Dalawampu't-tatlo

77 4 2
                                    

Mahal kong Arturo,

Natanggap ko ang liham mo. Palihim itong ibinigay sa akin ni Celia nang magdala siya ng pagkain ko kagabi.

Huwag kang mag-alala sa kalagayan ko, bagaman nakakulong ako dito sa aking silid, ipinangako ni Celia na ihahatid niya ang liham ko para sayo.

Hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw ng Byernes para sa paglayo nating dalawa sa.lugar na ito, sa aking mga magulang, lalo na kay Papa.

Ingatan mo lagi ang iyong sarili.

Nagmamahal,

Dorina

Itinupi ko ang liham ni Dorina para sa akin at isinilid ito sa itim na kahon kung saan nakatago ang iba pa niyang liham sa akin.

Tatlong linggo na ang nakalilipas magmula nang mabugbog ako ng mga tauhan ni Don Gonzalo. Gumaling na ang mga pasa at sugat sa mukha at katawan ko. Nawala na rin ang sakit at kirot sa ulo at dibdib ko.

Magaling na rin ang mga galos na tinamo ni Rodrigo at dalawang linggo na silang nakauwi sa kanila. Pero bago sila umuwi, nagplano kami na sa bahay nila kami magpapalipas ng gabi ni Dorina kapag natuloy ang pagtatanan namin sa Byernes. Mula sa kanila ay napagpasyahan ko na tutuloy kami sa Maynila.

Doon kami magtatago. Sigurado ako na sa dami ng tao at sa laki ng Maynila ay hindi kami agad makikita ni Don Gonzalo at ng mga tauhan niya.

Naisip ko din na kapag nasa Maynila na kami ni Dorina ay kukuha ako ng trabaho doon. Napag-alaman ko na madaming bagong trabaho na binuksan sa utos ni Pangulong Quezon.

Sa ngayon ay nagti-tiyaga kami ni Dorina na tanging sulat ang komunikasyon. Salamat sa kabutihan ni Celia.

Tulad ng ipinangako niya, si Celia ang kumukuha ng sulat ko upang ibigay kay Dorina at siya din ang naghahatid ng sagot ni Dorina para sa akin.

Hindi ko maisip kung ano ang mangyayari sa amin ni Dorina kung wala si Celia. Lubos kaming nagpapasalamat kay Celia.

Tuwing hapon, pagkakagaling niya sa klinika ay dito siya dumadaan upang kunin ang sulat ko. Kinabukasan naman ay inihahatid niya ang sagot mula kay Dorina.

Tumingin ako sa pambisig kong relo. Maya-maya ay narito na si Celia. Mabilis kong ipinasok sa puting sobre ang sagot kong liham para kay Dorina. Inilagay ko ito sa ibabaw ng lamesa.

"Hindi ka pa ba kakain anak?" Narinig kong tanong sa akin ni Itay. Lumingon ako sa kanya. Nakatayo siya sa pinto.

"Hindi pa ho Itay. Kayo po ba?" Tanong ko. Lumabas ako ng silid ko at sumabay sa kanya sa sala.

"Tapos na ako. Napagod ako sa tupada kaya naisip kong kumain ng maaga upang makapagpahinga kaagad." Paliwanag nito. Naupo ito sa sala at pinanuod ang pagkain ko.

"Kumusta na po pala sina Tiya Adelina?"

"Maayos naman. Medyo nababahala pa ang Tiya mo pero ayos na sila. Ipinapasabi din daw ni Rodrigo at Raymundo ang napag-usapan ninyo. Nakahanda na daw ang silid para sa inyo ni Dorina doon. Nakahiram pa si Raymundo ng kotse sa amo niya. Sila na daw ang maghahatid sa inyo ni Dorina sa terminal ng bus papuntang Maynila."

"Ganoon po ba?" Natahimik ako. Pinakiramdaman ko si Itay. " Bakit hindi na lang kayo sumama sa amin ni Dorina sa Maynila, Itay?" Tanong ko.

"Anak, ilang beses ko bang sasabihin sayo na hindi ko maaaring iwan itong napundar namin ng Inay mo?"

"Pero natatakot po ako Itay sa maaaring gawin sa inyo ni Don Gonzalo? Tiyak na gagantihan niya ako sa.pamamagitan ninyo."

"Huwag kang mag-alala anak. Kaya ko ang sarili ko."

"Pero Itay, nakita na natin kung ano ang kayang gawin ni Don Gonzalo. Halang ang kaluluwa niya!"

"Kahit na anak. Basta huwag mo akong intindihin. Ang dapat mong isipin ay si Dorina. Siya ang higit na may kailangan sayo. Ikaw lang ang pag-asa niya na mailayo siya sa ama niya at sa kasunduan nito na ipakasal siya."

"Pero Itay, hindi kita pwedeng basta iwan na lang dito."

"Anak. Alam ko iyon pero nais ko na unahin mo ang kaligayahan mo na maibibigay ni Dorina. Kaya ko ang sarili ko."

"Pero-"

"Wala nang pero-pero anak. Hindi ko kayang iwan ang alaala namin dito ng Inay mo."

Natahimik ako. Nauunawaan ko siya.

Matapos magligpit ng kinainan ay pumasok ako sa silid ko. Kinuha ko ang liham at muling lumabas sa sala bitbit iyon.

Naupo ako sa tabi ni Itay nang marinig namin ang mga tahol ng mga aso. Maya-maya ay ang mga katok sa pinto.

"Iyan na marahil si Celia, anak. Pagbuksan mo siya." Utos sa akin ni Itay.

Tumalima ako at lumapit sa pinto. Muli na namang kumatok ang nasa kabila noon.

"Sandali lang!" wika ko.

Bakit nagmamadali si Celia? May nakakita ba sa kanya? Huwag naman sana.

Pinihit ko amg seradura at binuksan ko ang pinto. Nalunok ko ang dila ko nang mapagsino ko ang kumakatok.

Dali-daling sumugod sa akin ang umiiyak na si Dorina at mahigpit na yumakap sa akin.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon