Ikalabing-pito

84 4 6
                                    

"Ano?!" Panabay pa naming tanong ni Dorina kay Rodrigo.

"Nasa labas ng simbahan sina Don Gonzalo! May kasamang tatlong tauhan niya! Sigurado ako na si Dorina ang pakay nila dito, Arturo!" Humihingal pa na ulit nito.

Bumitiw sa hawak ko si Dorina. Napalakad ito papunta sa pintuan ng hardin at humarap sa akin. Bakas sa mukha nito ang takot at kaba.

"Paano na ito, Arturo? Baka mahuli tayo ni Papa!" Nanginginig ang boses ni Dorina.

"Huwag kang mag-alala Dorina. Tatakas tayo mula dito." wika ko kahit alam kong iyon ay mahirap. Mataas ang bakod sa paligid ng hardin. Kung magtago man kami ay tiyak na makikita kami dito kung halughugin nina Don Gonzalo at tatlong kasama nito ang buong simbahan pati na ang hardin.

Lumapit sa akin si Dorina at hinawakan ang kamay ko.

"Kung gayon, anong gagawin natin? Hindi tayo maaaring dumaan sa pader, masyadong mataas." Nilibot ni Dorina ang tingin niya sa paligid.

"Maaari kayong dumaan dito sa harap. Siguro ay ginagalugad pa nila ang buong simbahan at ang kampanaryo." Wika ni Rodrigo.

"Kung ganoon tayo na. Bilisan natin." Wika ko. Hinawakan ko ang kamay ni Dorina at sumunod kami kay Rodrigo na nauna nang binabaybay ang makipot na daan papunta sa hardin.

"Paano ang plano natin Dorina?" Tanong ko sa kanya habang naglalakad kami. "Paano ang pagtatanan natin?"

"Hindi ko alam, Arturo! Marahil ay sa liham na lang tayo muling mag-usap kapag natakasan natin dito sina Papa!" Sagot niya.

"Kung iyon ang iyong pasya, Dorina."

Lumiko kami sa kanan at bumulwag kami sa isang mahabang pasilyo na may maraming bintana.

"Anong bahagi ito ng simbahan? Ngayon lang ako nagawi dito." Tanong ko kay Rodrigo.

"Ako man ay gayun din." Mabilis na sagot ni Rodrigo. Patuloy pa din kami sa paglalakad. Napansin din namin na sa kanan namin ay may mga pinto na malalayo ang pagitan.

"Ito marahil ang mga silid ng mga pari at mga sakristan." Wika ni Dorina. Sumang-ayon kami ni Rodrigo.

Lumabas kami sa isang pinto at tumambad sa amin ang isang malawak na palayan.

"Nasa likod na tayo ng simbahan. Nakalabas na din tayo ng pader nito." Paliwanag ni Rodrigo.

"Kailangan nating maihatid si Dorina. Malapit nang dumilim." Sabi ko kay Rodrigo.

"Sige. Sa may kawayanan tayo dumaan." Sagot ni Rodrigo. "Ang labas natin noon ay sa dulo ng kalye Mabini. Mas mabilis makakauwi si Dorina sa kanila at hindi pa siya mahahalata ng kanyang ama kung saan talaga nanggaling."

"Mabuti pa nga kung ganoon. Bilisan natin at maggagabi na." Wika ni Dorina.

Binaybay namin ang pilapil, nasa unahan namin si Rodrigo habang kami naman ni Dorina ay magkahawak-kamay sa likod.

Natapos ang paglalakad namin sa pilapil at narating namin ang kalsada. Makapal ang alikabok na kumapit sa amin nang maglakad kami sa kalsada. Matapos ang limang minuto ay kumaliwa kami sa isang kawayanan.

Matataas ang mga kawayan sa lugar na ito, kung saan kumpol-kumpol at kabi-kabila ang nagtataasan at naglalakihang kawayan. Ang nilalakaran namin ay mga tuyong dahon ng kawayan. Ang iba sa mga ito ay nabulok na marahil sa katagalan simula nang malagas ito. Ang iba naman ay bago pa at kulay dilaw. Maingay ang tunog ng mga ito sa ilalim ng paa namin.

Wala pa din nagsasalita sa aming tatlo. Wala ni isa man ang nagtatangka dahil sa maaaring mangyari kung nahuli kami ni Don Gonzalo at mga tauhan nito.

Pagkatapos ng sampung minutong paglalakad sa masukal na kawayanan, narating namin ang dulong bahagi ng kalye Mabini. Nawala ang kaba ko dahil ligtas na nakauwi si Dorina. Hindi siya nakita ng Papa niya at mga tauhan nito.

"Hanggang dito na lang tayo sa bukana ng kawayanan, baka may makakita sa atin kung lalabas tayo sa kalsada." wika ni Rodrigo.

"Mabuti pa nga. Hindi pa gaanong madilim.Makikilala pa tayo kapag ganito." Ayon ko sa sinabi ni Rodrigo.

Tumingala kami sa langit at tiningnan ang paligid. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Maririnig mo na ang huni ng mga paniki at kuliglig. Malamig na din ang hangin, hindi na katulad nang magpunta kami sa simbahan kanina.

"Tutuloy na ako Arturo. Baka maabutan pa ako ni Papa na wala sa bahay." Wika sa akin ni Dorina. Bakas pa din sa mukha nito ang pag-aalala.

"Mabuti pa nga kung ganoon. Ayaw ko man na maghiwalay tayo ngayon ay hindi naman maaari. Hihintayin ko lang na makahanap tayo ng pagkakataon upang maitakas kita sa inyo." Wika ko.

Mahigpit kong hinawakan ang malambot na kamay niya. Nang hindi ko na mapigil ang emosyon ko ay niyakap ko na si Dorina kahit pa nasa harap namin si Rodrigo.

"Ipinapangako ko na itatakas kita Dorina. Hinding-hindi ako makakapayag na mapakasal ka kay Felipe." Sabi ko habang nakayakap sa kanya.

"Naniniwala ako sayo Arturo. At ipinapangako ko din na hihintayin ko ang pagtakas natin." Sagot ni Dorina.

Kumalas kami sa pagyakap sa isa't-isa at masakit man sa loob ko ay pinanuod ko si Dorina na naglakad papunta sa kalsada.

Nang nakakasampung hakbang na siya ay hindi ko na napigil ang sarili ko.

"Dorina! Sandali!" Tawag ko sa kanya. Tumigil siya at humarap sa akin.

"Bakit, Arturo?" Tanong niya sa akin.

Mabilis akong naglakad papalapit sa kanya. Hinawakan ko ang maganda at maamong mukha niya at buong pagmamahal ko siyang hinalikan. Ang malambot na labi niya sa labi ko.

Naramdaman kong napahawak sa parehong braso ko ang dalawang kamay ni Dorina. Ramdam ko ang init na nagmumula sa malambot na palad niya.

Ilang sandali pa ay natapos ang halik. Nakatitig ako sa kanya habang hawak ko ang mukha niya.

"Mahal na mahal kita Dorina." Mahinang usal ko.

"Mahal na mahal din kita Arturo." Sagot ni Dorina.

Muli kaming nagyakap at mabilis na kumalas sa akin si Dorina.

"Kailangan ko nang magmadali Arturo." Wika ni Dorina.

"Sige, Dorina. Mag-iingat k-"

"Simberguenza! Dorina!"

Naputol ang paalala ko kay Dorina nang marinig namin ang malakas na sigaw ng galit na boses. Sabay-sabay kaming tatlo na napalingon sa pinanggalingan ng galit na boses.

Ilang metro ang layo mula sa amin ay nakatayo ang apat na lalaki. Nabuhay ang kaba sa dibdib ko nang makilala namin ang lalaki sumigaw.

Narinig kong napasinghap si Dorina. Nakita ko naman na napaatras palapit sa amin si Rodrigo. Para namang binabayo ang kabog ng dibdib ko.

Nakatayo sa unahan ng tatlo niyang tauhan ang galit na galit na si Don Gonzalo.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon