Dalawampu't-anim

76 4 2
                                    

Nanginginig akong humarap sa grupo nina Don Gonzalo at Felipe nang marinig ko ang putok ng baril.

"Itay!" Wala sa sariling sigaw ko. Parang nanlaki ang ulo ko sa hilakbot nang makita ko ang katawan niyang nakahandusay sa lupa, natatanglawan ng flashlight na dala nila.

Napalingon sila sa akin sanhi ng pagsigaw ko. Napaatras ako at mabilis na tumakbo habang tumutulo ang luha ko sa galit.

Hindi ko pa din mapaniwalaan na pinatay ni Felipe si Itay. Bumabangon ang galit at poot sa dibdib ko.

"Hayun! Si Arturo! Paputukan nyo!" Narinig kong sigaw ni Felipe. "Habulin nyo!"

Napasubsob ako sa lupa ng magpaputok sila. Mabilis akong bumangon habang nakayuko at paekis-ekis na tumakbo upang makaiwas sa baril nila.

"Patamaan nyo! Bilis!" Muling sigaw ni Felipe. Tumago ako sa isang malaking puno nang muli silang magpaputok ng baril.

Nilingon ko sila at nakita kong papalapit na ang ilaw ng mga flashlight na bitbit nila. Malapit na sila sa akin.

Mabilis akong tumakbo sa gitna ng dilim. Kailangan kong makabalik kay Dorina. Sumasabit sa braso at mukha ko ang mga sanga ng puno dahil sa dilim.

Nasaan na si Dorina?

Nang lumiwanag ang paligid dahil sa liwanag ng buwan ay mabilis akong tumakbo pakaliwa hanggang sa makarating ako sa kalsada.

"Dorina!" Tawag ko. "Nasaan ka? Ako ito, si Arturo!"

"Arturo! Nandito ako!" Nakita ko siyang lumabas sa kumpol ng isang halaman. Mabilis akong tumakbo palapit sa kanya.

"Kailangan nating makalayo agad Dorina! Halika na!" Hinawakan ko siya sa kamay, dinampot ko ang bagahe namin at mabilis kaming tumakbo.

Lumingon ako sa pinanggalingan ko at nakita kong papalabas na ng kalsada ang liwanag ng mga flashlight.

"Sa gubatan tayo. Madali nila tayong makikita dito sa kalsada dahil sa liwanag ng buwan!" wika ko kay Dorina.

Mabilis kaming bumalik sa gubatan pero hindi kami lumayo sa kalsada. Kailangan naming makalayo sa grupo nina Don Gonzalo.

"Si Mang Manolo? Nakalayo ba siya Arturo? Natakasan ba nya sina Papa?" Biglang tanong ni Dorina makalipas ang ilang sandali.

"Hindi, Dorina. Hindi nakalayo si Itay." Tahimik kong sagot.

"Kung ganoon ay nasaan siya? Binihag ba siya nina Papa?"

"Hindi."

"Kung ganoon ay anong nangyari? Sabihin mo sa akin, Arturo?"

Tumigil ako sa paglalakad at hinarap si Dorina.

"Naabutan nila Felipe si Itay. Nasukol nila ito. At nang hindi tayo ituro ni Itay ay binaril siya ni Felipe. Kitang-kita ko nang binaril siya ni Felipe." Malungkot na paliwanag ko kay Dorina.

"Oh Arturo!" Napaiyak na wika ni Dorina. Niyakap niya ako ng mahigpit. "Napakasama nila! Hindi ko inakala na magagawa ni Felipe ang pumatay! At hindi man lang siya pinigilan ni Papa! Napakasama nila!"

"Wala na tayong magagawa Dorina. Kailangan na lang nating makalayo dito upang hindi nila tayo maabutan, upang hindi masayang ang sakripisyo ni Itay. Pero sisiguruhin ko na mananagot si Felipe sa ginawa nito kay Itay."

Tahimik naming ipinagpatuloy ni Dorina ang paglalakad. Panay ang lingon ko sa likuran namin, tinitingnan ko kung nasundan pa rin kami ng grupo nina Don Gonzalo. Wala akong nakitang liwanag ng mga flashlight.

Makalipas ang dalawang oras na paglalakad ay bumulwag kami sa isang sementadong kalsada. Naglakad kami sa gilid niyon at makalipas ang kalahating oras ay may dumaang calesa. Sumakay kami dito at nagpahatid sa bahay nina Rodrigo.

Sa daan ay laman pa rin ng isip ko ang krimen na ginawa nila kay Itay. Pagbabayarin ko sila. Lalo na si Felipe.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon