Tatlumpu

78 4 2
                                    

"Ilagay mo na lang yang itim na kahon na may lamang mga sulat sa bagahe ko. Baka mabigatan ka kung ikaw ang magdadala nyan." Wika ko kay Dorina.

Kasalukuyan kaming nag-iimpake ng mga gamit namin dahil mamayang alas-dos na ng madaling ang byahe namin paluwas sa Maynila.

Katatapos lang naming maghapunan at naisip namin na mag-impake na muna bago matulog upang paggising namin mamayang madaling araw ay lalarga na lamang kami.

Nakahiram ng calesa si Rodrigo sa kumpare ni Raymundo at nagpresinta itong siya na lamang ang maghahatid sa amin sa bayan sa terminal ng bus.

Pumayag kami ni Dorina dahil baka mahuli kami sa takdang oras ng byahe.

"Kaya ko na ito Arturo. Huwag kang mag-alala sa akin. Magaan lang naman itong dalahin ko. Hindi naman ganoon karami ang nadala kong bihisan nang tumakas ako." Paliwanag ni Dorina.

"Kung iyon ang nais mo, Dorina. Pero ako na ang magdadala niyang gamit mo mamaya. Ayaw ko na mahirapan ka sa pagbibitbit niyan."

Ngumiti sa akin si Dorina.

"Sige na. Samahan mo muna sa ibaba si Rodrigo at ako na ang mag-aayos ng mga gamit mo."

"Hindi na. Mamaya na lang pagkatapos ko dito." Wika ko.

"Sige na. Ako na ang bahala." Pagtataboy sa akin ni Dorina.

"Sigurado ka?" Mataman ko siyang tinitigan.

"Oo. Kayang-kaya ko na iyan." Muli siyang ngumiti sa akin.

Lumapit ako sa kanya at masuyo ko siyang hinalikan sa labi.

"Napakaswerte ko talaga sayo Dorina."

"Ako din Arturo. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil makakapagbagong buhay na tayo sa Maynila. Sige na. Lumabas ka na at magpasalamat kay Rodrigo."

Ngumiti muna ako sa kanya bago lumabas ng silid at bumaba ng kabahayan. Lumabas ako sa bakuran at hinanap si Rodrigo. Natagpuan ko siyang nakaupo sa likod-bahay malapit sa batis.

"Nandito ka lang pala Rodrigo. Kanina pa kita hinahanap." Wika ko. Naupo ako sa isang ugat ng puno doon.

Maliwanag ang sikat ng buwan at malamig ang paligid. Ang mga alitaptap ay panay ang lipad sa paligid. Ang mga kuliglig naman ay abala sa kanilang paghuni.

"Ah, oo. Naisip ko lang na tumambay dito." Wika ni Rodrigo.

"Parang malalim ang iniisip mo ah?"

"Hindi naman. Naiisip ko lang na mabuti at makakalayo na kayo dito ni Dorina. Makakapamuhay na kayo sa Maynila nang malayo sa anino ni Don Gonzalo." Litanya nito.

"Ako man ay ganoon din Rodrigo. Bagamat nalulungkot ako sa nangyari kay Itay ay wala akong magagawa kundi ang ilaban ang karapatan niy sa batas laban sa pumatay sa kanya. Gagawin ko iyon kapag nasa Maynila na ako."

"Anuman ang gawin mo Arturo ay nakasuporta lang kami sa iyo. Alam mo naman na hangad namin ang kaligayahan ninyo." Sinserong tugon ni Rodrigo.

"Maraming salamat Rodrigo. Nagpapasalamat ako dahil kayo ang kamag-anak ko. Nagpapasalamat ako dahil ibinigay kayo sa akin ng Diyos. Na may taong handang tumulong sa akin upang magkasama kami ni Dorina. Ikaw, si Tiya Adelina, si Raymundo, si Celia at lalo na si Itay."

"Ganoon talaga Rodrigo. Sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayong magkakadugo." Nakangiting wika ni Rodrigo.

"Salamat ulit Rodrigo. Sa lahat ng naitulong nyo sa amin ni Dorina. Na kahit napahamak ka na ay balewala pa rin iyon sayo. Handa ka pa din tumulong."

"Walang anuman iyon Arturo. Basta sa kasal nyo at binyag ng magiging anak nyo ni Dorina ay huwag mo kaming kalilimutang imbitahin ha?"

"Oo naman! Makakalimutannko ba kayo?"

Nagkatawanan kami.

Matapos ang pag-uusap namin sa tabi ng batis ay nagpasya na kaming matulog. Pumasok na ako sa silid namin ni Dorina. Naabutan ko na inaayos na niya ang higaan namin.

"Kailangan na nating matulog nang maaga tayong magising mamayang madaling-araw. Hindi tayo maaaring mahuli at baka maiwan tayo ng bus." Wika ni Dorina.

Nang maayos ang kama ay nahiga na kami. Niyakap ko siya.

"Hindi pa rin ako makapaniwala na mamaya ay aalis na tayo at bukas ay malayo na tayo kina Papa, Arturo." Mahinang wika ni Dorina.

"Ako man, Dorina." Tugon ko.

"Basta kahit anong mangyari Arturo. Sasama at sasama ako sayo dahil kahit kamatayan ay hindi ako mahahadlangan upang ipadama ang pagmamahal ko sayo." Wika niya.

"Mahal na mahal din kita Dorina. Walang makahahadlang sa ating dalawa." Tugon ko. Humarap ako sa kanya at mariin ko siyang hinalikan sa labi. Gumanti naman siya.

At muli, nagsalo kami ni Dorina sa tamis ng aming pagmamahal sa isa't-isa.

Love Letters On Scented Paper (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon