~ • ~
Matapos ang napakasayang hapunan namin kasama ang mga magulang ni James- sina Tita Minda at Tito Jaime, ay niyaya ako ni James na sumama sa kanya ngayong gabi. Ipinagpaalam niya pa ako kay Kuya Joseph at pumayag naman ito nang walang alinlangan. Talaga namang nakuha na nito ang loob ng tito ko at mukhang nagkasundo pa sila sa isa't isa dahil sa magandang kinahatnan ng pag-uusap nila ngayong gabi. Nagpaalam na din si James sa mga magulang niya na hindi muna siya makakauwi sa bahay nila dahil dadalhin niya raw ako kung saan. Nagtaka naman ako dahil buong akala ko ay sa bahay nila kami pupunta pero mukhang may iba pa pala itong binabalak.
Magkahawak ang kamay namin ni James habang naglalakad. Nauna nang umuwi ang pamilya at mga kaibigan naming nakasama sa hapunan kanina. Sa ngayon, kami na lamang ni James ang magkasama.
"James, saan ba talaga tayo pupunta?" usisa ko sa kanya.
Tumingin naman ito sa akin at ngumiti. "Sa secret hideout natin." sagot nito.
"Sa treehouse?" pangungumpirma ko.
Hindi naman niya ito sinagot, sa halip ay kumindat ito sa akin at hinila ako hanggang sa makarating kami sa gubat kung saan naroroon ang treehouse. Nanumbalik tuloy sa alaala ko 'yung unang beses na makarating ako rito. Ang unang beses na sinabi niyang mahal niya ako. Nagkaroon din kami ng hindi pagkakaunawaan noon pero naging saksi ang malaking punong ito kung paano kami nagkaayos.
"Bakit nandito tayo? Hindi na naman natin kailangang magtago pa, James." sambit ko.
Hinawakan naman ako nito sa baywang, isinandal sa puno at hinalikan sa noo. "Hindi naman tayo nandito para magtago." pagkatapos ay hinalikan ako nito sa ilong. "Nandito tayo para masolo kita." saad niya bago ako nito halikan sa labi.
Nagpatianod naman ako sa halik niya hanggang sa napayakap ako sa kanya. Naging masuyo at masarap ang paghahalikan naming iyon. Tila ba bumalik ang pakiramdam noong halikan niya ako sa mismong lugar na ito. Isang paghahalikang puno ng pagmamahal. Kung maaari nga lang, hindi ko na gugustuhin pang matapos ang halikan naming ito. Napakasarap sa pakiramdam at para bang lumulutang ako dahil sa labis na kasiyahan.
"Topher..." ani James nang kumalas ito sa halikan namin. Wala naman akong nagawa kung hindi ang kumawala at tumitig sa kanya. "Gusto kong malaman mo na kahit maayos na ang lahat sa pamilya at kaibigan nating dalawa, patuloy ko pa ring papatunayan kung gaano kita kamahal. Handa akong patunayan sa'yo habang buhay na ikaw lang ang nilalaman ng puso ko. Sa'yo ako kumukuha ng lakas, Topher. Sa totoo lang, sobrang duwag ko, pero hindi ko alam kung bakit kapag hinawakan ko na ang kamay mo, kinakaya ko nang hamakin ang lahat. Ikaw ang nagpapatapang sa akin, Topher. Ikaw ang nag-iisang tao na ipaglalaban ko kanino man."
Inangkla ko ang kamay ko sa batok niya habang mata sa mata kaming nagtitinginang dalawa. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko dahil sa labis na kilig mula sa sinabi niya. "Ikaw lang din naman ang nagpapatapang sa akin, James. Hinding hindi rin naman ako lalaban kung hindi para sa'yo. At saka, hindi mo na rin kailangan pang patunayan ang sarili mo sa'kin kasi nagtitiwala ako sa'yo. Nararamdaman ko na totoo ang pagmamahal mo sa'kin at para sa'kin, sapat na 'yun. Tulad nga ng sabi nila, ikaw lang sapat na." sabay natawa kaming dalawa.
"Pero kahit na, Topher. Gusto ko pa rin bumawi sa'yo sa mga panahon na nasayang natin. Gusto kitang pasayahin araw-araw na makakasama kita. Ayoko nang maulit 'yung mga hindi magandang nangyari sa'ting dalawa. Sana nga hindi na lang nangyari 'yun. Tangina, kung hindi lang ako naging duwag at dakilang tanga." sabay napayuko ito pero hinawakan ko naman ang baba nito at inangat ang mukha niya para muling magtagpo ang mata namin.

BINABASA MO ANG
Topher
RomanceTopher, a closeted horny gay, has a long time hidden attraction to James, a guy from his circle of friends. When he couldn't contain his feelings anymore and finally gave in to his friends, things started to get complicated. In his horny coming-out...