~ • ~
"Hindi na kita mahal, Topher."
Limang linggo na ang nakakalipas buhat ng sabihin sa akin ni James ang mga katagang tuluyang nagwasak sa aking puso. Ang bilis ng panahon pero hindi pa rin naglalaho 'yung sakit.
Hindi na nagparamdam pa si James mula nung araw na iyon. Sinubukan ko siyang tawagan, itext at ichat para man lang ipaliwanag sa akin ang lahat pero hindi ito tumutugon. Wala na akong iba pang kinausap magmula nung araw na iyon. Pakiramdam ko ay hindi ko kakayanin na makipag-usap kahit kanino. Kahit pa na pumunta sila sa bahay ay hindi ko sila magawang harapin. Pakiramdam ko ay tuluyan nang gumuho ang mundo ko.
Nagmumukmok lamang ako sa kwarto. Madalang kumain at madalas ang paghagulgol. Ilang balde na siguro ng luha ang naubos ko dahil sa labis na pag-iyak. Ang sakit kasi eh. Hindi ko man lang nalaman ang dahilan. Dahil ba pinagtabuyan ko siya noon? Dahil ba hindi pa rin niya ako napapatawad sa kasalanan ko? O dahil ba napagtanto niyang hindi naman pala talaga niya ako mahal?
Tang ina, ang sakit.
Natigilan ako sa pag-iisip nang marinig ko ang malalakas na kalampag sa aking pinto. Alam kong si Kuya Joseph iyon. Ilang araw na niya akong inuusisa kung bakit ganito ang aking inaasta pero hindi na lamang ako sumasagot sa kanya.
"Topher, ano bang nangyayari sa'yo?" bungad sa akin ni Kuya Joseph nang buksan ko ang pinto.
"Wala to, Kuya. Okay ako." sabay isinara na muli ang pinto na agad din naman niyang napigilan.
"Alam kong hindi ka okay. Ilang araw ka nang nagkukulong dito. Ano bang problema? Si Van ba? Kupal na 'yon! Akala ko pa naman okay siya-"
"Hindi, kuya."
"Eh, ano nga kasing problema? Baka nalilimutan mong nandito lang ako, Topher. Pwede mong sabihin lahat sa'kin."
Dahil dito, hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko. Napakagat pa ako sa labi para lang mapigilan ang pagbugso noon. Agad kong niyakap si Kuya Joseph. Mabuti na lang nandito siya. Ang nag-iisa kong pamilya na nakikiramay sa aking pagkabigo.
"Shh..." anito habang hinahaplos ang likod ko.
Pakiramdam ko ay ligtas at payapa ako sa piling niya. Sa oras na iyon ay labis siyang nakakatulong sa pagpapagaan ng puso ko. Bagamat hindi ko nakalakihan na may ama, hindi naman nagkulang si Kuya Joseph para magsilbing ama sa akin. Sa katunayan, hindi lang ama. Siya na rin ang nagsisilbi kong ina, kapatid, tito, at kabarkada. Napakaswerte ko para magkaroon ng isang tiyuhin na katulad niya.
"Salamat, Kuya Joseph." sambit ko nang bahagya akong mahimasmasan sa pag-iyak.
Tinapik ni Kuya Joseph ang balikat ko. "Si James na naman ba ang dahilan?"
Tumango-tango ako at hindi na nakapagsalita.
Nag-igting ang panga ni Kuya Joseph sa natuklasan at saka bumuntong-hininga para pigilan ang kanyang galit. "Ay siya, magbihis ka at may pupuntahan tayo." biglang sambit nito.
"S-saan, Kuya?" pagtataka ko.
"Basta. Magbihis ka!"
Hindi ko na inusisa pa si Kuya Joseph at agad na sinunod ang instruksyon niya. Mabilis lang akong naligo at naghanda ng sarili. Casual lang ang sinuot kong damit dahil wala naman akong ideya kung saan kami patungo. Matapos kong makapag-ayos ay tumawag ito ng taxi para dalhin kami sa kung saan man.
"Bakit nandito tayo, Kuya?" tanong ko nang mapansin kong nakarating kami sa isang gay bar.
Umakbay ito sa akin at ngumisi. "Dati, pinipilit kitang sumama sa'kin sa mga pagwawalwal ko. Ang unfair ko kasi hindi ko alam na hindi mo pala trip 'yung mga bar na pinupuntahan natin. Kaya ngayon, babawi ako. Sasamahan kitang makalimot. Magwawalwal tayo ngayon." paliwanag nito.
![](https://img.wattpad.com/cover/116482564-288-k882401.jpg)
BINABASA MO ANG
Topher
RomansaTopher, a closeted horny gay, has a long time hidden attraction to James, a guy from his circle of friends. When he couldn't contain his feelings anymore and finally gave in to his friends, things started to get complicated. In his horny coming-out...