CHAPTER 5
"PWEDE na ba akong makalabas bukas Cyn?" ani Brionna sa kanyang OB. Hindi na niya matiis ang suwerong naka kabit sa kanang kamay at ang humilata lang sa hospital habang walang ginagawa.
Nakita niyang pumasok si Lydia sa kwarto, may dala itong kung ano at nilapag sa kanyang side table.
"Brionna, may spotting ka, at fatigue ang dahilan kung bakit ka hinimatay. Hindi mo naman siguro gugustuhing mapahamak ang bata sa sinapupunan mo?" anang kanyang doktor.
Napahawak agad siya sa maliit pang tiyan. Hindi niya alam kung paano niya paring tatanggapin ang nangyari pero hindi rin naman niya gustong mapahamak ang nasa sinapupunan.
"Hindi pa kita hahayaang madischarge dahil alam kong oras na gawin ko iyon ay magsisimula ka muling magtrabaho. Kailangan mo ng complete bed rest."
" Cyn, hindi ko naman ipapahamak ang bata. Nag-aalala lang ako sa mga pasyente ko."
"Bri, nai-refer na ng ospital sa ibang cardio ang mga pasyente mo at pwede ba? Nanghihina kana nga ay sila parin ang iniisip mo?" sabad naman ni Lydia.
Gusto niya muling maiyak pero nilabanan na niya iyon. Tinanggap narin niya ang suhestiyon ng doktor.
"Mauna na ako, Bri. Lyd, ikaw na munang bahala sa kanya."
"Salamat Cyn," ani Lydia.
Nang makalabas ang doktor ay binalingan niya si Lydia. " Ayaw ko nang manatili dito ng ilang araw, Lyd. Hindi ko pwedeng pabayaan ang mga pasyente ko.""
"Hindi naman talaga ang mga pasyente ang siya mong concern kundi ay kung anong sasabihin nila sayo, eh. Tsaka hindi nakatulong ang paghi-hysteria mo kaya mas lalo kang nanghina. At pwede ba, Bri? Buntis ka, sana ay bawas bawasan mo iyang tigas ng ulo mo."
Nanghihinang napabangon siya at napasandig sa headboard, tinulungan naman siya nito. " Ano nang gagawin ko ngayon?"
"Wow, mukhang bago iyan sa iyo ngayon, Bri? Salamat at normal na tao karin naman pala at nakuha mong hingin ang opinyon ng ibang tao," anitong nagpapangaral na naman. " Alam mo Bri, nai-intindihan ko kung bakit ka ganyan. Sa dinami dami ba namang nangyari sa buhay mo ngayon. Pero sana man lang iyang napakatayog mong pride ay bawas-bawasan mo? At kung ako ang tatanungin mo ay kakailanganin mo ng katuwang sa buhay. Katuwang sa pagpapalaki ng anak mo. You have to tell this to the father."
"Kaya kong buhayin ng mag-isa ang anak ko," aniya sa matigas na boses.
"Iyan ba talaga ang gusto mo? Ang mag isang itaguyod ang anak mo?"
"At sino naman ang ini-expect mong magiging katuwang ko. Ang Claudius na iyon? Sa tingin mo ba ay papanagutan ng lalaking iyon ang bata? Walang siniseryosong bagay ang taong iyon!" Hindi na niya napigilang sabihin. Hindi pa niya sinasabi sa kaibigan ang totoong nangyari pagkatapos ng gabing malasing siya pero malakas talaga ang pandama nito na si Claudius ang nakabuntis sa kanya.
Namaywang na si Lydia. " Bakit, na try mo nabang sabihin sa kanya? Baka malay mo ay ikatutuwa pa nun ang nangyari at maalagaan ka niya. Bri, mag-isa ka nalang. Hindi naman pwedeng nariyan ako para matutukan ka. Sa tigas ba naman ang ulo mo ay ewan ko nalang."
"At sa tingin mo ay maniniwala iyong siya ang nakabuntis sakin?"
Umikot ang mga mata ni Lydia. " Alam mo ang hirap mo talagang kausap."
"Wala akong tiwala sa lalaking iyon."
"At least huwag mong ipagkait sa tao iyong bata. Hindi maganda sa batang walang kinikilalalang ama."
Defensive na napahawak siya sa kanyang tiyan. Ni sa hinagap ay hindi niya aakalaing mabubuntis siya ng isang Claudius Anthony.
Bakit bigla-bigla ay inaantok na naman siya? Namimigat muli ang talukap ng mga mata niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/194542282-288-k468950.jpg)