CHAPTER 6
"NAKU anak, okay ka lang ba diyan?"
"Okay na okay po nay. Hayaan niyo dadagdagan ko po ang pampagamot niyo. May maipangtatabi pa po naman akong pangmatrikula. May kaunti po akong naipon noong nakaraan."
Narinig ni Issa na napabuntong hininga ang kanyang ina. "Pasensiya kana, Issa, anak. Pati ikaw ay naghihirap tuloy."
"Naku nay sino pa po ba ang magtutulungan kundi tayo lang."
Matagal ito bago nakasagot. " O siya sige anak, tutungo na kami ni Enzo sa palengke mag-iingat ka diyan."
"Sige po nay, mag-iingat rin po kayo."
Nang maibaba ang tawag ay agarang nagligpit na si Issa. Kakasapit palang ng ala seis ng umaga kaya nagpasya muna siyang maglakad patungo sa view deck.
Nagulat pa siya nang maabutan doon ang kulay pulang sasakyan ni Carlos. Naroon si Carlos? Matagal-matagal niya rin itong hindi nakita, matapos ang nangyari sa ama nito. Sobra siyang nag-alala para dito.
Nakuha niyang humakbang patungo sa clubhouse. Pinakinggan kung may tao roon pero nakasara ang pinto ng kwarto na ginagamit ni Carlos.
Ipinagpatuloy niya ang paglalakad pagkuway inilibot ang paningin. Napahinto siya nang makita ang likod ng lalaking naka upo sa damuhan sa dulo ng lupain na nakatanaw sa lawa ng taal.
Nahigit niya ang hininga. Bakit ba palagi ay may kung anong mga paroparong naglalaro sa tiyan niya tuwing nakikita ito?
Namalayan niya ang mga paang pinuntahan ang kinauupuan ni Carlos.
Nasilayan niya ang isang gitarang katabi nito. Mukhang napaka pre-occupied nito at hindi siya napansin. Ang mga braso nito ay nakatukod sa mga tuhod habang nakatanaw sa malayo. Nami-miss na niyang makita ang sungki nito. Ito lang yata ang pinakabruskong lalaking kilala niya na sobrang bait.
Umupo siya hindi kalayuan sa kinauupuan nito at tinanaw rin ang napakagandang lawa ng taal. Ginawa narin niyang habit ang umupo roon sa umaga at tinatanaw ang lawa, bahagya iyong nakakapagpakalma sa kanya.
Muli niyang nilingon si Carlos, at ganoon nalang ang panglalambot niya nang nakatingin rin ito sa kanya. Napaka gwapo talaga nito kahit naaninag niya ang lungkot sa mga mata nito.
Bahagya siyang ngumiti. Hindi makapagsalita.
"Hey..." anito. "Come sit beside me, Issa."
Sandali siyang nag-atubili bago tumayo at umupo kung saan ito nakaupo. Nilagyan niya ng konting distansiya ang pagitan nila. " Im sorry sa papa mo..."
Tumango ito at muling napatingin sa malayo.
"Mahilig karin tumugtog?" siya na ang nagbukas ng paksa. Hindi siya sanay na makita itong sobrang seryoso.
"Yeah, tumutugtog ako noong highschool at noong College."
"Nang gitara?"
Nagulat siya nang mapangiti ito. Kita niya iyon sa kanyang peripheral vision. Hindi ngalang niya siguro kung kasali ang mata nitong ngumiti. " I used to play the drums but I can play the piano and the guitar too." Napalingon si Carlos sa kanya. " May alam kaba sa music?"
"Konti."
" Really? You're playing an instrument ?"
"Medyo marunong akong mag-gitara." Ang totoo ay magaling siyang mag-gitara.
"Pwede mo ba akong kantahan?" anitong hindi niya alam kung nagloloko dahil seryoso naman ang tono ng boses.
Alanganin siyang napangiti.