Nancy
Napakunot ang noo ko dahil nabungaran ko na naman si Colton dito sa loob ng restaurant. Medyo matagal-tagal din siyang hindi tumambay dito. Noong panahong hindi siya pumupunta dito ay si Cail naman ang naririto.
Kumaway siya sa akin nang makita niya ako. Kalalabas ko lang ng locker room at kapapalit ko pa lang ng uniform ko na pang-duty.
Kanina ay hinatid ako ng Prinsipe ko pero umalis na din siya kaagad dahil ang sabi niya ay may aasikasuhin daw siya. Hindi naman niya sinabi sa akin kung ano.
Lately ay napapansin kong parang palagi siyang abala. Sinubukan ko siyang tanungin at ang sabi niya ay may trabaho raw sila ni Cedric, 'yong kaibigan niya. Pero hindi niya naman masabi sa akin kung ano nga ba ang trabaho nila.
May binanggit siyang secret agent daw siya pero natawa na lang ako sa kanya. Halata namang nagbibiro lang siya.
Pero okay lang sa akin kung hindi niya sabihin ang totoo. Ang importante ay ako pa rin palagi ang inuuna niyang makita sa araw at gabi. Hinahatid-sundo niya pa rin ako araw at gabi dito sa trabaho ko.
Tsk. Ang sweet talaga ng prinsipe ko!
At ang mas nakakatuwa, kasundo na niya kaagad ang parents ko at ang makukulit kong mga kapatid. Nakakainis lang si Papa dahil tinuruan niyang uminom ang mahal ko! Hindi naman siya makatanggi dahil nakakahiya naman daw sa Papa namin. Namin talaga ang sabi niya.
Napapangiti na lamang ako. Siyempre, nagpapalakas daw siya. Aba, at ang siraulo, dinadalhan lagi si Papa ng Marlboro light! Tinatago pa nga nila dahil makikita daw ng Mama namin. Pareho silang masesermonan kapag nahuli.
Lumapit ako kay Colton nang senyasan niya akong muli. Ano bang kailangan nito?
"Hi, Nans! Kumusta?" bati niya habang umiinom ng beer.
May mga alak din kami dito sa restaurant. At sa gabi ay maraming customer ang naghahanap ng mga ito sa amin.
"Ok lang," simple kong sagot sa kanya. Kakaiba na naman ang mga ngiti at titig niya sa akin ngayon.
Wala pa rin talagang nagbabago sa kanya lalo na sa postura. Nakasumbrero siya nang pabilog na halos matabunan na ang kanyang mukha. Naka-sunglasses pa 'yan kahit gabi at nakasuot ng jacket.
Ang creepy niya lalo na kapag ngumiti dahil lilitaw ang ginintuan niyang ngipin. Isang piraso lang naman ito, 'yong bahaging nasa unahan.
"Mukhang blooming ka ngayon, ah. Lalo kang gumaganda," puri niya. Palagi naman niyang sinasabi 'yan, kaya sanay na ako. Pero kapag si Zyra ang nakarinig niyan mula sa kanya, nangingilabot siya.
"Thank you. May order ka ba? Ikukuha kita," tanong ko sa kanya.
"Okay na 'ko dito."
"Sige, balik na 'ko sa trabaho." Kaagad ko rin siyang tinalikuran. Hahakbang na sana ako nang muli siyang magsalita.
"Balita ko nakalabas na siya."
Natigilan ako at nangunot ang noo. Napalingon ako sa kanya.
"Ha? Sinong nakalabas?" nagtataka kong tanong. At anong ibig niyang sabihing nakalabas na?
Ngumisi siyang bigla na siyang ikinatindig ng mga balahibo ko sa katawan. Ang creepy niya talaga.
"Hindi ba niya sinasabi sa 'yo?"
Napaharap na akong muli sa kanya. "Ano bang tinutukoy mo? Anong ibig mong sabihing nakalabas na at sino?"
"Araw-araw mo siyang nakakasama, pero hindi niya nababanggit sa 'yo kung saan siya nanggaling?"
Mas lalo pang nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niya. Nagsimula na ring kumabog ng malakas ang dibdib ko. Ano bang sinasabi niya?
"Diretsuhin mo na 'ko. Ano bang sinasabi mo?" Nagsisimula na akong mainis sa kanya.
"Johannes, Johannes, Johannes."
Natigilan ako at napanganga sa sinabi niya. Mas lalo pang lumakas ang kabog ng dibdib ko.
What the hell? Anong ibig niyang sabihing nakalabas na?
"N-Nakulong s-siya?" halos pabulong ko na lamang na tanong sa kanya. Nagsimula nang mangatal ang buo kong katawan.
"Aha..." sagot niya na parang nawiwili pa siya sa nakikita niyang hitsura ko ngayon.
"B-Bakit? P-Paano nangyari?"
"Four years." Huminto siya saglit bago muling nagpatuloy. "Siya lang naman ... ang pumatay ... sa ama ... ni Ms. Zhujhen."
Napakapit ako sa gilid ng mesa dahil sa narinig ko. Nanghina ang buong katawan ko. Wala akong ginawa kundi ang umiling lang nang umiling.
"Hindi... Hindi... Hindi totoo 'yan." Paulit-ulit akong umiling sa kanya.
"Bakit hindi mo siya tanungin? ... Siguro ay natatakot siya na baka iwan mo siya... Oh, baka hindi mo siya matanggap dahil kriminal siya..."
"Hindi totoo 'yan!"
"Ang pagkakaalam ko nga ay tumakas lang siya sa bilangguan."
"Hindi!" Tumakbo na 'ko.
Hindi ko na kinaya pa ang mga naririnig ko. Hindi niya magagawa sa akin 'to! Hindi niya magagawa ang lahat ng 'yon!
BINABASA MO ANG
Behind Those Sweet Words (Editing)
Mystery / ThrillerAll Rights Reserved (2019) A side story of The Real Culprit. Nancy Hernandez is just a simple waitress in a famous and expensive restaurant owned by the Delavegas. No boyfriend since birth and have never experienced dating. Until one day, she rece...