Nancy"Nancy, bakit parang kamukha ni Johannes itong nasa dyaryo? Tingnan mo, Nancy! Hindi ba at si Johannes ito?" narinig kong tawag ni mama mula sa tindahan.
Hindi ako nakaimik. Ibig sabihin ay pinaghahahanap na ng batas si Johannes dahil sa pagtakas niya.
Bakit kasi kailangan niya pang tumakas?
Mas lalo siyang mapaparusahan dahil sa ginawa niya.Isang linggo na ang lumipas simula nang huli kaming magkausap at simula noon at hanggang ngayon ay hindi pa siya nagpapakita sa 'kin.
Hindi ko naman alam kung saan siya tumutuloy. Ang sabi niya lang ay kay Cedric. Hindi ko naman alam ang bahay niyon. Wala din siyang cellphone. May nabubuhay pa palang tao ngayon na kaya ng walang cellphone?
Bakit hindi siya gumagawa ng paraan para magpaliwanag sa akin? Kailangan ko ang paliwanag niya. Bakit hindi pa siya nagpapakita?
"Nancy," tawag na rin sa akin ni Papa. Umupo siya sa tabi ko dito sa sofa. "Alam mo ito?" tanong niya at ipinakita sa akin ang dyaryong may mukha ni Johannes.
Nakapahayag doon ang pagtakas nga ni Johannes sa kulungan.
Yumuko ako at 'di ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Hinagod naman ni Papa ang likod ko at isinandal sa kanya.
"Siguro ay may dahilan siya kung bakit niya nagawa 'yan... Hindi naman natin masasabi kung siya ba talaga ang gumawa. Hindi kasi lahat nang nakukulong ay may kasalanan. Ang iba ay napapagbintangan lang... At kung mamalasin pa, kung isa lang tayong dukha at mapera ang kalaban, minsan ay wala na tayong nagagawa dahil minsan ang batas ay natatabunan na lang ng pera at hindi na napapakinggan ang mahihirap at mga totoong pangyayari," mahabang paliwanag ni Papa.
Napatunghay naman ako sa kanya.
"Ano pong ibig niyong sabihin, Papa?" Parang nabuhayan akong bigla ng loob at medyo nabawasan ang bigat na nararamdaman ko.
"Hayaan mo siyang makapagpaliwanag. Subukan mong pakinggan ang panig niya. Pasasaan ba at maaayos din 'yan."
"Pero tumakas siya, Papa. Bakit niya kailangang gawin 'yon? Mas lalo siyang mapaparusahan."
"Sa tingin mo ba magagawa niyang tumakas ng mag-isa lang? Sa tingin mo ba ay walang tumulong sa kanya? Mahirap tumakas sa bilibid. Lalo na kung mag-isa ka lang."
Napahinto naman ako sa sinabi niya.
Naalala kong bigla noong pumunta si Cail sa resto. Ang sabi niya ay may kasama siyang kaibigan na nasa labas at Johannes ang pangalan. At ang sumunod na gabi ay noong isinama niya ako sa exclusive restaurant para makipagkita kay Johannes.
So, bakit magkasama sila ni Cail? Magkakilala pala sila? Magkaibigan sila? Hindi ba alam ni Cail na si Johannes ang pumatay sa Papa niya?
At si Cedric. Sino ba si Cedric? Ang alam ko lang ay kaibigan niya ang taong 'yon.
Naguguluhan na 'ko! Kailangan ko na siyang makausap. Nami-miss ko na rin siya. Gusto ko na siyang mayakap.
"Thank you, Papa." Napayakap na ako sa kanya. Tinapik naman niya ang likod ko. Ang swerte ko talaga dahil may mabait akong ama at maunawain.
"Papuntahin mo siya dito at kamo eh mag-iinom kami. At saka wala na akong supply ng sigarilyo," pabulong naman niyang sagot sa akin.
Kaagad akong kumalas mula sa kanya at sinamaan siya ng tingin. Bad influence talaga 'tong si Papa. Sa halip na hindi marunong uminom 'yong prinsipe ko, eh, tinuturuan pa niya!
"Ano na naman 'yan, Narciso?! Sigarilyo na naman!" sigaw ni Mama mula sa tindahan. Narinig pa niya 'yon? Lakas talaga nang pandinig ni Mama.
Kakamot-kamot naman sa ulo si Papa habang natatawa. "Talas talaga nang pandinig ng Mama mo.""May sinasabi ka?!" sigaw muli ni Mama habang nakadungaw sa amin mula sa pinto ng tindahan.
"Ha?" Inosente naman siyang nilingon ni Papa.
"Anong ha?!" sigaw ni Mama sa kanya.
"Wala, Mahal. Kako eh tara na at kumain na tayo. Alam mo namang ayaw kong nagugutom ka, eh." Tumayo na si Papa at nilapitan si Mama. Hinila niya ito sa kamay papasok dito sa loob.
"Huwag mo 'kong mamahal-mahal!"
"Eh, mahal naman talaga kita," paglalambing ni Papa sa kanya.
Naiiling na lang ako sa kanila. Nauna na 'ko sa kitchen para kumain. Bahala na sila dyan maglampungan.
"Niana, Nuke! Kakain na!" tawag ko sa kambal na nasa itaas ng bahay pero si Bonbon ang tumakbo paibaba. "Ikaw ba si Niana at Nuke?" tanong ko sa kanya pero tinahulan lang ako ng magaling na aso.
"Opo!!" dinig kong sigaw ng dalawa mula sa itaas. Abala na naman sila sa pag-aaral. Nauna na 'ko sa kitchen.
Napahawak ako sa sikmura ko. Lately ay palagi na lang akong nakakaramdam nang pananakit ng sikmura. Hindi kaya umaatake na naman ang ulcer ko? Dati kasi ay nagka-ulcer ako sa kaka-diet ko. Hindi ako kumakain ng kanin sa tamang oras. Masama pala 'yon.
Nagbukas ako ng kaldero, at ganun na lang ang pamimilog ng mga mata ko nang adobong oink-oink ang nabungaran ko!
Megesh! My Peborit!
Ganun na lang ang saya ko. Kaagad akong kumuha ng marami at inilagay sa plato kong malaki. Nagtungo ako sa mesa at kaagad na naupo sa isang silya.
"Oh, tingnan mo 'tong anak mo. Hindi man lang nagtawag," ani Papa sa harapan ko. Kasama na niya si Mama.
Kaagad akong sumubo ng ulam, ngunit bigla ko rin itong nailuwa sa plato ko. Kakaiba ang lasa nito. "Papa, sino pong nagluto nito?"
"Ako, bakit?"
"Bakit ganito ang lasa?" Binitawan ko ang kutsara't tinidor na hawak ko. Napasandal na lang ako sa upuan. Tinikman naman ito ni Papa mula sa plato ko.
"Masarap naman, ah. Tikman mo, Mahal." Sinubuan niya ng isang piraso nito si Mama.
"Bakit? Anong problema dito? Okay naman, ah," ani Mama habang ngumunguya.
Kinuha ko ulit ang kutsara ko upang subukan ulit tikman ang adobo. Ngunit malayo pa lang ang kutsara sa bibig ko ay naduwal na ako.
"Ugh!" Bigla akong napatayo at napatakbo patungo sa lababo. Agad naman lumapit sa akin si Papa at hinagod ang likod ko.
"Ano bang kinain mo kanina at nagkakaganyan ka?" tanong niya, ngunit hindi ko siya masagot dahil patuloy lang ako sa pagduwal sa lababo.
Wala naman akong maisuka dahil simula kaninang umaga ay hindi naman ako gaanong nakakakain dahil sa pananakit ng sikmura ko na ilang araw ko nang iniinda.
Nang matapos ako ay inabutan ako ni Mama ng isang basong tubig. Hindi siya umiimik at nakatitig lang sa akin. Tinanggap ko naman ito.
"Mamaya na lang po ako kakain." Bigla akong nanghina.
Umakyat akong muli ng hagdan. Nakasalubong ko pa ang dalawang kambal na tumatakbo na paibaba.
"Ate, hindi na tayo kakain?" tanong ni Niana.
"Kumain na kayo don," mahinang sagot ko sa kanya.
Pagdating ko sa itaas ay pumasok ako sa loob ng silid ko. Nahiga ako sa kama ko. Parang latang-lata ang pakiramdam ko. Naalala ko si Johannes.
Naramdaman ko ang pag-agos ng mga luha ko sa gilid ng aking mga mata. Napahikbi ako sa bigat nang nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag.
Miss na miss na kita, mahal ko. Gusto kitang makatabi. Gusto kitang mayakap.
BINABASA MO ANG
Behind Those Sweet Words (Editing)
Mystery / ThrillerAll Rights Reserved (2019) A side story of The Real Culprit. Nancy Hernandez is just a simple waitress in a famous and expensive restaurant owned by the Delavegas. No boyfriend since birth and have never experienced dating. Until one day, she rece...