ikaw lalake sa silid-aklatan,
masyado kang maingay.
ang marahang kalampag ng iyong mga yapak
sa kahoy na sahig
ay umaalingawngaw
sa iyong pagpasok
nakakarindi, nakakarindi
ang paghalik ng iyong mga daliri
sa gulugod ng mga libro
ay tila isang despertador
na sa akin ay gumigising
mula sa isang marilag na panaginip
nakakayamot, nakakabalisa
na sa payak mong pagpasok sa aking mundo,
ang mapag-isa kong paraiso ay gumuho
isang estrangherong naligaw sa aking teritoryo
at nagbabantang sakupin ang buo kong pagkatao
ikaw;
ay pumitas ng aklat,
at naglakbay patungo
sa kabilang mesang kinauupuan ko
magkasingtunog
ang huni ng kumukulong tubig sa takure
at ang instrumento sa aking dibdib
hindi mawari
kung ito ba'y pagkamuhi
o paghanga
sa sarili o sa iyo
hindi mawari
kung takot ba akong masakop o takot na masuyo
hindi mawari
kung ang ginhawa ba sa iyong pag-iisa
ay kasingkapanatag ng pag-iisa ko
hindi maalintana
kung banta rin ba ako sa mundo mo
o
kung sinyales ba ng presensya ko sa kwarto
ang paulit-ulit mong pagkatok
sa mesa gamit ang buko ng iyong daliri
marahil ay hindi
marahil ay hindi kasingkapal ng barikada ko ang barikada mo
marahil ay bahagi lang ako ng madilim na mundo
asin sa karagatan,
o
andap sa apoy
kaya ikaw lalaki sa silid-aklatan,
huwag ka masyadong maingay
huwag magtampisaw sa payapa kong karagatan.
[ika-27 ng pebrero, 2020]

BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Поэзия𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ