para sa mga kababaihang nalinlang at maagang natali sa responsibilidad.
☪
noong sumubok muli ang bakunawa,
at inakyat ang rugtong-rugtong na dilim
nag-itim ang kinang ni dalagitang Buwan
akmang magbabalat-kayo sa gabi't huwag magpakain
sa paglaho ng init at kaligtasang inihahain ni Araw,
tahak-tahak ang panganib ay sinisid ang kalawakan
niyugyog ang mga tahanan ni Bathala at nakisuyo sa mga puraw ng langit
hinipan ang dagitab na nagsisilbing paon
at sa dasal ito ay kumapit.. ng kay higpit
may bagyong paparating
dito siya'y natutong manirahan sa mga maliliit na butil ng ulan
ikinumot ang lamig sa takot na nag-aapoy
at dininig ang hanging nagbabanta ng panibagong alalahanin
habang ang bakunawa'y gutom na gutom pa rin
sa pagdalaw ng madaling-araw,
ito'y taimtim na nag-aabang
paunti-unting humuhulas ang kulay
pangangailanga'y labis na dinaramdam
"oh Buwan, ikaw ay aking iniibig.
lumapit ka ng saglit, saktan ka'y 'di ko masisikmura."
sabay ang pagkabog ng dibdib ay tila minahikang palad na nakalahad;
"halika giliw, saluhan mo ako sa lupa"
dito ay tuluyang naakit, binali ang puting pakpak at nagpatangay sa rurok
kaligtasa'y panghabang-buhay na nilisan
at tuluyang sumugod sa matamis na patibong
ani Buwan, "pangako mo ngayo'y nasaan?"
ang unang pangil na bumati sa kanya ay balisong
sunod ay ang katotohanang singtalim
at sa hapunang iyon una ko ring nasaksihan,
ang pagsabog ng mga tala sa kalawakan
[ikatlo ng mayo, 2020]
BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Poetry𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ
