/ kung may maihaharap / ang garapal kong mukha kahit lamang / sa kariktan ng iyong kuko, / marahil ay noon pa / inangkin na kita / kung sa unang gabi / ng ating pagsasama / ay may maihahain ako sa ating hapag / maliban sa putik na naipon ko / sa nangingitim na blusa, / marahil ay naitimbang ko / ang posibilidad / kung ang halaga ko ay mas titimbang / sa pinakamababang salapi / at ang kostas / ng munting pagdinggin ng boses mo'y / mas mura, / marahil ay maaari / ngunit, likas na sa atin ang subalit / sa pagdukot sa aking bulsa, / tanaw ang kumikinang na palasyo sa malayo / walang mas dudurog pa / sa puso / liban sa katotohanang / karalitaan lamang ang nasikop ng aking palad / walang mas bibigat pa sa hangin / ng kadukhaan / gayong ang pinapangarap ko'y / singhalaga ng ginto't alahas / ng maykapal / sa susunod na buhay, / sa mundong hindi ako alipin ng lipunan, / tataluntunin ko ang iyong mga yapak, / ibubulong kita sa mga alon, / lilinukin sa mga bato / itutugon sa mga ulap / at aasa na matatagpuan kita / sa pook na unang babagsakan ng ulan / hahanapin kita, / mahal kong maharlika /
[ika-18 ng hunyo, 2020]

BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Puisi𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ